ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad
Paglisan sa Pinas, tama ba o mali?
Kapwa may trabaho, may sariling bahay at sasakyan at napag-aaral ang tatlong anak. Ngunit dahil sa kawalan ng katatagan ng gobyerno, talamak na katiwalian at laganap na krimen sa Pilipinas, nagdesisyon ang pamilya Cadacio na mag-empake at subukan ang buhay sa New Zealand. Matapos ang halalan noong May 14, nagdesisyon na ang mag-asawang Jodeal at Ana Cadacio na ituloy ang planong manirahan sa New Zealand na matagal din nilang pinaghandaan mula nang makapasa sa immigration screening ng nasabing bansa. Makalipas ang mahigit dalawang buwan, kinumusta natin ang pamilyang Pinoy na nagsisimulang mag-adjust sa lugar ng mga tinatawag na Kiwi. Narito ang kanilang Kwentong Kapuso: Miss ko na kayong lahat d'yan. Napakahirap pala ang malayo sa sarili mong bayan. Maraming kwentong Pinoy dito sa New Zealand at karamihan sad stories. Kahit 'yung mga matatagal na rito, maraming struggles. Iba kasi ang sistema rito, masyadong straight. Minsan tuloy naiisip ko maganda rin siguro kung medyo baluktot dahil kahit paano makukuha sa areglo. Dito walang ganun. Meron akong kasamang Freemason dito, permanent resident na sila. Bumili sila ng lupa para patayuan ng bahay. Pero 'di pa rin naitatayo ang bahay. Libu-libo na ang gastos nila sa gobyerno rito. Masyadong mabusisi, kung ano-ano hinahanap sa plano, at 'yung ibinayad nila katumbas na ng (halaga ng) isang mansyon d'yan sa atin. Ang laki rin ng bayad nila monthly sa lupa. Ginto ang presyo ng lahat ng bilihin at serbisyo rito, pati pagkain. Ang weekly grocery expenses namin dito umaabot ng NZ$200 ( P33/NZ$ ang equivalent). Kaya kapos-kapos ang sweldo ko sa ngayon. Grabe ang hirap at pasakit na inabot ko rito. 'Di mo kasi maiwasang maikumpara sa dati kong buhay d'yan sa atin. Kung d'yan ay siga tayo, dito utus-utusan lang. Ang unang kong naging trabaho, sa pabrika ng bathtub at shower tray - sa production line. Pasok ng 6am hanggang 2:30pm. Manual labor pero pinagtiisan ko kasi $12/hr sweldo - malaking bagay para sa pamilya ko. Pero ganun pa man, kapos pa rin dahil lahat napupunta lang sa upa sa bahay. $370/week ang bayad sa three-bedroom house na inuupahan namin. 'Di kami pwede kumuha ng two-bedroom lang kasi ang policy dito, kapag may anak na babae at lalaki kailangan hiwalay ang kwarto, 'di pwedeng sama-sama. $30/week ang bayad sa kuryente at mahigit $100 bayad sa telepono at Internet use. Kaya talagang iikot ang pwet mo sa kahahanap ng pagkukunan ng pera. Two weeks lang ako nagtrabaho doon, lumipat ako sa factory ng agro-chemicals. Pareho lang rate kaya lang 10 hrs ang trabaho - 7am to 530pm. Taga-label ng mga galon at taga-salin ng mga pesticide at herbicide, 'yun ang trabaho. Ngayon medyo na-promote na, taga-mix na ng chemicals sa mga higanteng tangke, pero ganun pa rin ang rate. Pinagtitiyagaan ko kasi wala ako ibang pagkukunan. Nung unang araw ko run, talagang sumabog luha at sipon ko sa sama ng loob. Biruin mo, pinawalis sa akin 'yung buong yard ng planta na halos kasing laki ng mga parking lot d'yan sa Batasan Pambansa. Pati pagtatapon ng basura sa rubbish bin sa akin iniuutos. Nahirapan din ang katawan ko noong una, kasi 'di naman tayo sanay sa pagbubuhat ng mabibigat. Kaya ngayon, kahit naka-one month na ako sa planta, masakit pa rin ang buong katawan koâlalo na sa likod. Kagaya nitong mga nakaraang araw, ako ang pinagsalin ng herbicide sa mahigit 1,000 galon na tig-20 liters ang laman. Machine ang nagsasalin pero ako ang nagbubuhat ng galon, naglalagay ng takip at nagsasalansan sa paleta at babalutin ng plastic. Natuto na rin ako mag-drive ng fork-lift/hoist dahil kasama 'yun sa trabaho. 'Di ako mahihiyang sabihin na naging iyakin ako rito. 'Di maaring dumaan ang isang araw na hindi tutulo ang luha ko sa sama ng loob. Minsan naiisip ko, mukhang nagkamali yata ako ng desisyon sa pagpunta rito. Pero kapag naiisip ko ang mga anak ko at ang sistema dyan sa atin, pinipilit ko na lang kayanin ang lahat. Ang dami kong inaplyan na journalist/writer position dito pero kahapon lang ako naka-swerte. Ipinatawag ako for job interview ng isa sa pinakamalaking dyaryo rito sa North Auckland. Walang 30-minutes 'yung interview sa akin nung editor at binigyan agad ako ng job offer. Bilib daw s'ya sa credentials ko, kaya sabi nya, pwede na kong magstart sa Aug. 9. Aayusin pa ang work contract at kung anu-ano pang paper works. Ganun dito, mabusisi mga employer. Pero in fairness, mababait sila at accommodating. 'Dun nga sa chemical factory, sobrang bait ng mga amo kong puti. Maalalahanin sila kaya kahit medyo mahirap ang trabaho okay na rin. Sa kabila ng lahat ng ito, naniniwala pa rin ako na mas maganda ang kinabukasan ng mga anak ko rito. Sila naman talaga ang dahilan kung bakit nag-desisyon akong iwanan ang masarap na buhay d'yan para lumasap ng hapdi at pait dito sa New Zealand. Napakaganda ng NZ. Malinis ang paligid, walang pollution, at tahimik kumpara sa atin na talamak ang holdapan, snatching at iba pang krimen. Dito sa lugar namin, tahimik. Doon sa South Auckland at ilang parts ang Auckland City ang medyo mataas ang crime rate. Pero kung ikukumpara sa atin sa pangkalahatan, mas tahimik pa rin dito. 'Yung isang kasamahan ko rin na Mason, pinasok ang bahay n'ya at pinagnakawan. Nagsumbong s'ya sa pulis pero mayroon din pala ritong pulis patola. Wala silang ginawang aksyon. Magaling lang manghuli ng over-speeding. 'Di kasi nila itinuturing na malaking issue ang theft and robbery kasi katwiran nila, insured naman lahat ng gamit. Concerned lang sila kapag physical na ang involved. -- Jodeal Sa hiwalay na kwento ni Ana, inilarawan niya ang hirap na manirahan sa malamig na bansa. Grabe ang ginaw dito! Grabe rin ang hirap magsimula, hindi biro. Nakakaiyak, malayong malayo sa buhay namin d'yan. Nakaranas ka na bang maglakad ng anim na kilometro sa gitna ng 2 degrees at 150 k/hr na lakas ng hangin at lakas ng ulan? Tulo na luha mo, tulo pa uhog mo sa lamig. Isa lang car namin, si Joal (Jodeal) ang gumagamit kaya walk ako mga 2km para makapunta sa bus stop. Pataas-pababa 'yan, ha. Nawala na nga ang puson ko eh, napunta na sa binti. Maganda ang New Zealand. Para kang nasa loob ng malaking class na subdivision lagi. Bihira ang tao sa paligid, walang polusyon, walang din basura, walang traffic. Pero 'di rin ganun kaganda tumira rito. Marami ring gagong driver, may mga kaso rin ng snatching, pagnanakaw, rape, kidnapping. 'Di lang siguro kasing lala d'yan sa atin siguro dahil kakaunti ang tao rito. Mas maganda ang quality ng education d'yan sa atin. Mura ang school dito $250 lahat ng bata. Ang kaso ang uniform per set $400. Kaya âwag nang mangarap na ibibili mo ng two sets ang anak mo dahil equivalent 'yan sa P28 thousand. Wala ring suspension ng klase rito kahit 160k/hr ang bagyo. Ang tawag lang nila dun "bad weather" o kaya "not so good weather." Madali namang makakuha ng work dito pero hindi 'yung work natin d'yan. Marami dito sa factory, supermarket nagtatrabaho, o kaya caregiver. Okey naman ang sweldo makakabuhay ng pamilya pero baka maiyak lang sila sa simula lalo na kung tipong boss ka d'yan. - Ana Payo ni Jodeal Ang payo ko sa mga nangangarap mamuhay sa ibang bayan, mag-isip-isip muna sila ng maraming besesâlalo na kung maganda naman ang katayuan nila d'yan. Pero kung desidido, dapat handa ka at maraming baon dahil magastos dito. Ako, napasubo na ko rito, kung baga sa giyera naduguan na, kaya laban na 'to. Sana isama n'yo kami sa mga dasal n'yo, kailangan namin 'yun. Marami pang kwento rito kaya hanggang sa susunod.
More Videos
Most Popular