ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Pinay ipinakilala ang lutong Pinoy sa Balkans


Hi, Kapuso Nang makatapos ako ng pag-aaral sa kursong nursing aide, may nangailangan ng yaya. Malaki ang sweldo kaya pinasok ko na kahit alam ko na wala akong alam sa pag-aalaga. Sa katagalan, nagustuhan ako ng amo ko, at nasundan ito nang magka-baby siya ulit ng isang lalaki. Ako na ang nagpapalaki hanggang ngayon at 14 years na ako nagsisilbi sa kanila. Alam ko, narinig n’yo na ang lugar na Kosovo, Macedonia at Bosnia na ang tawag ay Balkans. Part din ng Europe ito. ‘Yung lugar na dati napakagulo. Maraming namatay noong nakariyera dito, mas matindi pa sa Mindanao. Noon, ayaw kong mag-abroad kasi takot ako, lalo na kung ang magiging amo ay hindi natin kalahi. Pero mabait ang Diyos at ang amo ko nabigyan ng trabaho sa UN kaya nakakasama nila ako. Unang alis namin sa Manila, tinanong ko ang sarili ko, “Ano kaya ang lugar na Kosovo?" Unang dating namin, kumain kami sa labas, kasama pa ang dalawang Pinoy na sumundo sa amin. Masikip ang mga kalye. Ang mga paninda halos nakahilera. Parang sa Baclaran din pala, akala ko maganda. Nag-stay kami for three months kasi magpapasukan na. Lumipat naman kami ng tirahan sa Macedonia. Doon tumagal kami ng 11 months. Pareho pa rin ,walang nagbago. Makikita mo puro restaurant. Ang mga tao kahit saan ka lumingon nasa kapihan, naka-upo. Kadalasan daw magdamag ang mga asawa nilang babae ang kumakayod. Finally, nag-enroll ang dalawa kong alaga sa International School at ang amo ko, naging co-teacher siya. Naging member siya sa Women’s International Club, at doon nakilala ang pagkaing Pinoy kasi tuwing may meeting, sa bahay ginaganap. Local at international, nakakatikim ng pagkain natin, kaya kadalasan may party sa bahay kasi daw ang sarap ng pagkaing Pinoy. May open house ang school kung saan nag-aaral ang mga alaga ko, lahat ng country pwedeng sumali. Kaya lang, tayo walang embassy dito. Itinaas namin ang bansang Pilipinas. Hindi lang sa magagandang resort ng Pilipinas at sa masasarap na pagkain na itinitinda namin, na kahit kailan hindi pa nila natikman. May idinikit kaming posters,like Boracay, Palawan ,at marami pa. Sa table namin, may bandilang Pilipinas na nakatayo. Namangha sila kasi ang nasa isip nila nasa list of terrorists tayo. Alam n’yo ba, naubos ang pagkain na itininda namin. Kami ang nauna. Ang dami pa nga ang naghahanap. Ang lahat ng kinita doon ay ido-donate ng boss ko sa school para ipagmalaki namin ang bansang Pilipinas. Napunta ‘yon sa books. Ngayon, nandito na kami sa Bosnia. Unang dating ko, ay naku ang mga building ang daming butas- butas. Tinamaan ng mga bala noon. Ang ganda dito tahimik . Diyan takot ka mag-taxi lalo na kung aabutin ka ng gabi. Dito hindi ,at honest ang mga tao dito. Pag naglalakad ako, mayroong tumatawag na Hi.kina. It means Chinese. Minsan napagkamalan akong taga Japan. Kami lang ang Pilipino dito. May mga Chinese pero iba naman sila, di katulad ng Pinoy. Dito naman, lagi pa ring may party sa bahay. Ang mga officemate ng boss ko, halos lahat nakakain dito. Noong natikman nila, lagi nilang sinasabi na Pinoy food daw gusto nila. Kaya handa namin pagkaing Pinoy. Masarap sa pakiramdam ‘yung nakikita mo sila habang nagkukwentuhan panay ang subo naman. Iba’t-ibang tao ang nakakasalamuha ko, galing din sa iba’t-ibang country. May mga asawa ng ambasador.dito kapag nasa bahay nagsasabi na gusto nila ang Pinoy kasi daw masayahin, mahilig mag-party. Kaya masasabi ko, ang buhay ko dito sa Balkans, dito ako natutong magtipid. Marunong na akong magpahalaga sa pera, at natuto akong magluto ng kahit anong pagkain. At natutunan ko rin sa ama ko, kasi mahilig siya magluto at mag-imbento ng pagkain. Masarap dito, tahimik, malinis ang paligid, walang lamok, walang baha, at hindi dito lagi umuulan. Sa ngayon mainit dito kasi summer na. Ilang buwan na lang taglamig naman. Kaya ang masasabi ko, kung sino man ang gustong mag-abroad i-try n’yo lang. Ganoon lang talaga sa umpisa, malulungkot ka, pero pagnasanay ka na parang ayaw mo na umuwi lalo na kung ang sahod mo ay hindi mo d’yan kikitain. Ganoon ang buhay ko rito. Maraming salamat sa GMA! MGT from The Balkans Tubong Calatrava, Negros Occidental