ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Kwentong Kapuso: Luho


Abalang-abala kaming magpapamilya noon. Kadarating lang kasi ng aking asawang si Vic galing sa Qatar. Doon siya nagtatrabaho, mag-aapat na taon na. Sama-sama naming binubuksan ang balikbayan box na pasalubong niya sa amin.

“Daddy, nandito ba iyong ipinabibili kong gadget?” tanong ng aking pangalawang anak ni si Lance, siyam na taong gulang.

“Siempre naman, basta ikaw nanginginig pa,” sagot naman ni Vic.

Napapansin ko na matamlay ito, nakaupo lamang siya sa sofa at pinanonood kami. Medyo nangitim ang kaniyang balat at bahagya siyang pumayat. Nakaramdam ako nang pag-aalala pero iniisip ko na baka pagod lamang ito.

Napuno ng ligaya ng buong bahay. Tuwang-tuwa ang tatlong anak namin sa mga naipasalubong sa kanila. May mga damit, gadget, relo para sa panganay naming si Desiree, at mga laruanng Barbie para sa aming bunsong si Lizzy. Siempre mayroon din ako: make-up kit.

Nang kinagabihan habang nag-uusap kami sa aming kwarto ay napabuntong-hininga si Vic.

“Para saan naman iyon, mahal?” tanong ko sa kaniya.

“Ewan ko, kung ako kasi ang tatanungin ayaw ko nang bumalik sa abroad,” makahulugang sabi nito.

“Bakit naman, may problema ba?” tanong ko sa kaniya.

“Nami-miss ko kasi kayo ng mga bata, eh,” mahinang sagot nito.

“Nasasa-iyo iyon. Pero, paano iyan wala pa tayong ipon,” sagot ko naman, sabay litanya ng kinapuntahan ng perang ipinadadala niya.

Napabuntong-hininga siya at nagyaya nang matulog.

Isang buwan lamang ang itinagal ni Vic sa amin at bumalik na siya sa Qatar.

Dating mekaniko si Vic sa Pilipinas at ako naman ay manikurista sa isang salon nang magkakilala kami. Nagligawan kami at nagpakasal, at biniyayaan kami ng tatlong anak. Nagpasya si Vic na mag-abroad para makaipon kami ng perang gagamitin para magkaroon siya ng sariling talyer.

Masakit sa amin ng mga bata na umalis siya, pero napawi ang hirap ng aming loob nang magsimula ng magpadala ng pera at mga balikbayan box  si Vic. Tuwing tatawag siya ay pabili nang pabili ng kung anu-ano ang mga bata. Naging updated sila sa mga modernong gadget at nakapag-aral pa sa private school.

Naipa-renovate ko na rin ang bahay, pinalakihan ko ang kusina at nagdagdag ako ng isang kwarto. Ibinigay ng mga magulang ko ang bahay at lote na iyon, pero maliit lang ang bahay kaya inayos ko. Nakabili na rin kami ng modernong appliances gaya ng microwave, oven, toaster, HD TV, magagandang furniture at kung anu-ano pa.

Hindi na rin ako nagtrabaho at pumirmi na lamang sa bahay. Malaki ang aking iginanda dahil nabibili ko ng lahat ang  mga bagay na kailangan pati ang mga gusto ko. Natuto na rin akong magpahid ng creams sa aking mukha at hindi ako lumalabas ng bahay kapag mainit.

Akala namin ay wala nang katapusan ang nararanasan naming kariwasaan sa buhay. Aaminin ko na naging maluho kaming  mag-anak at kaunti lamang ang naitatabi ko sa tuwing nagpapadala si Vic. Kasi naman ay kuryente pa lang ay napakamahal na ng singil, dahil siguro ito sa napakarami naming appliances. May pagkakataon din kasi na pinipilit kong magnegosyo pero laging lugi at palpak. Hindi pala lahat ng tao ay maaring mag-negosyo. Napakahalaga pala ng pag-iipon.

Noong minsan ay tumawag ako kay Vic,  siyam na taon na siya noon sa abroad.

“Mahal, hinihiling ni Desiree ang engrandeng debut,” paalam ko sa kaniya.

“O, sige lalakihan ko ang padala para sa party niya,” walang gatol na sagot ni Vic.

Ganyan talaga ang aking asawa, napakaresponsable. Napangiti ako. May pagkakataon na kunwari pa ay nagtatampo ako, sinasabi ko na baka may babae na siya o baka hindi na niya ako mahal. Pilit niya akong inaalo. Sigurado ako na tapat ang aking asawa dahil bantay-sarado siya ng pinsang kong si Buknoy, na kasama nya sa trabaho.

Halos P200,000  ang nagastos namin sa debut ni Desiree. Hindi natapos doon ang luho ng mga bata. Noong minsang tumawag si Vic ay nakiusap ang aming bunso na ipa-aircon ang bahay dahil gusto raw niyang pumuti. Dahil dito ay nagpadala ng malaking pera si Vic. Ipina-renovate ulit namin ang bahay at kinabitan ito ng dalawang aircon.

Nag-asal  mayaman na rin ako at “donya” ang tawag sa akin ng aking mga kaibigan. Bumili ako ng mamahaling damit at mga alahas bukod pa sa  ipinadadala ni Vic. Ang anak kong lalaki ay naging maporma rin at ngayon ay nagpapabili pa ng motorsiklo.

Ngunit isang araw, tumawag sa akin ang pinsan  kong si Buknoy. Nagtaka ako dahil hindi naman siya tumatawag sa akin. Nakakausap ko lang siya kapag tinatawagan ako ni Vic.

“Pinsan, huwag ka sanang mabibigla,” panimula nito.

“Ano iyon, may  problema ba? Nambabae ba si Vic?” tanong ko sa kaniya.

“Hindi siya nambabae, pero binawian siya ng buhay dahil sa atake sa puso,” malumanay na sabi nito.

Napaupo akong pasalampak sa sahig. Namatay ang aking asawa, hindi man lang namin nakita. Paano na kami ngayon?

Nagpapalahaw ako, sinundan na rin iyon ng iyak ng mga bata nang malaman nila ang sinapit ng kanilang ama.

Matagal  na palang dinidibdib ni Vic ang sakit sa puso. Ayaw lang niyang sabihin sa amin. Kaya pala gusto na niyang umuwi, pero napilitang bumalik para lang sa amin. Ngayon ay nawala na siya. Marahil dahil sa pagod dahil nagtatrabaho pala siya doon sa dalawang kumpanya at halos wala nang pahinga masuportahan lang ang luho namin.

Dalawang buwan muna ang nakalipas bago namin nakuha ang bangkay ni Vic na nakalagay lamang sa kabaong na kahoy. Inilipat namin ito sa mas disenteng kabaong at inihatid na sa huling hantungan. Kahit paano ay nag-ambag ang kaniyang mga kasama para sa amin at tinulungan naman kami ng OWWA.

Malaki ang nabago sa buhay namin nang mawala si Vic. Hindi matanggap ng aking mga anak na wala na rin ang luho na tinamasa nila. Nahinto sa pag-aaral ang mga bata. Hindi sila masanay-sanay sa hirap dahil lumaki sila sa luho. Naipagbili na rin namin ang iba naming gamit para may makain kami at maibayad sa bills.

Naaawa ako kay Vic, baka kung hindi na siya bumalik pa sa abroad nang sabihin niya na ayaw na niyang bumalik ay baka buhay pa siya ngayon.  Napakalaki ng sakripisyong ginawa niya para sa amin. Hindi man lamang niya nadama ang aming pag-aaruga at wala kami sa kaniyang tabi para damayan siya sa oras na kailangang-kailangan niya. Sana naging matalino ako. Sana inimpok ko ang ipinadala niya para nakapagpatayo kami ng talyer para sa kaniya. Ngunit, inubos lamang namin sa luho ang lahat.

Sana, nag-ipon ako. Sana, hindi puro luho ang inatupag naming mag-anak. Sana hindi ko sinanay sa luho ang aming mga anak. Ngayon, magsisi man ako ay wala na.

Damang-dama ko ngayon ang hirap. Kung anu-anong trabaho ang aking pinapasok at bumalik ako sa pagiging manikurista mabuhay lang kami. Sayang, sana hindi ako naging maluho. Pagsisisi na dadalhin ko hanggang sa huli. — KBK, GMA News

-------------------------------------------


Si Rachel Batican-Astrero, 34, taga-Bulacan, ay kasalukuyang stay-at-home mom sa California, USA.