Guro sa Pinas, therapist sa Aruba
Isang mapagpalayang araw sa aking mga kababayan! Hirap akong simulan ang bukas na liham na ito, lalo pa at sa salitang Tagalog. Marahil may mga mali sa pagbabalangkas ko..pero nais kong patunayan na ako ay isang Filipino sa ISIP, sa SALITA at sa PAGSULAT. Ako ay dating guro sa pangmalawakang agham. Nagtapos sa kilalang institusyon sa pangguro sa ating bansa o kilala bilang Pamantasang Normal ng Pilipinas, Maynila. Ako'y hinulma ng mapagkalingang paaralan, at itinaguyod ng buwis ng mamamayang Flipino. Namulat ako sa hirap na kundisyon ng ating lipunan. Nakagisnan ko ang buhay na "survival of the fittest." Minsan din akong naging laman ng Mendiola. Naranasan ko ang mabomba ng tubig, magsulat sa mga pader, imulat ang mga pasistang mapagsamantala. Ngunit, nagising ako, wala rin naman nangyayari. Sayang lang ang pawis at pagod ko. Wala rin namang nabago. Bugbog sa hirap ng pakikipagsapalaran. Dahil sa biyayang kaalaman, mabilis na nakapagtapos. Sakto sa taon. Ibig sabihin, hindi naging pabigat sa buwis ng Pinoy. Kilala akong makabansa. Sa bawa't mag-aaral ko, ikinintal ko sa isipan nila ang pagmamahal sa bayan. "Never abandon our country, share your talents and gifts to our Motherland." Bukam-bibig ko âyan sa mga mahuhusay kong estudyante sa pang-agham na asignatura. Pero, nasan na ako ngayon? nakailang bansa na ba ang napagturuan ko? Hindi ko maubos maisip...isa pala ako sa iiwan sa aking sinumpaang obligasyon ng pagtuturo. Bakit? Dahil sa hirap ng buhay, dahil nais ko ring maranasan ang maginhawang buhay abroad. Pero hindi âyan madali. Matuto kang LUNUKIN ang iyong PRIDE. Dahil paglabas mo ng bansa, malalaman mo kung ano ba talaga ang tingin nila o palagay sa mga Pilipino. Masakit na mismong sa AIRPORT pa lang, akala na nila papasok kang FACTORY WORKER O HOUSE MAID.(walang masama sa naturang trabaho.). Ang masakit kasi, hindi sila sanay na may mga qualified professionals din tayo. TAIWAN (2003-2004). Unang sampa ko palang sa lupa ng Taiwan, langhap ko na ang kaibahan ng Pinas sa naturang lugar. Less polluted pero mas amoy malinis ang ating mga kababayan. Ang mga estudyante, pumapasok kahit hindi nakapaghilamos man lang o kadalasan lukot ang damit (di man lang naplantsa) o sa kasamaang palad, nakailang suot na ang winter clothes nila. Naturingan mga may yaman, pero sa kalinisan mukhang nakaligtaan. Naku, naalala ko talaga mga dating estudyante ko sa CAL-Informatics (our CIP, Child Development Center, Camp Aguinaldo) at Southernside Montessori School sa Muntinlupa. Walang pumapasok na amoy kama at panis na laway. Nakakapag-compute kahit walang calculator. Nakapapasok kahit sapat lang ang baon at ang uniform talagang naka-almirol. Doon, ang may-ari ng school, ang tingin yata sa aming teacher ay maid. Maraming nakasulat sa kontrata na tila for "formality lang." Isang bagay na hindi ko natagalan eh ang papapasukin ka ng Sabado, which is my rest day. Hindi para magturo...kundi para maglinis ng CR at mag mop ng room. Linisin ang opisina o kaya gumawa ng advance activity para sa mga Canadian teachers. Isang taon nang pagtitiyaga. Bakit? Para makabayad sa inutang na placement fee. Ni-renew ng amo ko ang kontrata, good for 6 years, dahil nagustuhan daw ang aking "performance." Isang matigas na "NO, I will not renew it anymore," sabay pahid ng luha. Siguro nga ma-pride ako...sabi nila mahirap ang buhay sa Pinas. Sabi nila back to zero ka âdun. Sabi nila ....sabi nila...puro negatibo, pero nanindigan ako. Isa akong GURO, hindi ako hinulma sa kahinaan kundi katatagan. Isa akong GURO, may dangal at talino. Isa ako sa mga GURO, di papayag na maapi at tapak-tapakan. Ibabangon ko ang aking dangal, magpupunyagi at magtatagumpay. PINAS (2004-2005). Pagbalik ko sa Pinas, sumobra pa yata ang krisis sa pamumuhay. Pikit-mata, pinilit kong lumunok at lumanghap ng hangin sa NAIA. Sabi ko, simula na ito ng pagbatikos ng konsensya ko. Pero paninindigan ko ito. May pag-asa pa para sa akin at sa pamilya ko. Isa akong GURO, di makukontento sa natapos ko. Isa akong GURO, pinagmumulan ng kaalaman para sa mga mag aaral ko. Isa akong GURO...makatatapos ng MASTERAL ko. ARUBA (2005- Present). Maganda sa islang ito, maraming Pilipino. Payapa at maraming magagandang tanawin. Naku, puro yata Ilocano dito. Kasi namn nung magiba ang Hyatt Hotel sa Baguio, dito itinambak ang sanlaksang Ilocano. Okey dito, maraming mga nakapagtapos ng kolehiyo ang mas piniling mag WAITER o WAITRESS na lang dito. Malaki kasi ang TIP. Marami dito pinalad sa buhay. Ang sikreto daw ay TIYAGA. Dito, nagamit ko ang pinag-aralan ko. Malaki ang sweldo kahit part-time lang. Nag e-enjoy sa pag te-therapy ng may AUTISM na bata. Siyanga pala, isa na akong maybahay. LESSON: Sa buhay, kailangan matatag ang iyong panuntunan at pananampalataya sa DIYOS at sa SARILI mo. Huwag mong hayaang kainin ka ng kultura, at paikutin ng ibang tao lalo na ang banyagang amo. Maglagay ka ng limitasyon bilang manggagawa, at bilang tao. Walang magtataas sa pagkatao mo kahit ano pa ang trabaho mo kundi IKAW lang. Maging POSITIBO sa buhay. Higit sa lahat, anuman ang kalagayan mo, saang bansa ka man naroroon...plano mo mang bumalik sa bansa, magbago ng bansang pagtratrabahuhan, o manatili na lang diyan...MAY PLANO ANG DIYOS SA BUHAY MO. NAGBUBUKAS NG PINTO NG PAGPAPALA ANG PANGINOON SA TAONG MAY MALINIS NA INTENSYON, PAGMAMAHAL SA DIOS, SA BAYAN, SA PAMILYA AT SA SARILI. Mabuhay ang Bagong Bayani ng Pilipinas!!! Nyleve Valladolid Apllied Behavior Analysis- therapist BOEGOEROEI NOORD ARUBA