Kwentong Kapuso: Ang Pagbabalik
UNANG YUGTO – ANG PAGLAYO
Hindi ko mapigil ang lungkot at kaba na aking nararamdaman, ngayon na ang araw ng paghihiwalay namin ng aking mga anak. Ilang beses kong pinag-isipan kung makakaya ko ba ang hirap na susuungin ko sa lugar na ni sa panaginip ay hindi ko napuntahan. Walang patid ang tulo ng aking luha habang mahigpit kong yakap ang aking mga anak, si Angel tatlong taong gulang at ang aking bunsong si Adrian isang taong gulang pa lamang. Wala silang kamuwang muwang kung bakit ganun na lang ang aking pag-iyak habang yakap silang dalawa. Sa murang isipan nila ay hindi pa nila naunawaan na magkakawalay kaming mag-iina sa mahabang panahon, dalawang taon kung tutuusin. Nakatakda akong tumungo sa bansang Kuwait upang magtrabaho bilang isang katulong.
Ako si Marina, 25 taong gulang, isang karaniwang maybahay. Tubong Isabela. Lumaki at nagka-asawa sa isang baryo na nalimutan na yata ng salitang kaunlaran. Kung hindi lang sana dahil sa asawa kong wala yatang ambisyon sa buhay ay hindi talaga ako mag-iisip na mangibang bansa. Pero dahil bukod sa batugan at lasenggo na ay sugarol pa. Kumita man ng konti sa pakikisaka uubusin din halos lahat sa sabong at inom. Ni hindi man lang maibili ng bagong tsinelas ang mga anak namin. Kaya kapag anihan ay nakiki-gapas na rin ako para kahit paano ay may maiuwing palay na syang kabayaran sa pag-gapas ko maghapon.
Nang minsang magawi sa baryo namin si Aling Conching na Recruiter at nag-alok na sasamahan akong mag-apply para makapag-abroad ay hindi na ako nag dalawang isip pa, pikit matang tinanggap ko ang alok nya. Kahit masakit sa loob ko na maisip na maiiwan ko ang mga anak namin. Kahit alam kong hindi sapat ang aking pinag-aralan dahil hanggang Grade 6 lang ang inabot ko, na hindi ko man lang nagawang matapos.
Sa loob ng tricylcle wala pa ring tigil ang aking pag-iyak, basang basa na ang hawak kong bimpo sa walang tigil na pagpatak ng aking luha, habang panay ang himas sa likod ko ng kapatid kong maghahatid sa akin sa Terminal ng bus. Luluwas ako ng Maynila upang tumuloy muna ng ilang araw sa boarding house ng Agency hanggang sa araw ng pag-alis ko at ng iba pang aplikante.
IKA-DALAWANG YUGTO – MGA AHAS NG AHENSYA
Nagulat ako sa tapik sa akin ng kasama kong taga agency, si Ate Mirriam kung tawagin naming mga aplikante. "O, ingatan mo yan, huwag mo bubuksan ha. Pagdating mo dun susunduin ka ng taga Agency, ibigay mo sa kanila 'yan." Sabay abot ng isang brown envelope na may lamang mga papeles daw. "Pirmahan mo ito" sabi naman sa akin ni Ate Judy, kasamahan sa ahensya ni Ate Mirriam, at inilahad ang puting papel na wala namang nakasulat. Tinanong ko sya kung ano 'yun at para saan. Sabi nya para sa katibayan daw na napaalis na nila ako. Wala na raw kasing oras para magawa at gagawin na lang nya pagbalik nya sa agency, sagot naman ni Ate Mirriam. Dahil sa tiwala naman ako kay Ate Mirriam ay pinirmahan ko na rin ang blangkong papel.
Sa loob ng eroplano, hindi ako mapakali. Bukod sa unang pagkakataon ko lang makasakay ng eroplano ay nandun pa rin ang kaba sa aking dibdib at lungkot na nadarama. Ngayon ko naisip na sana di na lang ako umalis. Buong byahe ay hindi man lang ako naka-idlip, nalibang ang isip ko sa panonood ng mga pelikula sa malaking screen sa harapan ko.
IKA-TATLONG YUGTO – BANSANG KUWAIT
Pagdating ko sa airport ng bansang Kuwait sama sama kaming mga kababaihang sa tingin ko ay DH din na pinapunta ng mga pulis sa isang kwarto. "Wait here." 'yun lang ang sinabi ng pulis. Maya maya tinawag ang pangalan ko, may sundo na raw ako na taga agency. Isang arabong mataas ang nagtanong kung ako daw ba si Marina, tango lang ang naisagot ko dahil sa kaba. Kinuha nya ang maleta ko at sinabing sumunod sa kanya. Sa loob ng sasakyan, wala akong imik, nakatingin lang ako sa labas ng sasakyan. Mga naglalakihang gusali, mga Malls na napapalamutian ng maraming ilaw. Mga naglalakad na tao na sa tingin ko ay mga Pilipino rin. Mga ibang lahi na animo’y mga pari sa mahabang puting damit na suot nila. Pagdating sa opisina na kalaunan ay nalaman kong isa palang agency, pinapasok ako sa isang kwarto at tinanong ako kung nagugutom ako. Tango lang ang isinagot ko sa tanong nya. Umalis sya at maya maya’y bumalik na may dalang kaning kulay pula at inihaw na manok.
Kinabukasan, sinundo ako ng sinasabing magiging amo ko raw. Isang malaking lalakeng mataba at sa tingin ko ay wala pang 40 yrs. old. Makapal ang balbas at bigote, malalim ang mga mata at medyo maitim ang kulay ng balat. Pagdating namin sa bahay nila ay nagulat ako sa laki, at luwang ng buong kabahayan. Hanggang ikatlong palapag ang bahay nila na kulay puti ang mga dingding. Pagpasok namin ay sinalubong kami ng isang medyo may katabaang babae, “Your Madam”, sabi sa akin ng lalaki. Inilahad ng babae ang kanyang kamay upang makipag-kamay, nahihiyang kinamayan ko sya na nakayuko at umiiwas tumingin ng diretso sa kanyang mga mata. “You’re Marina? I’m Madam Reem. I am your sponsor. You have mobile?” “Ma’am?” Tanging naitanong ko. “Cellphone, you have cellphone?” “Yes Ma’am”, sabay dukot sa aking bag ng mumurahin kong cellphone. Kinuha ni Madam ang cellphone at sinabing sumunod ako sa kanya. Isinama nya ako sa magiging kwarto ko, nadatnan namin dun ang isa pang kasambahay na ibang lahi, na kalaunan ay nalaman kong Bangladesh pala.
Umalis ang amo kong babae at sinimulan kong ilabas sa maleta ko ang iilang piraso ng damit na nagawa kong dalhin. Habang nilalabas ko ang aking mga damit ay nahulog ang iniipit kong larawan naming mag-iina na magkakayakap. Hindi ko napigilan ang maluha sa lungkot at awang nadama ko para sa aking mga anak. Iniisip ko kung kamusta na kaya sila, kung tulog na ba sila sa oras na ‘yun. Kung nakakain ba sila ng maayos. Naibulong ko sa sarili ko na para sa kanila rin ang ginawa kong paglisan, PARA SA KANILANG KINABUKASAN.
“Hello” sambit ng kasama kong Bangladesh na nagpabalik sa isip ko sa kasalukuyan. Nilingon ko ang kasama ko at sinagot din ng “Hi”. “I’m Chandrika”, sabi nya. Sinabi ko rin ang pangalan ko sa kanya habang nakatingin sa mukha nya na wari ko ay may lungkot sa kabila ng pilit na ngiting pinapakita nya sa akin. Napuna ko rin ang parang pantal ng bugbog sa mga braso nya pero hindi ko na gaanong binigyan ng masamang kahulugan. Nagkakwentuhan kami kahit pareho kaming nahihirapan dahil hindi rin sya gaano marunong ng salitang English.
“Marina!” dinig kong tawag ng amo kong babae. Bigla akong napatakbo sa pintuan at nasalubong ko ang madam ko na papasok na rin pala sa kwarto namin. “Come” ang sabi lang nya, kaya agad akong sumunod sa kanya. Isinama ako ng amo ko sa kusina na maluwang at puro stainless ang mga patungan at lababo. Sadyang pang mayaman ang mga gamit nila, naisip ko. “This is our kitchen, this is where you will cook, you know how to cook?” Yes ma’am lang ang naisagot ko sa kanya. “OK, make yourself busy, clean this kitchen first.” ‘Yun ang naging unang trabaho ko pagdating sa bahay ng amo ko, linisin ang malaking kusina nila.
IKA-APAT NA YUGTO – ANG PAHIWATIG NG BANGUNGOT
Lumipas ang ilang buwan at agad kong napuna ang pagbabago ng ugali ng aking mga amo. Si Madam, naging mabunganga sa akin. Nung una’y inakala kong kaya naging mainitin ang ulo nya ay dahil hindi sila magkaanak ni Sir, kahit ilang taon na silang kasal. Lagi ko rin syang nakikita na sinasaktan si Chandrika, batok, sabunot, minsan malalakas na sampal pa.
Lahat ng gawa ko ay pinapansin, minsan may kasama pang batok kapag akala nya ay mali ang aking ginawa. Walang tigil ang bunganga habang panay ang kumpas ng kanyang mga kamay. Ang kasama kong si Chandrika, kapag ganung nagbubunganga na si Madam napapansin kong parang nanginginig sya sa takot. Si Sir naman, kung nung unang ilang araw ko ay parang walang imik, ngayon naman lagi kong nahuhuling nakatitig sa akin, kahit nakatalikod ako ay alam kong nakatingin sya sa akin. Madalas ko rin syang makitang tumitingin sa dibdib ko kapag nagsisilbi ako ng pagkain sa oras ng kanilang hapunan. May mga pagkakataon din na kapag hindi nakikita ni madam ay lalapit sya sa aking likuran at hahawakan ako sa braso, na nung una’y di ko gaano pinapansin pero nang lumaon ay napuna kong nagiging makahulugan. Nakakadama ako ng takot at pagiging asiwa sa ginagawa nya.
Nang minsang wala ang mag-asawa at magka-kwentuhan kami ni Chandrika nasabi ko sa kanya ang mga pagbabagong napuna ko sa kinikilos ng mga amo namin, lalo na ang ginagawang pananakit sa kanya. Bigla syang napaiyak at sa paputol putol na salita ay nasabi nyang matagal na syang binubugbog ni Madam. Wala pa raw ‘yung mga nakikita kong ginagawa sa kanya. Itinaas nya ang kanyang damit at pinakita ang kanyang likod, may malaking peklat na korteng trayanggulo. Tinanong ko sya kung napaano ‘yun, ang sagot nya ay pinaso raw ni Madam ng plantsa nang minsang namamalantsa sya at may pinapagawa si madam na hindi nya agad nagawa. Dinampot daw ang plantsa at idinikit sa likuran nya. Napaiyak ako sa naisip ko kung gaano naging kasakit ang pasuin ng plantsa sa likuran. Hindi rin daw sya pina-ospital, ibinili lang sya ng mga gamot at hinayaan gamutin ang sarili nya. Awang awa ako kay Chandrika, kaya pala pati ang mga braso nya ay puro bakas ng sugat, siguro dahil na rin sa pagmamalupit ni madam.
Pinaalalahanan din ako ni Chandrika na mag-iingat sa amo naming lalaki, dahil aniya’y may ni-rape na itong dating kasambahay na kapwa ko Pilipina. Na nang malaman ni Madam ang nangyari ay agad nyang ibinili ng tiket pauwi ang pinay para makaiwas sila sa anumang kasong maaaring isampa nito laban sa kanila.
IKA-LIMANG YUGTO – ANG SIMULA NG BANGUNGOT SA BUHAY KO
Dumating ang isang pangyayaring nagpabago sa takbo ng buhay ko. Iyon ang naging simula ng pagdurusa’t hirap na kahit sa hinala ay hindi sumagi sa isipan ko na mangyayari sa akin. Na-ospital nun si Madam dahil inoperahan sa sakit sa bato. Kailangan manatili ng ilang araw sa ospital upang magpagaling ng husto. At dahil kailangang may magbantay ay laging nasa ospital din si Chandrika. Sa unang gabi pa lang na kami lang ni Sir sa bahay ay nangyari ang BANGUNGOT ng buhay ko.
Bandang alas diyes ng gabi nuon ng tawagin ako ni Sir sa kwarto nya. Sinabihan nya akong masahihin ko sya. Sa kabila ng pagtanggi at pagsabing hindi ako marunong ay nagpumilit pa rin sya. Ang sabi nya ay sa likod lang daw dahil napagod sya sa trabaho nya. Wala akong nagawa kundi lumapit sa kanya na nuon ay nakahiga na sa kama nila. Pinakuha nya ang lotion na nakapatong sa dresser ni Madam. Pagbalik ko ay nagulat ako dahil wala na syang damit pang-itaas, tangging karsonsilyo na lamang ang suot nya.
Akma akong lalabas ng kwarto ng sigawan nya ako at sabihing lumapit at masahihin sya. Nanaig ang takot ko sa kanya na baka saktan nya ako kapag hindi ako sumunod. Dumapa sya sa kama at sinabing umpisahan ko ang pagmasahe sa likod nya. Inumpisahan ko syang masahihin ng nakatayo ako at malayo sa kanya, pilit ko lang inaabot ang likuran nya at pinapahiran ng lotion. Sinabihan nya akong umupo sa tabi nya at diinan ang pagmasahe.
Pag upo ko sa kama ay bigla syang tumihaya at hinawakan ako sa magkabilang braso. Nagulat ako dahil nakatayo ang ari nya, tandang nilulukuban na sya ng mala demonyong pagnanasa sa akin. Inihiga nya ako sa kama at kinubabawan, nagpupumiglas ako at nagmakaawa sa kanya. “Sir, please don’t do this” umiiyak na sabi ko sa kanya. Sinampal nya ako na halos ikabingi ko, sabay sabi sa akin na ibigay ko ang gusto nya kung hindi ay papatayin nya ako. Wala raw akong magagawa dahil kami lang ang nasa bahay na iyon.
Nagsisigaw at nagpupumiglas ako pero sampal lagi ang naging sagot nya sa akin. Hindi ako makapiglas dahil sa kaliitan ko at sa laki ng katawan nya ay halos imposibleng makawala ako sa pagkakadagan nya sa akin. Habang hawak ng isang kamay ang leeg ko ay mabilis na hinubaran nya ako gamit ang kabilang kamay nya. Sa tuwing magtatangka akong sumigaw ay sinasampal nya ako. Naubusan na ako ng lakas sa kakapiglas, wala na akong nagawa kundi ang humagulgol ng iyak habang ginagawa nya ang kanyang kademonyohan sa akin. Muli nya akong pinagbantaan na papatayin kung magsusumbong kahit kanino, lalo na sa asawa nya. Panay ang iyak ko, ilang beses kong tinawag ang pangalan ng mga anak ko, wari’y humihingi ng tulong sa kanila..“Angel..Adrian..mga anak ko.”
Nang makatapos sya ay inakala kong hahayaan na nya akong makaalis ng kwarto nya. Pero hindi pa pala dun matatapos ang paghihirap ko. Bigla nya akong hinawakan sa katawan at idinapa, sabay hawak sa aking balakang at pilit na ipinapasok ang sarili nya sa aking likuran. Nagwawala na ako sa pagpiglas dahil naunawaan ko na ang gusto nyang mangyari, at alam kong hindi ko kakayanin ang gusto nyang gawin sa akin. “NO SIR PLEASE!” Ang sigaw ko sa kanya habang panay ang pilit kong makaalpas sa pagkakahawak nya sa katawan ko. Please Sir HARAM!, habang humahagulgol ako ng iyak. Bigla nya akong sinuntok sa tagiliran na ikinawala na aking malay, tuluyan na akong nanlambot at nawalan ng lakas. Hindi ko na nalaman kung ano pa ang sumunod na nangyari.
Ang namalayan ko na lang nang magising ako ay nasa kama ko na ako, nakahubad, napakasakit ng aking katawan, lalo na ang aking likuran na ginamit ng hayop na amo ko. Muli akong napahagulgol ng iyak, ang mga anak ko ang pumasok sa isipan ko. Kahit masakit ang buong katawan ko ay pinilit kong tumayo at nagpunta sa banyo, hinayaan kong umagos ang tubig ng shower sa buong katawan ko habang nakaupo ako sa sahig ng paliguan at umiiyak. Inisip ko na sana ay magawang hugasan ng tubig ang masamang nangyari sa akin.
IKA-ANIM NA YUGTO – PAGTAKAS, ANG TANGING PAGASA
Ikatlong araw ng umuwi si Madam, pero nagulat ako dahil wala si Chandrika. Tinanong ko si Madam, at sa pagalit na sagot ay sinabi nyang tinakasan daw sya habang natutulog sya sa ospital. May nakilala daw lalaking kababayan nya si Chandrika at sumama sya. Sa sinabing ‘yun ni Madam ay lalo akong nag-alala, hindi para kay Chandrika kundi para sa akin. Dahil wala na akong kasamang pwede kong pagsumbungan ng nangyari sa akin. Nagtama ang mga mata namin ni Madam at napaiyak ako. Tinanong nya ako kung bakit ako umiiyak. Sinabi ko kay Madam ang nangyari tatlong gabi ang nakaraan, ang kahayupan ng asawa nya. Ngunit imbes na makadama ng awa gaya ng akala ko ay sabunot at sampal ang naging sagot nya sabay sigaw na “INTA HAYWAN, QADAB!” (Hayup ka, sinungaling). Sinabi ko sa kanyang hindi ako nagsisinungaling at sinabi kong samahan nya akong magpa medical upang patunayan ang lahat. Ngunit imbes na sumagot ay tinalikuran nya lang ako.
Kinagabihan, naririning kong nagsisigawan ang mag-asawa. Sa konting natutunan kong salita nila ay naunawaan kong pinipilit ni Madam na magtapat ang asawa nya tungkol sa isinumbong ko. Nakadama ako ng matinding takot, naalala ko ang banta ng hayup na asawa nya sa akin, “papatayin kita kapag nagsumbong ka kahit kanino.” Hindi ko malaman ang aking gagawin, nahaluan ng pagkataranta ang malaking takot na nadarama ko. Naalala ko si Chandrika, nasaan na kaya sya ngayon. Naalala ko ang ginawa nyang pagtakas. Mabilis kong ikinandado ang pintuan ng kwarto ko at agad nag-impake ng maleta ko. TATAKAS AKO! Ito na lang ANG PAGASA ko… ang tumakas. Nasabi ko sa sarili ko.
Madaling araw, nang tulog na sila ay dahan dahan akong bumaba at lumabas ng bahay nila, hindi alam saan pupunta. Naglakad na walang patutunguhan. Maya maya’y may pumarang taxi sa aking tabi. Tinanong ako ng driver kung saan pupunta. Sinabi kong hindi ko alam dahil tumakas lang ako sa bahay ng amo ko. Nag-alok syang ihahatid ako sa embahada ng Pilipinas upang duon muna tumuloy. Nabuhayan ako ng loob at nakadama ng pagasa ng marinig ang katagang Embahada ng Pilipinas. Agad akong sumakay sa taxi nya at mabilis nyang pinaandar ang sasakyan. Nagpa-ikot ikot ang driver kung saan saang kalsada, habang hawak ang kanyang cellphone at may kausap, na hindi ko mawari kung anong lengguwahe ‘yun. Nanatiling wala akong kibo at hinintay na lang na makarating kami sa pinangako nyang pagdadalhan sa akin.
IKA-PITONG YUGTO - CASA
Nang huminto kami ay nagulat ako sa pinagdalhan nya sa akin, isang lumang building sa ilang na lugar. Tinanong ko sya kung nasaan na kami. Hindi nya ako sinagot at sinabing bumaba ako ng taxi. Sinabi kong hindi embahada ang lugar na ‘yun gaya ng sinabi nyang pagdadalhan sa akin. Dalawang lalaki ang lumabas galing sa building, hinila nila akong pababa ng taxi. Nang magpumiglas ako ay tinakpan ng isa ang aking bibig habang ang dalawa ay pinagtulungan akong buhatin papasok sa loob ng building. Sa isang kwartong madilim, maamoy at walang bintana, doon, isa na namang BANGUNGOT sa buhay ko ang nangyari. Halinhinan nila akong pinagsamantalahan. Parang mga gutom na hayop na pinagpasasaan nila ang aking katawan. Labis na pagkadiri at pagkasuklam ang naramdaman ko sa kanila, dahil sa bukod sa ginagawa nilang kababuyan sa akin ay amoy na amoy ko pa ang mabahong katawan nila. Wala akong magawa, habang hawak ng dalawa ang magkabilang kamay ko ay nakapatong naman sa akin ang isa sa kanila, at halinhinan nilang ginawa iyon. Gusto ko ng mamatay ng oras na ‘yun, o gumising sa isang masamang bangungot na kasalukuyang nangyayari sa akin. Diyos na lang ang tanging nahingan ko ng tulong sa pagkakataong iyon. Ang tagal na panahon na palang nakalimot ako sa Kanya. Kelan nga ba ako huling nanalangin at nagpasalamat sa kanya. Hindi ko na maalala kung kelan ‘yun.
Iniwan nila akong hubad, masakit ang katawan at umiiyak. Nagpapalahaw at nagsisigaw ako sa labis na galit sa kanila. Narinig kong ikinandado nila ang pintuan ng maliit na kwartong kinaroroonan ko. May naulinigan akong mahinang katok sa dingding. Sinagot ko ng katok ang nasa kabila. Sa maliit na butas ay may ipinasok syang maliit na papel. Agad ko ung kinuha at binasa. Humihingi ng tulong makaalis sa lugar na iyon ang nagbigay ng sulat. Tinawag ko sya sa pamamagitan ng pagsalita sa maliit na butas sa dingding, tinanong ko kung sino sya at anong ginagawa namin sa lugar na ‘yun. Sinabi nyang Chandrika ang pangalan nya, at casa daw ang lugar na kinaroroonan namin. Bigla akong nakadama ng sikdo sa aking dibdib at halos mapasigaw na tinawag ang pangalan nya. “Chandrika, I am Marina!” Marina! Why you’re here? Tanong nya sa akin. Ikinuwento ko ang ginawang pananamantala ng amo naming lalaki sa akin at ang pagtakas ko.
Nagkwento din sya na niloko sya ng kababayan nya na nangakong tutulungan sya sa problema nya sa amo namin, pero sa kasamaang palad ay dito nga sya dinala sa casa. At gaya ng ginawa nila sa akin, halinhinan din syang pinagsamantalahan ng tatlong lalaking nagkulong sa amin sa bahay na ‘yun. Walang tigil ang aming pag-iyak habang naguusap, walang patid ang galit na nanggagaling sa aming dibdib na inilalabas namin sa aming mga bibig.
IKA-WALONG YUGTO – ISANG KUWAITI DINAR NA PURI
Gabi gabi may mga lalaking nagpupunta sa casa, minsan ay may mga kapwa ko Pilipino, pero kalimitan ay mga kalahi ng tatlong lalaking nagpapatakbo ng casa, mga kalahi ni Chandrika. Naging kalakal ang aming katawan ni Chandrika sa bahay na ‘yun. Sa bawat lalaking gumagamit sa amin ay limang Kuwaiti Dinar ang binabayad nila sa taga bantay. At sa tuwing matatapos ang pag-gamit nila sa amin ay hahagisan kami ng isang Dinar ng nagbabantay. Diyos ko, ganito na lang ba ang halaga ng pagkatao ko ngayon, isang Kuwaiti Dinar? Lumipas ang ilang araw, hindi ko na mabilang kung ilang lalaki ang gumamit sa akin, ang nagbayad ng limang Dinar para gawin kaming parausan ni Chandrika. Nararamdaman ko na ang lubos na panghihina ng aking katawan, pakiramdam ko ay bigla na lang akong mapuputulan ng hininga at tuluyan ng mawawala sa mundo. Ngunit sa tuwina’y pinipilit kong labanan ang lahat. Walang pagkakataon na hindi ako humihingi ng tulong sa Diyos, nagdarasal. Walang oras na hindi ko tinatawag ang pangalan ng aking mga anak.
Minsan ay may dumating na lalaki, isang kababayan. Ngunit hindi tulad ng iba na ang tanging pakay ay gamitin ako, natigilan sya ng makitang isa pala akong Pinay. Dala ng awa sa akin ay hindi na nya itinuloy ang kung anumang naunang nasa isip nya nang pumunta ng lugar na ‘yon. Kinausap nya ako at tinanong kung paano akong napunta sa lugar na iyon. Sinabi kong lahat kay kabayan ang buong istorya. Sa loob ng kalahating oras na nakalaan para sa binayad nyang limang Kuwaiti Dinar ay nagawa kong sabihin sa kanya lahat ng pangyayari. Nagawa rin nyang isulat sa kapirasong papel ang pangalan ko at iba pang mahalagang detalye. Hindi ko na nagawang itanong ang pangalan nya hanggang sya’y umalis.
IKA-SIYAM NA YUGTO – MARAMING SALAMAT KUYA
Dumaan ang ilan pang araw, ganun at ganun ang naging sitwasyon namin ni Chandrika, nakakulong sa maliit at mabahong kwarto, hahatiran lang ng pagkain na halos ay hindi na namin makain dahil sa sobrang hirap na nararamdaman ng aming katawan. Lahat ng pagkakataon ay ginugugol namin sa paguusap sa maliit na butas sa pagitan ng aming kwarto. “Marina, I want to die!” laging sinasabi sa akin ni Chandrika. “How can we escape from here? I want to see my children.” Napapaiyak na lang ako sa mga sinasabi nya, dahil gaya nya ay ganun din ang tanging inaasam asam ko, ang makalaya sa kinasasadlakan naming impyerno, makauwi at makapiling muli ang aking mga anak.
Nagulantang ako isang umaga sa malalakas na kalabugan at sigawan na gumising sa akin. Mga sumisigaw na kalalakihan, mga arabo ang kanilang salita. Maya maya’y biglang bumukas ang pintuan ng kwarto ko. Mga pulis na Kuwaiti, may kasamang mga Pilipino at dalawang Pinay. Sa likuran nila ay natanaw ko si Kuya, ang pinoy na minsan ay napunta sa lugar na ‘yun. Ang kumausap sa akin at pinagsabihan ko ng nangyaring bangungot sa buhay ko. Ang taong hindi inisip ang sariling kapakanan bagkus ay nagpunta pala sa Embahada at isinuplong ang nangyayari sa bahay na ‘yun. Isang ngiti ang nakita ko sa labi ni kabayan na wari’y sinasabi sa akin na ligtas na ako. Ginantihan ko ng pagbigkas ng maraming salamat ang ngiti nyang iyon.
Sa labas ng building, andun ang tatlong lalaking nagkulong at bumaboy sa aking pagkatao, nakaposas at nakaluhod habang bantay ng mga pulis. “Marina”, nilingon ko ang pinanggalingan ng tawag at nakita ko si Chandrika, katulad ko ay lubos din syang pumayat sa labis na hirap na dinanas. Patakbong tinungo ko sya at niyakap ng mahigpit, nag-iyakan kaming parang mga bata. Magkahalong awa, galit, at tuwa ang mga luhang pumapatak sa aming mga mata.
Bago kami isinakay sa sasakyan ng mga Pilipinong nagligtas sa amin, na nalaman kong mga taga Embahada pala, ay muli kong hinanap si kuya. Nilapitan ko sya at niyakap ng mahigpit, at umiiyak na ang tanging nasambit ay… ”MARAMING SALAMAT KUYA”, maigsi ngunit alam kong dama nyang ito ay nanggagaling sa aking puso. Dahil sya ang nagsilbing daan upang kami ni Chandrika ay tuluyan ng makalaya sa bahay na kung tawagin nila ay “Casa”.
IKA-SAMPUNG YUGTO – “BAHAY KALINGA”
Ilang araw ang nagdaan, sa loob ng tinatawag nilang Bahay Kalinga sa loob ng POLO, bago naging panatag ang aking kalooban. Nagkaroon ako ng mga bagong kaibigan, si Mayette, isa ring kasambahay na tumakas sa kanyang amo dahil bukod sa minamaltrato ay halos isang taon hindi pinasahod. Pero hindi kagaya sa nangyari sa akin, nagawa ni Mayette na dumiretso dito sa POLO nang tumakas sya sa amo nya. Nag file sya ng kaso, sa tulong ng mga opisyal ng POLO, laban sa mga amo nya at kasalukuyang dinidinig sa korte. Kasamang kinasuhan ang ahensya nya sa Kuwait at Pilipinas. Si Anabelle, kababayan ko dahil magkalapit lang ang aming bayan, ang tinatawag nilang “pasaway” sa grupo. Pasaway dahil nagkaroon ng Boyfriend sa texting at hinimok syang tumakas, sa pangakong bibigyan ng mas magandang trabaho. Pero ibinahay lang ng boyfriend nya at inanakan. Ilang buwan na sya sa loob ng Bahay Kalinga dahil naguguluhan ang isip kung paanong gagawin sa problema nya, walang papeles ang anak nya dahil hindi sila kasal ng boyfriend nya, na isang malaking bawal sa bansang Kuwait. Bukod pa dun ay natatakot syang iuwi sa kanila ang anak nya. Paano nga naman nya ipapaliwanag sa asawa’t anak nya na nagkaroon sya ng anak sa ibang bansa, anak na ipapasalubong nya pag-uwi imbes na bagong sapatos o chocolate. Si Noraisa, isang dalagang Muslim, na sa kabila ng pagiging muslim nya ay nagawa pa rin syang abusuhin ng kanyang mga amo. Sa sahod na 60KD ay gawain nya lahat ng trabaho sa dalawang palapag na bahay ng amo nya, bukod pa sa pag-aalaga ng dalawang anak ng amo nya. Swerte na raw kung makatulog sya ng diretsong limang oras sa isang araw. Kalimitan ay alas dos na ng madaling araw kung makatulog sya, at ang gising naman ay alas sais ng umaga.
Sa oras ng pagkain, kagulo lagi kami. Pagsasaluhan naming magkakasama ang isang galong kanin at konting ulam, at sabaw na kung tawagin nila ay “Ocean Deep”, dahil kasing lalim ng dagat ang dapat sisirin bago makuha ang laman nito. May apat na kwarto sa loob ng Bahay Kalinga. Sa kwarto namin na Room # 2 ay labing-isa kami, labing-isang tao na maghahati hati sa isang galong kanin! Magkaganun man ay nagpapasalamat na rin kami sa taga POLO, dahil nabigyan nila kami ng masisilungan at matutulugan.
Sa tulong at ayuda na rin ng isang opisyal ng POLO ay patuloy na dininig ang kasong isinampa ko sa korte laban sa mga amo ko, sa ahensya ko sa Kuwait at sa tatlong lalaking nagsadlak sa amin ni Chandrika sa casa. Nakulong ang amo kong lalaki, habang dinidinig ang kaso. Nakailang ulit na nagpunta sa Bahay Kalinga ang amo kong babae upang makipag-areglo. Nagmamakaawa sya na iurong ko ang kaso laban sa kanila ng kanyang asawa kapalit ng mapagkakasunduang halaga. Samantala, ang tatlong kalahi ni Chandrika ay agad na nadesisyunan ang kaso laban sa kanila. Dahil na rin sa matibay na ebidensya at salaysay namin ni Chandrika ay nahatulan silang makulong ng ilang taon.
Makalipas ang halos dalawang buwang paghihintay at labis na pagkainip sa magiging resulta ng isinampa kong kaso ay nagpasya akong tanggapin na lang ang alok ng dati kong amo, sampung libong Kuwaiti Dinar kapalit ng pag-urong ko ng demanda laban sa kanila. Mas minabuti ko na lang na tanggapin ang pera, na magagamit ko upang makapag-simula ng panibagong buhay sa baryo, kesa patuloy na ipaglaban ang kaso na alam kong makamit ko man ang katarungan ay hanggang ganun na lang ang magiging tuldok ng istorya, nakulong ang amo ko at ako ay uuwing wala man lang kahit isang kusing. Makamit ko man ang hustisya ay hindi ko na rin maibabalik pa ang nakaraan. Naging praktikal na lang siguro ako, dahil para sa akin hindi na maibabalik kung ano man ang nawala sa katauhan ko sa nangyaring bangungot sa buhay ko. Ang ahensya ko naman sa Kuwait ay pinagbayad ng kaukulang halaga dahil sa pagpapabaya sa aking karapatan bilang OFW.
HULING YUGTO – ANG PAGBABALIK
Araw ng aking pag-uwi, panay ang paalam ko sa aking mga naging kaibigan sa loob ng Bahay Kalinga. Walang tigil ang bilin nila sa akin, ang dasal na sana ay maging maayos ang aking pagbyahe. Nagpadala ng sulat sa akin si Anabelle, ang pasaway sa grupo, ng sulat para sa kanyang asawa. Pinagtapat nya ang tunay na nangyari sa kanya, ang kanyang naging kasalanan at ang paghingi ng tawad sa nagawa nya.
Sa ikalawang pagkakataon ay muli akong nakaranas sumakay ng eroplano, ang malaking pagkakaiba nga lang ngayon ay pauwi ako, pauwi sa bayan kong nilisan upang mabigyan sana ng magandang kinabukasan ang aking mga anak. Bayan ko na aking nilisan dahil sa baba ng aking pinag-aralan ay hindi ako mabigyan ng gobyerno ng maayos na pagkakakitaan. Bayan ko na patuloy na nagpapadala ng mga kababaihan sa ibang bansa, na ang ilan ay nadadagdag sa bilang ng mga kaso ng pagmamaltrato at pang-aabuso. Bayan ko na ginagawang kalakal ang tulad namin nila Mayette, Anabelle at Noraisa kapalit ng ipinapadalang dolyar na bumubuhay sa ekonomya ng bansa. Kaya nga tinagurian nila kaming mga OFW na “Bagong Bayani”.
Naisip ko, ilan pa kayang katulad namin ang masasadlak sa masamang kapalaran sa ibang bansa kapalit ng paghahangad na mabigyan ng maayos na buhay ang aming pamilya. Ilan pa kayang kababaihan ang uuwing luhaan tulad ko, nasira ang buhay, pamilya at kinabukasan dahil sa kaunting halaga na kung tutuusin ay maari naman kitain sa sariling bayan kung tutulungan lang sana ng gobyerno.
PILIPINAS NA!!! Nagising ako sa malakas na palakpakan at hiyaw ng ilang kalalakihang pasahero. Nakatulog pala ako sa haba ng byahe namin. Noon lang ako uli nakatulog ng maayos mula nang umalis ako sa baryo namin. Sumilip ako sa bintana at natanaw ko ang mga kabahayang malapit sa karagatan, mga bahay na dikit dikit, mga bubungang kinakalawang na at nilagyan na lang ng mga kung anong pabigat para hindi tangayin ng malakas na hangin kapag may bagyo. Pilipinas na nga, nasambit ko sa sarili ko. Muling tumulo ang aking mga luha, luha ng kagalakan. Nakabalik na ako sa aking bayan, makakapiling ko na muli ang aking mga anak, mayayakap ko na sila. Nagpasalamat ako sa Diyos at nakauwi na ako ng matiwasay. Sa nakita ko sa labas ng bintana ay alam kong natapos na ang aking naging paghihirap, ang mapait na sinapit ko sa bansang Kuwait.
Ito na ang aking PAGBABALIK at ang katapusan ng BANGUNGOT na nangyari sa aking buhay.