ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Pinay DH sa HK nagliwanag ang paningin sa kulungan


Nang magdilim ang kanyang paningin dahil sa katarata, nagdesisyon si Martina Tuel, 57 taon gulang, na sumuko sa awtoridad sa Hong Kong noong Disyembre matapos ang halos 11 taong pagtatago bilang undocumented worker. Hindi niya akalain na sa kulungan pala siya makakakita ng kaliwanagan hindi lamang sa pag-iisip kundi pati sa kanyang paningin. Dapat ay mahigit isang taon ang sentensya kay Manang Martina, subalit dahil sa kanyang kalagayan na halos hindi na makakita ay hinatulan lamang siya ng apat na buwang pagkakakulong sumula noon Enero. At habang nakapiit sa Tai Lam Center for Women, binigyan din ng pagkakataon si Manang Martina na maoperahan ng libre ang kanyang mga mata. Naging matagumpay naman ang operasyon noong Marso 8. At sa ngayon, sabik na naghihintay si Manang Martina na matapos na ang kanyang sentensya sa Abril at makapiling na niyang muli ang kanyang mga anak na sina Mila At Danny, at mga apo sa Bangar, Rosario, La Union. “Masaya ako at makikita ko muli ang ating bayan matapos ang labing-isang taong hirap nang pagtatago upang kumita dito sa Hong Kong at sa ilang panahon nang pagkawala ng aking paningin" nasambit ni Manang Martina matapos ang operasyon. Taong 1983 nang unang dumating si Manang Martina sa Hong Kong upang mamasukan bilang kasambahay. Naging maayos ang pagtrato sa kanya ng unang employer kung saan tumagal siya ng walong taon sa pagsisilbi. Magkasunod na dalawang amo pa muli ang kanyang napasukan kung saan ay natapos ang kaniyang tig-dalawang taong kontrata. Sa pang-apat na amo ay minalas si Manang Martina dahil naging malupit ito. Hindi nakayanan ni Manang Martina ang halos araw-araw na pagmamaltrato ng amo kaya’t nagpasya siyang umalis. Naging undocumented worker si Manang Martina. Nasa batas kasi ng Hong Kong na kapag natapos ang kontrata, kailangang umalis na ng teritoryo ang dayuhang manggagawa sa loob ng dalawang lingo. Dahil sa mahigpit na pangangailang ng kanyang pamilya sa Pilipinas, minabuti ni Manang Martina na manatili sa Hong Kong. Naghanap siya ng ibang amo kahit na alam niyang labag ‘yun sa batas. Itinuring niyang katumbas ng pagpapatiwakal ang pag-uwi niya sa Pilipinas hindi lang para sa kanya kundi pati na rin sa kanyang mga magulang at anak. Namasukan pa rin siya bilang kasambahay dahil ito lamang daw ang alam niyang gawin upang kumita ng pera. Halos naging araw ang gabi para sa kanya sa pagtatrabaho sa loob ng mahabang panahon na inilagi, magkaroon lamang siya ng sapat na kita upang maipadala sa kanyang ama na noong panahong iyon ay may sakit, at para sa pagpapatuloy ng pag-aaral ng kanyang mga anak. Halos sumuko si Manang Martina nang ang kanyang ama ay mamatay na hindi na niya nakapiling. Subalit sa kanya pa rin umaasa ang mga anak para makapagtapos ng pag-aaral. Hindi lamang takot ang nasa kanyang damdamin kundi sumisigaw na rin ang kanyang katawan dahil sa pagod, Ngunit lahat ng iyon ay kanyang nilabanan. Ilang kaibigan at kamag-anak ang nagbigay ng tulong sa kanya sa panahon na siya ay bagsak na bagsak ngunit dahil may amo rin ang mga ito na pinangangalagaan, panandalian lamang ang tulong na naibigay. Kung saan-saan nasadlak si Manang Martina sa paghahanap ng ikabubuhay at kung saan-saan din siya tumira upang mag-tago sa awtoridad. Isang panahon, nakaramdam siya ng pangangati at pananakit ng kanyang mata ngunit kanya itong binalewala. Ang sakit ng katawan sa isang migrante ay tila pangkaraniwan lamang upang magpatuloy pa rin sa kanyang gawain. Ang pangangati ng kanyang mga mata ay naging madalas hanggang sa tuluyang lumabo ang kanyang paningin. Sa tulong ng ilang kaibigan, dinala siya sa clinic para magpatingin. Ilang pag-subok ang isinagawa sa kanyang mata at ang naging resulta ay pagkakaroon ng katarata ng dalawa niyang mata. Hindi pa rin niya ininda ito ng ilang pahanon upang muling maghanap ng ikabubuhay at maging ang pagpunta sa clinic upang masubaybayan ang kanyang sakit ay hindi na rin naasikaso. Walang humpay pa rin siya sa paghahanap-buhay kahit na sa kanyang kalagayan na a-andap-andap ang paningin. Ngunit noong Nobyembre ng taong 2006, siya ay nagising na wala nang halos maaninag sa kapaligiran. Alam ni Manang Martina na iyon na ang katapusan ng kanyang paghahanapbuhay at paglabag ng batas ng Hong Kong para sa tulad niyang migrante. Tumawag siya sa ilang kaibigan at kamag-anak upang samahan siya sa Philippine Consulate. Sa tulong ng Konsulado, natapos ang hearing ni Manang Martina at siya ay pumasok ng kulungan noong Enero. Sa panayam na ginawa kay Manang Martina sa loob ng kulungan bago isagawa ang operasyon, nais nitong ipaabot ang taos pusong pasasalamat sa lahat ng tumulong sa kanya. Habilin niya sa mga kababayan niya na mahirap ang maging domestic helper lalo na sa Hong Kong. Sa karanasan niyang sinapit, di niya nanaisin na maging domestic helper ang iba pang Pilipino. - GMANews.TV