ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Kwentong Kapuso: Buhay OFW for 25 years


Ako ay si Meneses Ching, taga-Dagupan City, lumaking salat sa yaman. Isa lang kawani ang aming Amang sa gobyerno at nasa bahay lang si Inang. Kahit mahirap ang buhay, nakatapos ako ng elementarya at highschool, bagama't 'di ko natapos ang aking kursong edukasyon dahil sa kakapusan sa pera.

Ito ang aking buhay OFW.

March 6, 1988 nang ako'y umalis papuntang Amman, Jordan. Dahil sanay akong malayo sa pamilya, okay lang sa akin ang pag-alis ko. Mabait naman ang napuntahan kong amo, mag-asawa at may dalawang anak. Hindi ako na-homesick dahil may kasama akong nanny na Pinay at hardinerong Pinoy. May day off din kami every Sunday. Kumakain kami ng tama at nagpapahinga ng tama. Ang problema lang dito ay maliit na sahod na $200. Kakaunti lang ang naipadadala ko sa magulang ko every month. Nang matapos ang dalawang-taong kontrata ko ay hindi na ako pumirma ng bago. Sa halip ay nagtrabaho ako sa labas ng ilang buwan hanggang sa mapadpad ako sa Cairo, Egypt, noong October 1990. Hanggang ngayun nandito pa rin ako sa Egypt.

Wala man akong experience bilang nanny pero 'yan ang naging trabaho ko, ang mag-alaga ng bata bagama't hindi pa ipinapanganak ang aalagaan ko nung magsimula akong magtrabaho sa Egypt.  December 24 ipinanganak ang alaga ko, na ngayo'y 22 na. Ang aking buhay sa 22 years na 'yan ay sipag lang at tiyaga at tiis. Lahat ng trabaho, kahit mabigat, 'di ko alintana dahil gusto kong makatulong sa aming mga magulang at mabigyan sila ng magandang buhay. Ang trabaho talaga ay mahirap dahil na rin sa may kasama kaming ibang lahi. Minsan sobrang sipsip, minsan 'di maintindihan ang ugali, minsan ipahahamak pa kami. Pero dahil pinakita ko ang katapatan at kabaitan ko sa alaga ko't trabaho, malaki ang tiwala sa akin ng amo ko.

Alam niyo bang sa 25 years na ito ay limang beses lang akong nakauwi sa atin? Dalawa pa diyan ay emergency dahil magkasunod na namatay ang aking mga magulang. Dahil sa kanila kaya ako talaga nag-abroad. Pero nawala man sila naibigay ko din ang konting ginhawa sa buhay nila. Di man ako successful sa pagkakaroon ng pamilya ay okey na rin 'yun sa akin dahil may mga pamangkin naman akong parang mga anak ko na rin. Andiyan pa rin ang aking mga kapatid nakasubaybay sa akin dahil sa totoo lang ako lang ang walang pamilya sa aming walong magkakapatid.

As of now wala akong balak umuwi ng Pilipinas for good. Hangga't kaya ko pa ay magtatrabaho pa rin ako abroad. Di ko man masabi na mayaman ako pero may konti na rin akong nai-pundar, at kahit tumutulong ako sa mga kapatid ko ay okay lang sa akin. Di man ako successful bilang teacher, proud naman ako bilang OFW. Sipag, tiis, tiyaga ang kalaban ko pero nakayanan ko ito sa buong 25 na taon. At heto pa rin ako isa pa ring OFW.

Dalangin ko sana ay makamtan ko ang gusto kong marating para mas lalong maging masaya ang buhay ko. Sa totoo lang single pa rin ako at masaya naman kahit papaano.

Payo ko lang sa mga kapwa ko OFW, iwasan ang maging pasikat. Ipakita kung ano ang meron ka. Huwag magyabang at lumakad sa hangin. Maging masaya din lagi para di maisip lagi ang pamilyang naiwan. At higit sa lahat, ugaliing magdasal at tumawag sa Diyos lagi. Isa 'yan sa 'di ko maalis na ugali ko, lalo na pag ako'y maysakit at may problema.

Bilang OFW huwag niyo ring ikakahiya ang pagiging DH.

Maraming salamat at sana nagustuhan nyo ang aking Buhay Bilang OFW.

Sa ngayun apat na taon na ako dito sa London, UK kasama ang aking alaga, na binata na.

Pagpalain kayo ng Poong Maykapal.