ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Gusto ko pa ring bumalik sa Pinas


Gusto Ko Pa Ring Bumalik sa Pilipinas Mahirap daw ang buhay sa Pilipinas. Mahal ang mga bilihin. Magulo pa rin sa ilang lugar. Maraming di nakakapag-aral. Maya’t maya nagbabangayan ang mga pulitiko. Maraming walang trabaho. Isa ako sa mga nagbabakasakali sa ibang bansa para kumita nang maayos. Isa ako sa mga nagtitiis na mawalay sa mga mahal sa buhay kapalit ng konting ginhawang di ko makita sa Pilipinas. Isa ako sa mga umaasang maiaahon sa kahirapan ang pamilya. Isa ako sa mga nagtitiyagang nangibangbayan para tuparin ang mga pangarap. Pero madalas kong itanong sa sarili ko kung worth ba na umalis ng bansa. Gayunpaman, nais ko pa ring bumalik sa Pilipinas. Gusto ko pa ring mamuhay sa bansa kung saan first-class citizen ako. Nais ko pa ring bumuo ng isang pamilya sa aking lupang sinilangan. Gusto ko pa ring maglingkod sa aking bayan. Ang lahat ng ito ay dahil sa umaasa pa rin akong magkakaroon ng mga pagbabago sa aking mga kababayan, sa aking bayan. Umaasa ako na magiging mahusay sa pagpapasya ang ating mga pinuno. Isasaalang-alang nila ang kapakanan ng bayan bago ang kanilang mga sarili. Gagamitin nila ang kanilang katungkulan upang pagtulungang ibangon ang ating bansa. Titigilan nila ang pagpapasiklaban tungkol sa kanilang mga kaalaman sa batas. Bagkus gagamitin nila ang kanilang kaalaman upang protektahan ang interes ng bawat Pilipino. Maglilingkod sila nang may takot sa Diyos at may pagpapahalaga sa kapwa. Umaasa ako na pag-iisipang mabuti ng mga mamamayan kung sino ang kanilang mga ihahalal sapagkat alam kong natuto na sila sa kanilang karanasan. Dahil sa pagbibigay ng kanilang mga boto, ipinagkakatiwala nila hindi lamang ang pagpapatakbo ng kasalukuyang pamahalaan kundi pati ng kinabukasan ng kanilang mga anak. Hindi sila magiging padalus-dalos sa paninisi sa gobyerno sa lahat ng di magandang nangyayari sa kanila. Hindi sila papayag na kapalit ng anumang halaga, ay kakaladkarin sila ng mga pulitiko sa mga pagtitipong ang nais lamang nama’y manggulo. Umaasa ako na pagtutuunan ng pansin ng mga mag-asawa ang kahalagahan ng pamilya. Iisipin nila palagi na mas mahalaga ang pagsasama ng mag-anak kaysa sa anumang kayamanang ipinapangako ng mga pagkakataong naglalayo sa bawat miyembro ng pamilya. Umaasa ako na pahahalagahan ng mga kabataan ang edukasyon. Pagbubutihin nila ang kanilang pag-aaral at palaging iisipin na ito ang isang bagay na hindi kailanman maaaring kunin mula sa kanila ng sinuman. Gagamitin nila ang kanilang lakas at talino upang mapabuti ang kinabukasan ng ating bayan sapagkat sila talaga ang pag-asa nito. Umaasa ako na ang bawat mamamayan ay susunod sa lahat ng batas. Tatawid sa tamang tawiran. Magtatapon ng basura sa tamang lugar. Hindi magnanakaw ng kuryente. Susunod sa pila. Hindi manunuhol o mangongotong. Magmamalasakit sa kapwa. Magtatrabaho ng tapat at tama sa oras. Iisipin nila na walang ibang tutulong sa Pilipinas na umunlad kundi ang mga Pilipino na magmamalasakit rito. At dahil naniniwala akong mayroon pa ring pag-asa ang ating bayan, gusto ko pa ring umuwi sa Pilipinas.
Tags: kwentong, kapuso