ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Malaking sakripisyo ang pagiging OFW


Magandang araw po sa lahat ng mga bumubuo ng GMA-7 at sa lahat po ng mga sumusuporta dito at tagasubaybay. Ako po si Bhest na tubong Pampanga. Isa po ako sa mga libu-libong OFW na nakikipagsapalaran sa ibang bansa para lamang maihaon sa kahirapan ang pamilya at mabigyan po sila ng magandang kinabukasan. Sa edad na 20-anyos ay nakipagsapalaran po ako dito sa Iraq dahil sa hirap ng buhay sa Pinas. Sa kabila ng kahirapan ay nakapagtapos po ako ng kolehiyo kahit two-year course lang. Sa panahon ngayon napakahirap maghanap ng trabaho sa atin kahit sabihin mong nakapagtapos ka ng pag-aaral at minsan naman ay hindi sapat ang kinikita sa isang buwan para tustusan ang pangangailangan ng pamilya. Mahirap ang maging OFW. Una, malalayo ka sa mga mahal mo sa buhay. Ikalawa, hindi mo alam kung kelan ka makababalik. At ikatlo, hindi mo alam kung ano ang kahihinatnan mo sa bansang pupuntahan mo. Para sa akin, isang malaking sugal ang pagiging OFW. Isa po ako sa mga masugid na tagasubaybay ng inyong programa sa www.GMANews.TV. Hindi lahat ng mga OFW ay sinuswerte. Meron din sa mga kababayan natin ang minamalas. Sa madaling salita, umuuwing luhaan. Nagpapasalamat po ako sa Diyos dahil sa ibinigay niyang pagkakataon sa akin para makapagtrabaho sa ibang bansa. Dito sa Iraq, marami na sa ating mga kababayan ang umuwing luhaan o talunan. Gaya ng sinabi ko, hindi lahat ng OFW ay sinuswerte. Hindi po biro ang makipagsapalaran dito sa Iraq. Nariyan ang disgrasya na pwede mong sapitin gaya na lamang ng mga mortar at rocket. Minsan naiisip ko bakit kailangan pa naming pumunta sa ibang bansa para lamang makapagtrabaho at mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya. Pwede naman kaming magtrabaho sa sariling bansa namin, pero sa nakikita ko, ang mga nangyayari sa ating bansa noon at ngayon at wala pa ring pagbabago tulad na lang ng walang tigil na pangungurakot, krimen, krisis sa bansa, pagtaas ng presyo ng bilihin, atbp. Kung tutuusin po ay napakayaman ng ating bansa. Isa sa mga pinakamayaman na bansa sa Asya pero sa likod nito ay ang walang tigil na pangungurakot, ang pagbulsa sa kaban ng bayan. Hindi mo po maiiwasan na ilabas minsan ang iyong sama ng loob sa pamahalaan. Kung may nagagawa po ang gobyerno, bakit patuloy pa rin ang krimen, mga batang paslit na dapat ay nasa eskuwelahan pero sa kalsada mo nakikita. Hindi rin natin masisi ang mga tao sa Mindanao kung bakit patuloy pa rin sila sa paghahasik ng lagim. Hanggang kelan kaya matatapos ang giyera doon at magkakaroon ng kapayapaan. Minsan naiisip ko rin na kapag nagkaroon na ako ng sariling pamilya ay anong klase ng lipunan ang mamumulatan niya. Gaya rin ba ng kinagisnan ko? (Huwag naman sana). Kung walang kurakutan sa gobyerno at magiging tapat sila sa kanilang mga tungkulin ay sigurado po akong maraming mabibigyan ng mga trabaho at magandang sahod. Mababawasan po ang mga kababayan natin na nakikipagsapalaran sa ibang bansa. Subukan mong tanungin ang mga kababayan nating OFW kung bakit sila nakikipagsapalaran sa ibang bansa at isa lang ang kanilang isasagot, KAHIRAPAN sa bansa. Para sa mga kapwa ko OFW, saludo po ako sa inyo sa kabila ng nangyayari sa ating bansa ay buo pa rin po ang loob ninyo. Lahat ng tiis, paghihirap ay kinakaya po natin para lang mabigyan ng magandang buhay ang mga pamilya natin. Kaya natin ‘to. More Power and Blessings… God Bless Kapuso from Iraq Bhest