ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

May pag-asa pa ba ang Pinas?


Magandang umaga Kapuso, Frederick Lim Perito ang buo kong pangalan, 32 anyos at isang IT Professional dito sa Singapore. Naninirahan ako sa Dagat-dagatan, Caloocan nung nasa Maynila pa ako. Naroon pa rin ang aking magulang at kapatid hanggang sa kasalukuyan. Narito po ang isa sa aking mga akda: May Pag-asa pa ba ang Pilipinas? Nabasa n'yo ba 'yung tanong ko sa pamagat ng artikulong ito? Tama ka kabayan, di nagkakamali ang iyong mga mata. Tinatanong kita. May pag-asa pa ba ang Pilipinas? Hindi 'yung Pag-asa na kapag sinabing uulan ay umaaraw at kapag sinabing aaraw ay bumabagyo. 'Yung tunay na pag-asa as in hope. Hindi yung sigarilyo ha. Isa akong IT Professional na narito sa Singapore. Mahigit dalawang buwan pa lang ako dito sa bansang kung tagurian ay Lion City. Malungkot, ganyan ang buhay dito. Malayo sa asawa't anak. Malayo sa magulang at kapatid. Malayo sa bayang sinilangan. Ngunit bakit nga ba ang mga katulad ko ay mas piniling mangibang bayan kaysa manatili sa Pilipinas? Noong bagong gradweyt pa lang ako ng kolehiyo, idealistic ako. Sabi ko sa sarili ko, hindi ako mangingibang bansa. Gusto kong gamitin ang talino ko at kakayahan upang tulungang maiangat ang IT industry ng Pilipinas. Idealismong tibak, 'ika nga. 'Yung mga kabarkada ko, isa-isa nang nag-aalisan papunta ng iba't ibang bansa. Sa Estados Unidos, sa Britanya, sa Singapore, sa Saudi. Napapailing ako sa tuwing may nababalitaan akong kabarkada ko na paalis papuntang ibang bansa. Sabi ko sa sarili ko, pagkatapos kang pag-aralin ng bayan, ayun, ibang bansa ang makikinabang. Tama ka kabayan. Kami ay mga iskolar ng Bayan. Gradweyt ako ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Pero siyam na taon matapos akong magtapos ng kolehiyo, katulad na rin nila ako. Isang OFW. Bakit nga ba? Nung nagkaanak ako, nagbago ang pananaw ko sa buhay. Nag mature 'ika nga. Natutong magpahalaga sa darating na bukas dahil hindi na lang buhay ko ang iniintindi ko kundi pati kinabukasan ng asawa't anak ko. Kung iisipin, malaki lang pakinggan ang sahod ko sa Pinas. Kuwarenta mil mahigit sa loob ng isang buwan. Pero bakit pinili ko pa ring mangibang bayan? Simple lang, hindi ko alam kung saan patungo ang Pinas. Sa lugar namin sa Kalookan, nagkalat ang mga kabataang lulong sa ipinagbabawal na gamot. Kahit saan ka pumunta, sa A. Mabini, sa Bagong Silang, sa Dagat-dagatan, sa malapit sa Munisipyo ng Kalookan, puro drug addicts ang iyong matatagpuan. Kahit saan ka pumunta, kundi inuman, sugalan ang makikita mo. Ewan ko nga ba kung bakit iyon na ang nakagawiang libangan ng mga Pilipino. Magmasid ka sa mga paaralan, ilang porsiyento ng kabataan ang nag-aaral pa? Sa lugar kasi namin, wala ng kabataang edad 15 anyos pataas ang nag-aaral. Puro sidecar driver ang kinalabasan. Magpunta ka sa EDSA at maaaliw ka sa mga taong tila nakikipag-patintero sa mga sasakyan na bumabagtas dito. May overpass naman pero di ko maintindihan kung bakit sa gitna pa ng EDSA nagtatawiran. Subukang mong mamasyal sa Luneta. Magigitla ka sa mga basurang nagkalat sa parke. Ewan ko nga ba't ayaw itapon ang mga kalat sa basurahan. Pwede naman. Mag-dyip o bus ka minsan at mararanasan mong gawing tila sasabunging manok ng mga taong kung manigarilyo'y daig pa ang tambutso. May batas na nagbabawal sa paninigarilyo sa pampublikong lugar pero ewan ko nga ba kung bakit di ito sinusunod. Ang problema sa Pilipinas ay simple lang kung iisipin. DISIPLINA. May batas pero ayaw sundin. May gobyerno pero walang kayang gawin. Bakit pag nagpupunta sa ibang bansa, kayang magpakatino pero sa sariling bayan ay puro kasalaulaan ang ginagawa? Sabi nga nung kaibigan ko dito sa Singapore, kahit daw anong turo ang gawin sa mga kabataan para magpakatino, kapag araw-araw ay nakakakita ng mga taong lumalabag sa batas na hindi pinapansin, gagayahin din nila iyon pagtanda nila. Garbage In, Garbage Out. May pag-asa pa kaya na maging disiplinado lahat ng Pilipino? Para kasi sa amin na andito na sa malayo, parang wala na. Kaya kailangan naming humanap ng lugar na tahimik, malinis, payapa, maunlad at disiplinado ang mga tao upang dito palakihin ang mga anak ko. Suhestiyon nga nung kaibigan ko, bagsakan na lang daw ng bombang nukleyar ang Pilipinas para back to zero lahat tapos mag-umpisa ng panibagong lahing Pilipino. 'Yung Pilipinong sumusunod sa batas. 'Yung Pilipinong di lang ngawa ng ngawa kundi marunong ding gumawa para sa bayan. 'Yung Pilipinong marunong magpahalaga sa kapwa Pilipino. 'Yung Pilipinong hindi puro panlalamang ang laman ng isipan at puso. 'Yung Pilipinong marunong magmahal ng totoo sa bayang sinilangan. Natawa ako sa sinabi niya pero may kumurot sa puso ko. 'Yun na lang nga ba ang pag-asa ng Pilipinas? 'Yun na nga lang ba?