Balik-Pinas, payag ka ba?
Hindi ako OFW pero likas sa trabaho ko ang madalas ipadala sa iba't-ibang bansa. Marami-rami na rin akong narating na bansa. Isa kasi akong service engineer ng isang kumpanya para sa mga semi-conductor company. Sa mga bansang napuntahan ko, minsan pinakamatagal na ang anim na buwan. At bawat bansang ito may mga nakikilala rin akong mga Pilipino, nakikipagbalitaan, kwentuhan ng kung ano ang buhay nila doon, ayos lang ba, kuntento na ba sila. Karamihan sa mga nakausap ko ay maligaya sila sa mga natamasang ginhawa sa pagpunta roon. Maganda ang palakad ng gobyerno, mataas ang pasahod, maraming benepisyong naitutulong ang pinaglilingkuran at sa tulong na rin ng local na pamahalaan. Tahimik, may kapanatagan ang loob. Kaya't karamihan sa Pilipinong nakilala ko ay ninais pa nilang doon na manirahan, at ayaw nang bumalik sa Pilipinas. Ang iba nama'y nag-aasawa ng tagaroon upang doon na manirahan. Ang iba, balak nilang kunin ang kanilang pamilyang naiwan sa Pilipinas upang doon na mabuhay nang pangmatagalan. Pero sa kabila ng lahat ng ito ay gusto pa rin nilang bumalik sa Pilipinas sa kanilang pagtanda, kahit alam nilang magulo, maraming makasariling pulitiko, maraming naghihirap, pangit na gobyerno, madumi ang paligid, walang disiplinang mga mamayan, mga barumbadong tao. Iniisip ko nga minsan na ang Pilipinas ay isang malaking kulungan. Isang malaking Penal Colony na para kang nakakulong sa isang bansang puro criminal ang kasalamuha mo. Wala ka kasing kapanatagan ng loob kahit nasa iyong bahay ka, un-compensated hard labor. Pero bakit pa natin hihintayin na tayo ay tumanda. Pag nakaipon na, kapag di mo na ma-enjoy ang buhay sa Pinas dahil matanda ka na, saka ka babalik? Meron namang paraan. Isang survey lang. Hindi ko alam kung ilan merong OFW sa buong mundo, at halos lahat na yata ng sulok ng mundo ay mayroong Pilipino. Kung tatanungin ko kayo, bawa't isang OFW, payag ba kayong umuwi sa Pilipinas at magtrabaho sa ilalim ng iyong kasalukuyang employer, pareho ang sahod, pareho ang benipisyo -- dollar, yen, riyal, NT, euro, at iba pa? Kasama mo na ang iyong pamilya, mataas pa ang kita. Pero dapat mahigpit ang disiplina, bawal mahuli sa pagpasok, walang patay oras, susundin mo lahat kung ano ang mga patakaran ng inyong pinaglilingkuran, de numero lahat ang kilos sa loob ng trabaho. Okay lang yan. Marahil marami sa inyo ang pumapayag. âAba nasa Pinas ako, dollar ang sweldo, okay 'yan." âKung kaya kong gawin sa ibang bansa dito pa kaya sa Pinas" Kung majority ng mga OFW ay pumapayag sa ganitong magandang buhay, sagana, hindi naghihirap, walang utang, kayang bigyan ng magandang bukas ang pamilya, ay marahil pumapayag na rin kayong baguhin ang ating gobyerno at hawakan ng isang masaganang bansa at ang ipalit ay ang kanilang gobyerno. Payag ba kayo? Robert Taller