Prinsesa ng Taiwan
Mabuhay! Naranasan mo na ba ang matulog sa kalsada? Ang abutan ng baha habang natutulog? Ang walang makain? Humingi ng lumang notebook sa classmate at kapitbahay (pagsama-samahin ang walang sulat para magamit pa)? Oo, ako yun! Tanda ko ang hirap na pinagdaanan namin ng pamilya ko. When I was 5 years old, nasa level naman ang buhay namin. Seven years old ako nang mag-umpisang magsugal at mambabae ang tatay ko. Naisanla ng tatay ko ang bahay namin at nagsama sila ng ninang ko na labandera at kapitbahay namin na may asawa at apat na anak rin. Eight years old ako nang maglakad-lakad kami ng nanay ko at may nakita kaming isang bukid na 'di namin alam kung sino ang nagmamay-ari. Naisipan ng nanay ko na hagisan ito ng tangkay ng kangkong. Matapos ang isang linggo, lumago na ang kangkong. Kinuha namin at ginawang ulam at ang kanin namin ay tutong galing sa restawrant. Mga tirang tutong na kanin na kapalit ng pagtulong ng nanay ko as dish washer. 'Dun nakaraos na kami sa maghapon na kainan. Dumami ng dumami ang kangkong. Naisipan ng nanay ko na ibenta sa palengke. Ako ang tagakuha ng order sa hapon at ako rin ang taga-hatid sa umaga, samantalang ang nanay ko at iba ko pang kapatid ang tagakuha at tagatali ng kangkong. Dapat 5 am gising na ako kasi idedeliver ko pa ang kangkong, at 6:30 dapat tapos na kasi may pasok ako sa school, morning session. Simula elementary hanggang high school, ganun ang buhay na kinamulatan ko. Hanggang sa mag-graduate ako ng high school. Nagtrabaho ako sa electronics company (semicon). Sa labas ng company namin, may nagbigay sa akin ng pamplets or flyers... JOB FOR TAIWAN. Pumunta ako ng POEA at inalam ko kung legal nga ang agency na aaplayan ko. Legal naman. Nagpunta ako ng agency at nag-exam. Sa awa ng Diyos, nakapasa ako. Hindi makapaniwala ang nanay ko na ganun kalakas ang loob ko para magabroad. Inipon ko ang sahod ko sa Pinas hanggang sa makaipon ako ng pang placement na P25, 000 lang ang hiningi sa akin. Wala namang naging problema sa mga papers ko at nagpapasalamat ako sa Diyos. Hindi pa ako nagresign sa work ko sa Pilipinas habang naghihintay ako ng flight. Isang araw habang nasa trabaho ako, tumawag ang agency na inaplyan ko. Flight ko na raw kinabukasan at pinapunta ako para kunin ang plane ticket at papers ko. Tuwang-tuwa ako. Nang marating ko ang Taiwan, 'di ako nag-aksaya ng panahon. Pumapasok ako ng 10pm to 3pm. Mas mahaba pa ang oras ng trabaho ko kaysa sa tulog. Tatlong taon ako ganoon. Minsan apat na oras lang ang tulog at pasok na naman. Sa tuwing may ibinebentang bahay sa katabi ng bahay namin ay sinasabi sa akin ng nanay ko. Ipinadadala ko lahat ng naipon ko para sa bahay na bibilhin. Hanggang sa makaipon ako. After 3 years, umuwi na ako ng Pilipinas, finish contract. One month pa lang ako nag-stay sa Pinas, tumawag ulit ang agency sa bahay. Ie-extend daw ang contract ko. Pinababalik ako ng company ko sa Taiwan for another 3 years. Tuwang-tuwa kami ng pamilya ko. Salamat sa Diyos. That time, nag-advice na ang mother ko na huwag ko abusuhin ang katawan ko. Tumatanda na ako, kailangan ko naman daw harapin ang lovelife ko. Nang makabalik ako sa Taiwan, kinausap ko ang leader namin na hindi muna ako gaano mago-overtime. 'Yung normal lang. Naintindihan naman nila. Naging normal na ang pasok ko at tulog. Every time na tatawag ako sa Pilipinas, laging tinatanong ng nanay ko kung my boyfriend na ako, sabi ko wala pa. Hanggang sa isa sa kasamahan ko na Pilipina ang nagpamigay ng cellphone number ko. Ang dami kong naging textmate at naging boyfriend, pero walang nangyari kasi hindi kami nagkakatuluyan. Hindi pa rin ako tumigil sa pakikipag-text. Isang araw sa loob ng company namin dito sa Taiwan, kinausap ako ng katabi kong engineer. He asked me a personal question. My God! na shock ako. Tinanong ako kung may asawa na ako, at kung gusto ko raw ba ang Taiwanese.? 'Yun pala, simula nang makita n'ya ako eh may crush na s'ya sa akin. Two years ko s'yang katabi sa table, siya lang pala ang makakatuluyan ko. Kung saa- saan at kung sino-sino ang nakaka-text ko, 'yun pala katabi ko lang ang FUTURE HUBBY ko.(Wow, kilig naman ako!). Yup! Sa ngayon ay may isa na kaming anak, fulltime housewife ako. Sa tuwing papasok ang asawa ko at matutulog na kmi ng anak ko, naaalala ko ang hirap na naranasan namin ng nanay at mga kapatid ko. At minsan, di pa rin ako makapaniwala na nandito na ako sa Taiwan at may masayang pamilya. Sana ay makapulutan ito ng aral. SIPAG AT TIYAGA lang. Salamat sa Diyos! Isa po ako sa avid fans ng Kapuso dito sa Taiwan. Salamat po sa www.GMANews.TV, nauuna ako sa balita. Minsan pag tumatawag ako sa Pilipinas ako pa ang nag-a-update ng balita sa kanila. Salamat sa Kapuso! More Power and God Bless Us! Princess of Taiwan.