Pinay sa Syria pinagbintangan na nagnakaw
Halos magdadalawang taon na ako dito sa Syria pero hanggang ngayon wala pa ring pagbabago ang buhay ko. Puro trahedya. Kung sana may maayos na trabaho d'yan e di hindi na ako umalis ng bansa. Napakahirap dito. Nitong nakaraang buwan lang, pinagbintangan ako na nagnakaw para lang makuha ang pera ko. Napakasakit dahil iniipon-ipon ko 'yun, para sa pag-uwi ko may mabitbit man lang ako kahit kaunti. Pero amo ko pa mismo ang nagka-interes sa perang pinaghirapan ko. Nagpa-part time lang ako dito, tatlo ang amo, at isa sa kanila ay naghangad sa pera ko. Wala sa hinagap ko na mangyayari ito. Nang sabihin ng madam ko na ipatago ko 'yung pera ko sa bahay n'ya dahil delikado sa akin na magdala ng pera araw-araw sa trabaho kaya nagtiwala ako. Isang buwan lang ang lumipas, gumawa na s'ya ng istorya, huwag lang maibalik sa akin ang pera ko. Sa mga tulad ko na mapagtiwala sa inaakalang mabuting kaibigan, o mabuting tao, huwag kayong maniwala sa mga salita nila, lalo na kapag pera ang pinag-uusapan. Rosalie M.