Butong marupok
Isa sa pinakamasayang sandali sa buhay ng isang OFW ay ang malaman at makumpirma ang araw ng kanyang muling pagbabalik sa sariling bayan—na matapos ang isa o dalawa o maraming taon ay muli na niyang makakapiling ang kanyang pamilya.
“Don, I already booked your ticket and your flight will be one week from now,” wika ng aming secretary.
Natulala ako saglit sa aking narinig. Biglaan kasi. Akala ko i-extend pa ulit ako ng employer ko ng isa pang buwan dahil sa marami pa akong ginagawa sa opisina. Kinagabihan noon ay halos hindi ako makatulog. Marami akong naiisip. Magkahalong emosyon ang aking naramdaman. Hindi tulad nang una kong pag-uwi.
Ang sarap ng gising ko noong Sabado ng umaga, kahit ilang oras lang ang naitulog ko. Dumiretso na muna ako sa site, sa isang project naming palasyo. Nag-ikot-ikot ako sa buong bahay. Umakyat pa nga ako sa scaffoldings. Nagtungo sa tuktok ng palasyo at tumayo pa nga ako sa kornisa.
“Don, bumaba ka na d’yan at kakain na tayo,” sigaw ng aming foreman sa akin.
May 15 minuto pa bago mag-alas-dose ng tanghali. Kahit wala pa ang breaktime ay umupo at nakisabay na lang ako sa kanila. Kinuha ko sa dala kong bag ang baon kong dalawang maliliit na tinapay.
Limang minuto bago mag-alas-dose ay tumunog ang cellphone ko. Dinukot ko ito sa aking bulsa. Ang project manager pala namin ang tumatawag. Dali-dali akong tumayo at lumabas sa isang silid ng ginagawang palasyo kung saan kami kumakain sa mga sandaling iyon. Lumayo ako sa mga kasama ko, baka kasi marinig at malaman niya na kumakain na kami kahit wala pa ang oras ng lunch break namin. Naisipan kong magtungo sa likod ng palasyo, dahil may gumagawa pa doon na ibang lahi, upang marinig ng manager namin na may nagtatrabaho pa.
Hawak ko sa kanang kamay ang cellphone ko. Hindi ko ito sinagot kaagad. Pangalawang tawag na ng manager namin nang makarating na ako sa likod. Mabilis ang lakad ko. Nang sasagutin ko na sana ang tawag, ay biglang umalsa ang espirito ko. Naku po! May kumalabog. Ang bilis ng mga pangyayari. Para akong nabingi sa mga tagpong iyon.
Madilim. Wala akong nakikita. Una kong napansin, ay hindi ko na hawak ang cellphone ko. Agad kong inimulat ang aking mga mata. Napadura ako. Nakasubsob na pala ang mukha ko sa buhangin. Ninais kong tumayo agad, ngunit bigo ako. Bumulagta ulit ako sa buhanginan. Hindi ko maitukod ang kaliwang kamay ko. Naka-jacket kasi ako nun, at hindi ko alam kung ano ang lagay ng kaliwa kong kamay.
“Tulong, tulungan po ninyo ako, tulong,” sigaw ko na puno ng kaba at takot.
Nagsidatingan naman kaagad ang tatlo kong mga kasamahan. Hihilain sana ng isa kong kasama ang kaliwa kong kamay, ngunit sumigaw ako. Itinaas nila ang sleeve ng jacket sa kaliwa kong kamay. Napapikit ang aking mga mata matapos kong makita ang kalagayan ng kamay ko. Mayroong gumagalaw-galaw sa loob malapit sa siko. Hinawakan ko ito ng mahigpit. Nararamdaman kong gustong lumabas ang mga buto, wala kasing sugat. Tinulungan nila akong makatayo at mula nun ay hindi ko na binitiwan ang kaliwa kong kamay.
Nilagyan nila ng karton sa bandang ilalim at tinalian nila ng panyo at isinabit sa aking leeg. Doon na malinaw sa akin ang nangyari. Natisod lang pala ako sa isang bakal at hindi ko nakayanan ang bigat ng aking katawan. Natumba ako at naitukod ko ang aking kaliwang kamay.
Tinawagan ng foreman ang aming site supervisor at pinaalam ang nagyari sa akin. Habang naghihintay kami ay puno ng kaba at takot ang nararamdaman ko.
“Paano pa ako makakauwi nito? Malala kaya ito? Alam kong nabali ang mga buto nito, puputulin kaya ito? Dapat bang malaman ito ng pamilya ko?”
Gusto kong umiyak sa mga sandaling iyon, hindi dahil masakit, kundi nababahala ako, ngunit ayaw lumabas ng aking mga luha. Mag-aalas-dos na, narinig namin ang sunod-sunod na mga busina ng sasakyan. Sa halos dalawang oras naming paghihintay, ay sa wakas dumating din ang aming site supervisor na Syrian. Dinala niya ako sa hospital. Alas-singko na ako naasikaso. Marami pa kasing mga papel ang dapat i-presenta sa hospital upang masakop ako ng insurance.
“Kabayan, grabe naman pala ang nangyari sa’yo, tignan mo ang X-ray mo,” sabi ni Kabayan.

Bumilis ang pintig ng aking puso. Tumitig muna ako sa sahig, pagkatapos sa ibabaw ng mesa at sa itaas. Napailing kaming tatlo ng supervisor at foreman namin. Bali nga talaga. Hindi lang isa, kundi ang dalawang buto sa kaliwang kamay ko, sa gitna ng radius at ulna.
Matapos malaman kung saang kuwarto ako magpapagaling ay iniwan na akong mag-isa ng mga naghatid sa akin sa hospital. Pagkatapos pa ng dalawang araw daw ako o-operahan. Tatlo kami sa isang kuwarto, isang Banggali at isang Egyptian. Ang isa ay may first-degree burn, at ang isa ay nabalian sa paa.
Matapos ako ma-indyekan sa aking puwet ay pinatay ko na ang ilaw at isinara ko na ang kurtina na nakapalibot sa aking kama. Tumingala ako, ilang segundo lang ay nag-uunahan na sa pagpatak ang aking mga luha sa aking pisngi. Nahihirapan akong huminga sa mga tagpong iyon. Tinakpan ko ang aking bibig upang hindi makagawa ng anumang ingay sa silid na iyon.
Tinanong ko ang Panginoon kung bakit iyon nangyari sa akin, kung saan pauwi na sana ako ilang araw na lang. Nakadama ako ng awa sa aking sarili. Nag-iisa sa dilim. Walang kasama. Walang kaibigang masasandalan maliban sa Kanya na nasa itaas.
Bumisita naman saglit ang aking employer. May kaibigan namang naghatid ng mga gamit ko. Alam ko naman ang kalbaryo na pinagdadaanan ng isang OFW lalo na sa Gitnang Silangan kapag nagkasakit. Nag-iisa at halos walang dumadalaw. Mahiyain akong tao at hangga’t kaya ko ay hindi ako nanghihingi ng tulong.
Nahihirapan akong mag-banyo, at sa pagkain naman ay kinakagat ko nalang ‘yong plastik na nakabalot sa pagkain, at iniipit ko nalang sa dalawa kong hita ang mineral water upang aking mabuksan ang takip, at ganun din ang ginagawa ko kapag kumakain ako ng prutas. Kapag kumikirot na ang kamay ko ay pinapatugtog ko sa aking cellphone ang awiting, "Lord, I will Offer My Life To You,” hanggang sa ako ay makatulog.
Mag-isa lang din ako nang operahan ako. Naghahanap ako ng isang kaibigan na mapagtanungan ko man lang, kung hindi ba masakit, o sa madaling salita, naghahanap ako ng isang taong magpapalakas ng aking loob. Wala talaga. Kaya habang papunta na ako sa operating room ay pikit-mata nalang akong nagdasal.
“Makakayanan ko ito, malalampasan ko rin ito, kaya ‘ko ‘to, matapang ako... !”
Naaawa ako sa sarili ko sa mga panahong iyon. Walang ibang tutulong sa akin kundi ako lang. Lingid man sa kaalaman ng aking pamilya ang nangyari sa akin, nakitaan pa rin ako ng kaunting pag-asa at liwanag. Kinuwestiyon ko man ang pagmamahal ng Diyos sa akin, ay humingi ako ng kapatawaran. May nakikita akong pinutulan ng paa o kamay at ang iba ay binawian pa ng buhay, napagtanto kong mapalad pa rin ako, dahil kompleto pa rin ang mga bahagi ng katawan ko. Kaya, pinaubaya ko na sa Panginoon ang lahat. Alam kong mayroong dahilan kung bakit iyon nangyari sa akin.
“Kabayan, sa wakas ay makakalabas ka na. Ingat-ingat lang lagi ‘pag may time, MARUPOK KASI ANG MGA BUTO MO!” paalala ng isang nars na kabayan sa akin.
Tama, marupok talaga ang mga buto ko, dahil natisod lang ay nabali na agad ito. Maaaring marupok ang aking mga buto, ngunit masasabi kong matibay akong tao. Napagtagumpayan ko ang pagsubok na iyon sa aking buhay. Wala man sa piling ng aking mga mahal sa buhay, ay hindi naging marupok ang tiwala ko sa sarili na malalampasan ko ang lahat ng iyon. Higit sa lahat, hindi ko hinayaan na tuluyang lumimot sa Puong Maykapal. Mas tumibay pa ang pananalig at pananampalataya ko sa Kanya. Kahit sabihin na nating marupok tayo, ngunit kapag tinawag mo Siya, na Siyang aalalay sa iyo; daig mo pa ang nakasandal sa isang napakatibay na bundok; na wala kang dapat ipangamba; na alam mong hinding-hindi ka Niya iiwanan at tatalikuran. —KBK, GMA News
------------------------------------------------------
Si Adones Dinoy Bentulan ay isang OFW sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia