ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Kapag may tiyaga...


Hi, Galing ako sa mahirap na pamilya -- iyong pamilyang ang sinasabi nila eh dalawang kahig, isang tuka. Tricycle driver lang ang tatay ko at ang nanay ko naman kahit paano tumutulong sa tatay ko. Nandiyan ang magtinda siya ng kakanin, mamimili ng isda sa Navotas tapos ilalako, papasok ng trabaho sa pabrika, lahat ng maitutulong ginagawa niya. Ako ang panganay sa amin at ako ang laging katulong ng nanay ko sa kahit anong trabahong pasukin niya. Pagkagaling sa eskwela, tuloy na ako sa pagtulong sa nanay ko. Grade two pa lang ako, namasukan na ako sa Intsik sa paghuhugas ng bote. Natatandaan ko pa noon 10 cents bawat sampung bote na mahugasan ang bayad sa amin. Swerte na kung maka-10 pesos ako sa kalahating araw na nakababad sa tubig. Pero ang katwiran ko noon, pantawid -gutom din kasi. Ang bigas noon 7 pesos lang ang kilo. Kapag medyo minalas na wala kaming pambili ng bigas, may mais na dinurog na mas mura kesa sa bigas at iyon ang isinasaing ng nanay ko. Nang magsara ang factory na pinaghuhugasan namin ng bote, halos mag-iiyak ako at sa musmos kong isip naitanim ko na unti-unti kong iaangat ang pamilya ko sa hirap. Kahit na sa murang gulang ko, nag-aaral ako at nagtratrabaho, sa awa naman ng Diyos hindi bumaba ang grades ko Nakatapos ako ng elementary na walang gaanong gastos dahil ang eswelahan na pinapasukan ko ay nasa harap lang ng maliit na kwarto na inuupahan namin. Umuuwi ako kapag recess para kumain at maglinis ng bahay. Sa Caloocan High ako nag-aral ng High School pagka-graduate ko ng elementary. Namasukan ako sa pabrika ng mga Intsik sa malapit sa amin tuwing bakasyon para makaipon ng pang matrikula at para makatulong na rin sa araw-araw naming pangangailangan. Ang pamasahe noon sa jeep ay piso papapasok at piso pauwi, kaya ang baon na ibinibigay ng magulang ko eh 2 pesos lang. Wala na akong pambili pa ng stationaries na kakailanganin ko sa pang araw-araw na pag-aaral. Ang ginawa ko para magkaroon ako ng pambili ng ballpen, papel at pati na rin mga kakailanganin kong project eh naglalakad ako sa pagpasok at pag-uwi. 6:00 am ang klase ko at matatapos naman ng 12:00 pm kaya gumigising ako ng maaga at umaalis ng 5:00 am para makarating ako sa eskwelahan ng maaga. Sa pag-uwi naman, dumadaan ako sa Bangko De Oro na nasa kanto ng 10th Avenue at Avenida. Nagbukas ako ng account noon sa halagang dalawang piso at doon ko idinedeposito ang perang natitipid ko na siya kong kinukuha kapag nangailangan ako ng pambili ng gamit sa eskwelahan. Tumatangap pa ang bangko noon ng depositong piso pataas. Sa ganitong sitwasyon, nakatapos ako ng High School. Pagka Graduate ng High School halos mawalan ako ng pag-asa na makapag patuloy ng college. Dahil mabait ang Diyos, may nakapagsabi sa akin na mag-enrol sa PUP. Doon daw ay mura ang tuition dahil pang mahirap na eskwelahan daw iyon. Ang dapat ko lang na gawin eh ang kumuha ng entrance exam sa PUP. Labing-walo kaming magkakaklase na kumuha ng exam sa PUP at iyon lang ang school na kinuhanan ko ng exam, dahil sa ibang eskwelahan na pangkolehiyo, halos malula ako sa tuition. Sabi ko sa sarili ko, pagkain nga ‘di namin kayang bumili, mag-enrol pa sa mga ganitong eskwelahan. Kaya ‘di na ‘ko naglakas loob pa na kumuha ng entrance exam sa ibang eskwelahan. Pero napakabait ng Diyos sa amin. Nang lumabas ang resulta ng entrance exam ko sa PUP, sa aming 18 magkakaklase, ang pangalan ko lang ang nasa listahan ng nakapasa. Halos maglulundag ako sa tuwa. Hindi ko akalain na magkakaroon pa ako ng pag-asa. Sa puntong ito, ni hindi ko alam kung anong kurso ang kukunin ko. Ang gusto kong kurso sana ay abogasya, pero sa tagal ng kurso na ito at sa laki ng gagastusin, tinanggap ko na sa sarili ko na hindi ko makukuha ang pangarap ko na ito. Pagkatapos kong mag-enrol sa PUP para sa unang taon ko sa kolehiyo, ang naging problema ko naman ay ang pamasahe araw-araw. Ten pesos sa isang araw ang kailangan ko para makapasok dahil sa 11th Avenue Grace Park Caloocan pa ako manggagaling at ang PUP ay nasa Santa Mesa, Manila. Dito naranasan ng buong pamilya namin ang halos hindi kumain para mabigyan lang ako ng baon ng mga magulang ko para pumasok sa eskwela. Swerte naman na ang pasok sa PUP eh 3 days lang a week TTHS ( Tuesday, Thursday and Saturday) at MWF( Monday, Wednesday at Friday), kaya ang bakante kong araw na walang pasok katu-katulong ako ng nanay ko sa pagtitinda ng isda o kaya eh sa pagtatrabaho sa pabrika ng mga Intsik. At kung minsan, nag-uuwi ang nanay ko ng trabaho na pakyawan at nilalamay naman namin sa gabi. Kahit na anong kayod namin, halos wala pa ring matira. Kaya kung minsan ang pagkain namin eh nilugaw lang na sinahugan ng asin, ni walang ulam. Awang-awa ako sa buhay namin pero wala akong magawa, at ang iniisip ko lang, kailangan eh, at ang pag-asang may katapusan din ang paghihirap namin na ito, na siya kong madalas naririnig sa nanay ko. Nang magsara ang mga pabrika sa paligid namin at hindi na kami pinayagan magtrabaho dahil nakakuha sila ng mga trabahador na stay-in galing probinsiya, halos gumuho ang mundo ko. Iniisip ko ang pamasahe ko araw-araw at wala akong choice kundi ang tumigil sa pag-aaral. Sa ganitong kalagayan, nakausap ko naman ang teacher ko na taga-Bulacan at nabanggit niya sa akin na may train daw na galing sa Sangandaan sa Caloocan at tumitigil mismo ito sa PUP sa Teresa, ang pamasahe 80cents lang mula Sangandaan hanggang PUP Santa Mesa. Nabuhayan na naman ako ng loob. Limang piso na lang ang ibinibigay ng magulang ko na pamasahe ko, pambili pa ng worksheet na kakailanganin ko at libro. Ang napili kong kurso eh Banking and Finance dahil iyon ang pinakamura ang tuition noon sa mga kurso na available sa PUP. Balik-lakad ako sa pagpasok at pag-uwi. Mula sa amin, naglalakad lang ako hanggang Sangandaan, kaya ang 2 pesos na pamasahe ko araw-araw ay napagkakasya ko at ang 3 pesos na tira ay siya kong pinambibili ng stationaries na kailangan ko. Nasa 3rd year college na ako nang magkasakit sa baga ang tatay ko. Noon halos magalit ako sa mundo at nagsimula akong magtanong kung anong hirap pa ba ang dapat naming dalhin para makaraos sa ganitong kalagayan. Natigil ako ng pag-aaral at kinakailangan kong magtrabaho. Tamang-tama naman na dumalaw ang apo ng may-ari ng inuupahan naming kwarto at nagtatrabaho ito sa travel agency sa Ermita. Nagtanong ako kung pwede akong mamasukan sa kanila, tinanong niya ako kung ano ang natapos ko. Sabi ko ‘di ko pa natapos ang huling semester ng 3rd year. Tinanong niya ako kung marunong ako ng clerical job, kahit ‘di ko alam sa practical, at wala akong experience, umoo ako. Sa isip ko, siguro kasama iyon sa mga pinag-aralan ko sa nakalipas na taon sa kolehiyo. Ipinasok nga niya akong accounts clerk sa Boomerang Travel Agency na ang may-ari ay Australian national. May boyfriend na ako noon at siya ang palaging sumusuporta sa akin kapag kinakapos ako at hingahan ko ng sama ng loob kapag naaawa ako sa sarili ko. Nag-alala siya nang mapasok ako sa Boomerang. Sabi niya sa akin, dapat daw ituloy ko na lang ang pag-aaral ko at siya na muna ang bahala sa gastos. Pero dahil alam kong ‘di rin naman siya galing sa may kayang pamilya at pareho lang kaming nakatira sa iskwater ng Eleven sa Grace Park eh tinanggihan ko ang alok niya. Naging maganda ang takbo ng trabaho ko sa Boomerang at dahil nga sa turista ang karamihan naming kliyente, marami akong naging manliligaw na turista. Dito ko naisip na siguro ito na ang pagkakataon na dapat kong sunggaban para mangibang bayan. Sinagot ko ang isa sa mga nanliligaw sa akin at iniwan ko ang boyfriend ko na Pinoy. Masakit sa akin ang naging paghihiwalay namin ng boyfriend ko pero sa panahong iyon, hindi ko kayang pairalin ang puso. Ang naging kailangan ko eh tatag ng desisyon na mangibang bayan at makaahon sa hirap. Nakarating ako dito sa Australia sa tulong ng naging asawa kong Australiano. Nagkaraoon kami ng isang anak, at dahil sa experience ko at kahit na 3rd year college lang ang naabot ko eh nakapagtrabaho ako bilang accounts clerk sa mga kumpanya dito sa Australia, at nagsimula ko nang maiahon sa paghihirap ang pamilya ko sa Pilipinas. Hindi nasayang ang naging desisyon kong isakripisyo ang sarili ko. Pagkatapos ng 8 years na pagsasama namin ng asawa kong Australiano, naghiwalay din kami. Siguro dahil sa hindi ko talaga siya mahal, pero may anak ako sa kanya na mahal na mahal ko. Nakatagpo naman ako ng Pinoy dito sa Australia na siya namang naging asawa ko ngayon at katu-katulong kong nagpundar ng mga ari-arian na siya ngayong inaalagaan ng mga magulang ko at kapatid para mapalago. Hindi na nahihirapan ang mga magulang ko ngayon. Pinatigil ko na silang magtrabaho at sinusustentuhan ko na lang monthly, bukod pa doon pinag-aaral ko rin ang bunso kong kapatid sa kolehiyo. Nabili ko na rin ang bahay na dati eh kwarto lang ang inuupahan namin, at may naipundar na rin akong maliit na negosyo diyan sa Pilipinas na siyang pinagkukunan ng kapatid at magulang ko ng konting kabuhayan. Nakapagpagawa na rin ako ng bahay sa probinsya at ang bahay na nabili ko na dati ay mukhang barong-barong, ngayon ay pader na, sa awa ng Diyos. Sana kapulutan ng aral ang naging buhay ng ibang tao na nawawalan na ng pag-asa sa buhay. Sabi nga nila dito sa ibang bansa, walang Pilipinong naghihirap sa ibang bansa, dahil tayong mga Pilipino, ang pinaka- asset natin ay ang marunong tayo sa lahat ng klase ng survival. Cheers, Elizabeth Quimora Dimaunahan Data entry team leader