ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Kwentong Kapuso:  Kaban ng bayan, nasaan?


Noong kandidato pa lang sila,
Napakabait, mapagbigay sa kapwa,
Kampanya doon, kampanya dito,
Walang tigil sa pambobola sa tao.
 
Pera’y ilalabas ipamigay sa taumbayan,
Makasigurado lang sa darating na halalan,
Kahit malayong lugar pilit na pinupuntahan,
Beso-beso doon,ngiti at kaway-kaway diyan.
 
Maraming taon na ang nagdaan,
Lumulubog na ang Pinas sa utang,
Dahil talamak na ang pagnanakaw ng kaban ng bayan at korapsyon,
Napigilan sana kung ang mga Pilipino bumoto ng tama noon .
 
Sa mga nahalal na na  kandidato,
Anuman ang posisyon mo sa gobyerno,
Maghunusdili kayo sa inyong ginagawa,
Aba, tigilan na ang gawaing nakakasama.
 
Sakuna sa iba’t ibang lugar,
‘Pag napanood at narinig nakakaasar,
Pagpuputol ng mga puno sa kagubatan,
Bigating mga politiko ang may kagagawan.
 
Mga bata sa lansangan,
Aklat sa iba’t ibang paaralan,
Labis ang kakulangan,
Dahil pera na dapat sa kanila ilalaan,
Napupunta sa bulsa ng mga politikong gahaman
 
Karahasan, patayan, kalaswaan,
Dapat bang sisihin ang mamamayan?
Kung ang gumagawa nito sa politiko kumakapit,
Tanggapin na lang ba natin ito at karangalan ng Pinas naiipit?
 
Sa mainit na isyu ng bayan,
“Pork Barrel” ating pinag-uusapan,
Itigil ang kababuyan ng mga gahaman,
Isauli na ang pera ng taumbayan.
 
Mga kababayan saan mang panig ng mundo,
Maging mulat kayo  sa paligid ninyo,
Pangyayaring may kinalaman sa gobyerno,
Makiisa, kapit-kamay, sama-sama tayo.
 
 
-- Isinulat ni: Maria Paz Samelo
Bangkok, Thailand