Kwentong Kapuso: Ang aking paglalakbay sa Taiwan (Mariz Villaroza story)
Note: Habang isinusulat ko ito ay hindi ko napigilang pumatak ang aking mga luha. Gayunpaman ay ilang ulit kong pinasalamatan ang Diyos, dahil kahit anong hirap ng aking pinagdaanan ay mas may mahirap pa pala sa akin. Tinanong ko sa kaniya kung papayag siyang gamitin ko ang tunay niyang pangalan. Matapang siyang sumagot nang “pwede” dahil totoong lahat ang mga narito. Ito po ang kasaysayan ng ating kababayan na si Mariz Villaroza, isang ina, isang Bayani na taga-San Antonio, Nueva Ecija. Nawa ay kapulutan natin ito ng gintong aral sa buhay at inspirasyon.
Narito ang simula ng lahat…
Ang buhay ay batbat ng kahirapan, kabiguan at sakit. May pagkakataon na nais na nating sumuko subalit katulad ng gabi kung saan madilim ang lahat, darating ang isang sakdal na umagang kayganda at sisikat ang ginintuang araw. Ako po si Mariz at ito ang aking kwento.
Mahirap lamang ang buhay namin sa San Antonio Nueva Ecija; lima ang aming anak. Driver ng Baliwag Transit ang aking asawang si Carding. Ang Baliwag Transit ay bus na nagbibiyahe mula Cabanatuan hanggang Maynila; berde ang kulay ng mga bus na ito. Akala ng mga tao, malaki ang kita ng asawa ko, pero ang totoo ay hindi, dahil porsiyentuhan lamang sila doon. Minsan dalawang linggong nakasakay sa bus, tapos dalawang linggong walang trabaho. Walang kita lalo na't nasira ang bus.
Para matulungan ko ang aking asawa ay nagtitinda ako ng kung anu-ano. Ito ba iyong tinatawag na rolling store. Itinutulak ko ang aking kariton na may lamang ni-repack na adobong mani, piniritong dilis, mga biskwit, at mayroong ding tinapay na hinango sa tindahan ng Intsik. Medyo mabenta ako tuwing anihan, subalit matumal kapag tag-ulan. May pagkakataon na pati puhunan ay nagagastos ko na at ayaw na akong bigyan ng Intsik ng tinapay. Maaaring ilarawan ang buhay namin na “isang kahig at isang tuka.”
Nauutang din kasi madalas ang paninda ko. Mahirap lang din kasi ang mga suki ko kaya hindi ko naman makuhang magalit sa mga nakautang sa akin. Mahirap noon ang aking kalagayan. Noong naipanganak ko ang anak kong bunso, limang araw pa lamang ay nagbiyahe agad ako ng tinapay. Naaawa na nga ako noon sa aking sarili.
Matatalino at mababait ang aming mga anak. Hindi ko matitiis na hindi sila papag-aralin. Kaya taong 1997 ay nag-apply ako sa Taiwan. Tatlong oras ang biyahe mula sa amin hanggang Maynila, pagkatapos kong maglako ng tinapay ay tutuloy na ako sa Maynila. Kung ano 'yung damit kong pinantinda ay siya ring panluwas ko. Uso pa noon iyong salary deduction, kaya kahit wala kaming pera ay nakapag-apply ako.
Awa ng Diyos ay nakarating ako sa Taiwan, at dito na nagsimula ang aking paglalakbay. Dahil sa salary deduction, 10 buwan na kinakaltasan ako ng T$10,000. Kinakaltas din ang health insurance gayundin ang tax kaya T$3,500 lamang ang naiiwan sa akin. Sa loob ng 10 buwan ay nagtiis ako sa halagang T$3,500. Tipid na tipid ako noon para lang may maipadala. Tiniis ko ang kasabikan ko sa mga anak ko, umiiyak ako gabi-gabi dahil ang bunso na iniwan ko ay 1 year and six months lamang.
Caregiver ang naging trabaho ko, nag-aalaga ako ng lalaki na 28 taong gulang. Paralisado siya dahil sa spinal injury. Ang timbang ko ay 65 kilos ngunit dahil sa hirap ng trabaho ay bumaba ito ng 54 kilos. Binubuhat ko kasi ang alaga ko lalo na at paliliguan o ilalagay sa wheel chair; 58 kilos ang kaniyang timbang. Kapag tulog siya sa araw ay sa factory naman nila ako magtatrabaho. Wala talaga akong kapahi-pahinga. Ang konsolasyon ko lamang, kapag sweldo ko ay bumibili ako ng card na pantawag sa 'Pinas at isang English Daily Newspaper. Binabasa ko iyon nang paulit-ulit sa loob ng isang buwan.
Makalipas ang tatlong taon ay umuwi ako sa 'Pinas. Walang pagbabago sa buhay namin, ang kumot namin na pinagtagni-tagning supot ng harina ay naroon pa rin. Nagbago ito ng kaunti dahil nagkabutas-butas na ito sa kalumaan. Tumulo ang aking luha. Nag-apply akong muli papuntang Taiwan, nagbayad ako agad sa agency ng P10,00 para sa halip na kaltasan ako ng sampung buwan ay walong buwan na lamang. Nakaalis ako makalipas ang tatlong linggo at bago ang aking amo.
Iba ang patakaran ng bago kong amo; wala akong day-off. Hustong isang linggo ay dapat akong magtrabaho. Sa panahong ito ay mas higit na kahirapan ang naranasan ko, hindi lamang ng katawan kundi pati loob. First year college na kasi noon ang anak kong panganay. Kulang minsan ang aking padala kaya nagkautang-utang sila. Pati 5’6 ay inutangan. Sa pagkakataon ding ito ko nahuli na nambababae pala ang aking asawa.
Iniwan na pala niya ang aming mga anak, kinuha niya ang lahat ng kaniyang gamit at nakisama sa isang babae na may apat na anak sa iba’t-ibang lalaki. Awang-awa ako noon sa aking mga anak at naghuhumiyaw ang hinanakit sa aking dibdib. Ako na nagpapakahirap ay matagal na palang niloloko. Ang mga anak ko na nangangailangan ng kalinga ay iniwan na pala ng kanilang ama.
Sinubukan kong kausapin ang aking asawa kahit sa telepono. Pinakiusapan ko na bumalik sa aming bahay. Subalit sinabi niyang mahal na raw niya ang kaniyang babae. Gusto kong wakasan ang buhay ko nang mga sandaling iyon, subalit ang mga anak ko ang nagsilbing kalakasan ko.
Nang matapos na ang tatlong-taong kontrata ko ay nag-TNT na ako.
Mahirap ang TNT, kahit anong trabaho ay papasukin mo at talagang hindi ka maaring mag-reklamo.
Una kong iligal na trabaho ay sa isang english school. Tagahugas ako ng mga plato, at tagahanda ng pagkain ng 30 estudyante. Nasa 7 to 13 years old ang edad nila. Trabaho ko na rin ang paglilinis at pag-aayos, in short janitress na rin. Ang pasok ko ay magsisimula ng alas singko ng umaga at matatapos ng 11 ng gabi. Hihintayin ko pa kasing matapos ang klase bago ako makapag-linis.
Wala akong day-off, kapag Sabado at Linggo ay pupunta naman ako sa bahay ng aking amo na may-ari ng english school. Separada ang amo ko, subalit may kabit siyang mayaman. Tuwing weekend ay pumupunta ang kalaguyo niya sa bahay ng amo ko at nagpapamasahe sa akin. May pagkamanyak ang lalaki.
“Hey Mariz, aren’t you craving for sex?” Sa balu-baluktot na English ay sinabi niya ito sa akin. Hindi ako kumibo, ipinagpatuloy ko lamang ang pagmamasahe sa kaniya.
“Mariz, how much do you want? I can give you money, just give yourself to me,” nakangising sabi nito sa akin, sabay dukot ng mga perang papel.
“Sorry Sir, I won’t compromise my dignity for money,” mariing sabi ko sa kaniya. Hindi siya nakapagsalita.
Subalit isang gabi ay pinasok ako ng manyak sa aking silid. Ang lakas ng loob niya, katabi ko lang halos ang kwarto ni Madam. Balak niya sana akong gahasain, pero nagtabi ako ng kutsilyo at itinutok ko iyon sa kaniya. Sinabi kong papatayin ko siya kapag ako ay kaniyang pinagsamantalahan. Lumabas siya ng silid.
Pugtong-pugto ang aking mga mata kinabukasan. Sinabi ko kay Madam ang ginawa ng boyfriend niya sa akin. Tinawagan niya ito para tanungin kung totoo ang sinasabi ko. Subalit gaya ng Demonyo, natural na hindi inamin. Pagkababa ng phone ni Madam ay sinabihan niya ako na tumakas dahil ipahuhuli raw ako sa pulis ng kalaguyo niya. Natakot ako, makapangyarihan at mayaman ito. Dali-dali akong tumakas. Disyembre noon at winter sa Taiwan; 6 degrees ang temperatura.
Napadpad ako sa tabi ng ilog, doon na rin ako natulog. Akala ko ay mamamatay na ako dahil hindi ganoon kakapal ang aking damit. Wala rin akong kapera-pera, nagmamadali ako kaya walang nadala na kahit ano. Hindi rin naibigay ang aking sweldo. Maya-maya ay may nakita akong babae. Nakiusap akong bigyan ng 2 cents. Naawa siguro ang babae. Ginamit ko ang 2 cents para matawagan ko ang dati kong amo. Sinabihan ako ng dati kong amo na sumakay sa taxi at umuwi sa kanilang bahay.
Nahanapan nila ako ng bagong amo, isang matandang babae na napakayaman. Tatlo ang anak nito na may magkakatabing negosyo. Kung ano ang iniyaman ay siya ring ikinasama ng pag-uugali. Araw-araw, nagluluto ako para sa 25 katao. Labandera din ako at plantsadora ng kaniyang mga manugang at apo. Para talaga akong alipin.
Kapag ala-una ng hapon at tapos na ang aking trabaho sa bahay ay sa bukid naman nila ako magtatrabaho. Marami akong tanim na sitaw at repolyo, ang ipinantutulos ko ay kinukuha ko pa sa bundok. Naranasan kong gumulong sa pilapil. Hirap na hirap din ako lalo na at tag-ulan.
Minsang nag-bomba ako ng mga repolyo ay ubod ng tapang ang gamot at nalanghap ko ito. Nagresulta ito ng aking pagkalason. Nahilo ako at nagsuka sa bukid. Maya-maya ay nawalan ako ng malay.
Nang magising ako ay nasa ospital ako at punong-puno ng dumi ang aking salawal. Naka-dextrose ako. Sinabi nila sa akin na hinanap nila ako dahil hindi pa ako umuuwi para magluto ng hapunan. Nakita raw nila na nakahiga ako sa lupa kaya tumawag sila sa 119, ang emergency number sa Taiwan.
Salamat sa Diyos at nalampasan ko ang muntik ko nang kamatayan. Patuloy akong nagsilbi sa kanila. Umalis na lamang ako sa kanila nang magpakamatay ang kaniyang apong babae. Ako ang nakakita, kaya para malimutan ko ang tanawin na iyon ay lumipat ako ng pinagtatrabahuhan.
Sumunod akong nagtrabaho sa isang bakery. Ako lamang ang trabahador doon. Ang tinutulugan ko ay ang ibabaw ng pinagpatong-patong na sako ng harina. Ubod ng init doon dahil malapit sa pugon. Sa kabila ng mga hirap na aking tinitiis ay hindi ko piniling sumuko, mas mahalaga sa akin ang kinabukasan ng mga anak ko.
Lumipat na naman ako ng trabaho, napunta na ako sa isang mayamang pamilya na may-ari ng nursing home. Ang inaalagaan ko ay ang Doktor na may-ari mismo, paralisado kasi siya at patay ang kalahati ng katawan. Ako ang bumubuhat sa kaniya papunta sa wheel chair. Kapag nabagsak ang kaniyang mga paa ay inaayos ko subalit ang malupit na doctor ay sinusuntok pa ako ng kamay niyang nakagagalaw. Wala akong day-off at probisyon sa pagkain. Hindi rin ako pwedeng lumabas, nakalalabas lamang ako kapag magtatapon ng basura.
Ang aking pagkain ay kinukuha ko sa nursing home, iyong pagkain ng matatanda na walang kalasa-lasa. Tila nga juice na lamang iyon dahil ito ay kanilang binlender. Noong minsan, dahil gutom na gutom na ako ay nang-umit ako ng gatas. Nahuli ako ng amo ko. Ipinahiya niya ako sa mga nurse na naroon.
Makalipas ang mga karanasang ito ay pinalad akong makapasok sa isang pamilya na naging mabuti sa akin. Ako ang nag-alaga sa asawa ng amo ko na paralitiko, namatay ito matapos ang dalawang taon. Inalagaan ko rin ang kaniyang Ina na putol ang dalawang paa dahil sa sakit na diabetis, namatay na rin siya anim na taon na ang nakararaan.
Sa ngayon ay inaalagaan ko naman ang anak ng amo ko na 30 years old. Psychotic siya at minsan ay bayolente. Minsang nagbakasyon sa Amerika ang amo ko ay hinabol niya ako ng tubo at nagsira sa tahanan. Tumakbo ako na bitbit ang dalawang aso.
Sa loob ng 14 years ay hindi pa ako umuuwi. Gusto ko na sanang umuwi subalit pinakiusapan ako ng amo ko na huwag munang umalis. Pang-walong taon ko na ngayon sa kanila. Pwede na kasi akong umuwi. Iyong bunso ko kasi na iniwan ko ng 1 year and six months pa lamang ay nasa kolehiyo na rin ngayon.
Mahirap ang aking pinagdaanan, subalit naging napakabuti ng Diyos. Tatlo na ngayon ang anak kong puro nurse. Dalawa sa kanila ay nasa Abu Dhabi, ang isa ay nagtatrabaho pa rin sa Maynila subalit pino-process na rin niya ang application niya papuntang Abu Dhabi. Ang pang-apat ay nursing din na nasa Lyceum, Manila. Ang anak ko nang panganay ang nag-papaaral sa kaniyang mga kapatid.
Ang aking asawa, malala ang naging karma. Lasenggera at nananakit ang kaniyang kalaguyo. Kapag dumadalaw raw ito sa aming mga anak ay may black eye at kalmot sa iba’t-ibang parte ng katawan. Minsan daw na dumalaw siya at natulog doon ay sinundan ng babae at minura pati na rin ang mga anak namin. Wala raw magawa ang mag pulis at Barangay Tanod sa dila ng kalaguyo niya.
Lagi raw umiiyak at nagsisisi ang aking asawa, sabi ng mga anak ko. Minsan daw kasi ay sinasaktan din ng kaniyang kalaguyo ang kanilang anak na 8 years old. Minsan ay kinausap ako ng aking asawa na kung maari daw na kapag umuwi na ako ay magsama kaming muli para mabuo ang pamilya namin. Pinag-iisipan ko pa rin iyon.
Nakikita ko na ngayon ang bunga ng aking mga sakripisyo at paghihirap. Mamatay man ako ay nasisigurado kong magiging maganda na ang buhay ng mga anak ko. Iyon lamang naman ang aking pangarap.
Iyan ang aking paglalakbay dito sa Taiwan, mahirap, tadtad ng pasakit subalit sa huli ay nakaya ko ang lahat sa tulong ng Maykapal. Ngayon ay natatawa na lamang ako kapag naaalala ang aking mga pinagdaanan.
Sa inyo po na kasalukuyan pa ring naghihirap, huwag po kayong mag-alala. Nakikita ng Diyos ang inyong pagpapakasakit, lagi lamang tayong manalig sa kaniya. Huwag po kayong susuko. Makikita ninyo, kahit madilim ang gabi ay darating din ang bagong umaga. Saan mang bansa kayo naglalakbay ngayon. Lagi nating isipin na mahirap man ang ating tinatahak na landas, sa huli ay darating tayo sa dulo noon at makikita natin ang bagong pag-asa. Sa mga OFW, lalo na po sa Taiwan. Mabuhay po kayo!
-----------------------
Si Rachel Batican-Astrero, 34, taga-Bulacan, ay kasalukuyang stay-at-home mom sa California, USA.