Maraming kamalasan, sa Sudan nawakasan
Hello Kapuso, Routine ko na talaga everyday na mag-log on sa site n'yo, at ako'y natutuwa na merong space para sa mga katulad ko na OFW. Ako pala ay Tubong Ma-ao Bago City Negros Occidental and I am presently working at Air Arabia Airlines here in Khartoum, Sudan. My parents are in Negros, at naku, napakahirap ng pinagdaanan ko. This is my story! Ako ay nagmula sa isang Barrio ng Bago City, Negros Occidental. Nagtapos ako ng B.S. Mass Comm sa UNO-R. Hindi ako nakapagtrabaho after akong nagtapos ng college, kaya kumuha ako ng caregiver course sa Riverside College. Since ang isa kong pinsan ay nakapunta ng London, nangarap na din ako na sana isang araw ay nandoon na rin ako at nang matulungan ko ang parents ko. It was 2003 nang nagdesisyon kami ng mga ka-batch ko sa caregiver course na mag-apply papuntang Ireland since isa sa mga kaklase namin, kakilala niya ang nag po-process ng mga papers, but naloko kami. Pumunta pa nga kami sa Manila para magpa-interview dahil dumating daw ang magiging sponsor namin from Ireland. The agency is somewhere in Las Pinas, pero sa pagkakaalam ko sarado na 'yon. Parang guguho ang mundo ko nang malaman ko na naloko pala ako, at malaking halaga ang nagastos ko. Hiyang-hiya ako sa mga magulang ko, kaya sinabi ko sa sarili ko na kahit anong mangyari magpupunta akong abroad kahit anong bansa pa ito. Sa lugar namin, ako ang usap-usapan na kesyo hanggang sa Maynila lang daw ako at hindi na makapag-aabroad kaya nagpursigi ako. 'Yung agency na nag-hire sa amin kinulit ko, since nakakuha na din siya ng pera sa akin, na papuntahin niya ako kahit sa Dubai lang. After 1 month, ipinatawag niya ako, at sinabi na ready na ang visa ko pero hindi sa Dubai kundi sa Sudan. Bigla akong nanghina, dahil sa pagkakaalam ko magulo ang lugar na ito. Pero nagkagipitan na, pumayag na rin ako kesa diyan sa atin na wala din akong trabaho. It was December 14, umalis ako sa Pilipinas. Pag take-off pa lang ng eroplano tumutulo na ang luha ko, kasi hindi ko sinabi sa mga magulang ko na sa Sudan ang punta ko. Ang pagkakaalam nila sa Dubai. Iniisip ko kung ano ang magiging kapalaran ko pagdating ko sa bansang ito. Dec 15, 4:30 PM Sudan time, dumating ako dito, pagkakita ko pa lang sa airport nila parang gusto kong sumakay ulit ng eroplano pabalik ng Pilipinas. Butas-butas ang bubong at naku, 'di pa talaga develop. Mas maganda pa nga ang airport ng Bacolod. Sinundo ako ng asawa ng aming agency dito sa Sudan. Sinabi nung agent ko noon sa atin na ang magiging trabaho ko dito ay Housekeeping Supervisor at ang sahod ay 450 Dollars. Nung dumating ako sa bahay ng agent namin, may isa akong Pilipina na nadatnan doon at niyakap niya ako nang makita niya. Sinabi niya kung bakit pa daw ako pumunta dito. Manloloko daw ang agent namin at sa isang linggo niya pa lang sa bansang ito nakaapat na amo na siya. In fairness, naging mabait siya sa akin. Noong unang araw ko, pinakain ng maayos at pinatulog sa kwarto na may aircon. Kinabukasan, inihatid niya ako sa hospital kung saan ako magtatrabaho. Sinalubong ako kaagad ng mga Pilipino na nandoon. Sabi nila bakit ako nagpaloko, maliit lang ang sahod dito at hindi pwedeng lumabas. Kinausap ako ngayon ng may-ari ng hospital at ng agency ko, sabi nila 170$ daw ang sahod ko from 8-7 ang trabaho at walang day-off. Nabigla ako at parang susuko na talaga ako, kaso nandito na ako at syempre bago pa lang sa lugar kaya nagdesisyon na lang ako na magtiis keysa atin diyan sa Pinas na wala akong trabaho. Kawawa kaming mga Pinoy doon, nakatira kami sa taas ng hospital, at ang kinakain namin sa araw-araw ay noodles, itlog at kanin. Makakakain lang kami ng baka at manok pag nagdadala ang mga nurses na Pinoy na sa labas nakatira. Para kaming preso doon, pero since na sa hospital ako nagwork, marami rin akong nakikilalang Pilipino. It was my birthday, and I think blessing in disguise na din 'yon. Kinuha ako ng aking agent sa hospital dahil sinagot-sagot ko ang may-ari. 'Di ko na talaga makayanan ang pinaggagawa niya, para kaming hayop kung tratuhin. Sinaktan ako ng agent ko pero tiniis ko lang 'yon, nakaplano na sa isip ko ang gagawin ko. Sinabi ko sa sarili ko na hindi na ako aabutin ng alas-5 sa bahay niya. Pagdating sa kanila nagpamasahe siya sa akin, tapos inantay ko siya na makatulog. Nilansi ko ang kanyang katulong na Indonesian, dala ang isang supot na naglalaman ng kaunti kong damit. Nagpaalam ako na bibili ng softdrinks sa tindahan. Inaya ko ang Indonesian na samahan ako pero ayaw niya, sabi bilhan ko na lang daw. Lumabas ako ng bahay at tumakbo nang tumakbo hanggang sa makakita ako ng triycle. Sinabi ko sa driver na pag nanakita ng taxi pasakayin agad ako. Hindi naman ako nahirapan dahil magaling na akong mag-Arabic, mabilis akong natuto. Nagpahatid ako sa bahay ng kaibigan ko kung saan dinala niya ako sa Filipino Association. Wla kasing embassy dito kaya mahirap. Itinago nila ako sa taga-United Nations, kasi hindi basta-basta mapapasok ang bahay nila. Mga isang buwan din siguro ako na nagtago, hanggang sa natagpuan ko ang isang napakabait natin na kababayan na mataas ang posisyon sa isang NGO. Since ang NGO na 'yon ay pag-aari ng isang religious group na sa awa naman ng Diyos any miyembro ako, tinulungan nila ako na makapagtrabaho sa kanila hanggang maayos ang problema ko. Nagwork ako as secretary for two months. Para makuha ang passport ko sa aking agent kailangan ko magbayad ng $1,500. Alam mo Kapuso, ang bait talaga ng pamilya ko. 'Di nila ako pinabayaan. Pinadalhan nila ako ng pangtubos sa passport ko. Nahihiya nga ako sa kanila dapat ako ang magpadala ng pera pero ako ang pinadalhan nila. Ang magulang talaga kahit anong mangyari 'di pababayaan ang anak. Mas lalo kong minahal ang magulang ko. Natubos ko din ang passport ko, at nagdasal talaga ako na sana simula na ito ng swerte ko. Isang araw, dinala ako ng Personnel Manager namin sa school ng anak niya kasi may program. Kaibigan niya ang may-ari ng school at ipinakilala niya ako. Sinabi niya na naghahanap ako ng employer na mag-aayos ng papel ko. The next day pinapunta ako para sa interview. He asked me kung kaya ko daw ba magturo ng English sa kindergarten. 'Di na ako nagdalawng isip, umoo na ako. Tayo naman kasing mga Pilipino madali lang matuto sa kahit anong trabaho at alam ko din na kaya ko dahil nagtapos naman ako ng college. After 2 months na nagtrabaho ako sa school, kinausap niya ako, sabi niya na ililipat daw niya ako sa airline niya dahil nag-asawa na ang gumagawa ng visa. The following day, nag-report na ako sa airline niya and I am very happy until now masaya ako sa work ko. Na-meet ko ang mga mataas na tao dito sa Sudan, lahat na ng klase ng mga tao. Malaki ang pasasalamat ko sa naging amo ko ngayon. Kung may masasama na Sudanese, may mababait din. Sa ngayon 2 years na ako dito sa trabaho ko, at sa awa ng Diyos, malapit na akong mag bakasyon sa atin. Makikita ko na din ang pamilya ko, na hindi ko nakita for almost 3 years. Maraming Pinoy dito. Actually, nagsisimula na nga ang liga ng basketball at volleyball. Every Thursday and Friday sa Lupang Hinirang. Ito ang tawag namin sa Filipino club. Hindi magulo dito sa Khartoum. Sa Darfur ang giyera kaya nga bilib ako sa mga pulis natin na doon na-assign. Marami palang PNP dito, under ng UN at mataas ang tingin nila sa ating pulis. Although hindi pa masyadong developed ang bansang ito, mas magandang magtrabaho dito compared to other Arab countries. Basta hindi lang manloloko ang magpapapunta sa 'yo dito, kikita ka ng malaki. Mas malaki pa ang sahod dito kesa Dubai at Saudi. Hindi istrikto, makapagsisimba ka ng maayos dahil maraming Catholic, Protestant, Adventist and Born Again na simbahan dito. Hanggang dito na lang po at sana kapulutan n'yo ito ng aral. Huwag magpaloko sa mga (recruitment) agency sa atin. Dapat licensed at klaro ang kontrata. At ang pinaka-importante, maniwala kayo sa inyong kakayahan at huwag magpapatalo sa pagsubok na dumarating sa ating buhay. Salamat Kapuso, hope to read more inspiring stories . God Bless po and More Power! Marie