ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Naaalala mo pa ba?


Tayo noon... Doon Tinutukoy ko ang harangang- taga o tumbang-preso kapag maliwanag ang buwan, o kaya ay patintero; Ang pagtatakip mo ng mata pero nakasilip sa pagitan ng mga daliri pag nanonood ka ng nakakatakot, "Mga Aninong Gumagalaw" Unahan tayong sumagot sa Multiplication Table na kabisado natin, kasi wala namang calculator. Pag-akyat natin sa mga puno; pagkakabit ng kulambo, lundagan sa kama ; pagtikwas o pagtitimba sa poso; timba ang pang-igib ng lalake at may dikin naman ang ulo ng babae; Inaasbaran ng mga suberbiyo; Nginig na tayo pag lumabas na ang yantok-mindoro o buntot-page. Nai-sako ka rin ba? O kaya naglagay ka ba ng karton? Napalo ka na sa pwet, para hindi masakit ang tsinelas o sinturon? Pamimili ng bato o ipa sa bigas; tinda-tindahan na puro dahon naman; bahay-bahayan na puro kahon; naglako ka ba ng ice-candy o pandesal noong araw? Karera sa takbuhan hanggang maubos ang hininga; pagtawa hanggang sumakit ang tiyan; Meron pa bang himbabao, kulitis at pongapong? O kaya ang lukaok, lulungi, susuwi at espada? Susmaryosep ang nadidinig mo pag nagpapaligo ng bata... Estigo santo kapag nagmamano. Mapagod sa kakalaro, minsan mapalo; matakot sa "berdugo" at sa "kapre"; Tuwang-tuwa kami pag tinalo ang tinale ni itay kasi may tinola! Yung crush mo? Pag recess: mamimili ka sa garapon ng tinapay :alembong, taeng-kabayo o biscocho? Pwede ring ang sukli ay kending Vicks (meron pang libreng singsing) o kaya nougat o karamel; Kung gusto mo naman - pakumbo o kaya kariba, mas masaya kung inuyat; Puriko ang mantika, at mauling na ang mukha at ubos na ang hininga mo sa ihip kasi mahirap magparikit ng apoy. Marami pa... Masarap ang kamatis na piniga sa kamay at lumabas sa pagitan ng daliri para sa sawsawan; ang palutong pag isawsaw sa sukang may siling labuyo; ang duhat kapag inalog sa asin; ang isa-sang isubo ang daliri kasi puno na ng kanin... Halo-halo: yelo, asukal at gatas lang ang sahog; Sakang ang lakad mo at nakasaya ka kasi bagong tuli ka; o naghahanap ka ng chalk kasi tinagusan ang palda mo sa eskwelahan. Lipstick mo ay papel de hapon; Labaha ang gamit para sa white-side-wall na gupit; Naglululon ka ng banig pagkagising; matigas sa amirol ang mga punda at kumot; madumi ang manggas ng damit mo kasi doon ka nagpapahid ng sipon, di ba? Pwede rin sa laylayan... May mga program kapag Lunes sa paaralan; May pakiling o liha kang dala kung Biyernes kasi magi-isis ka ng desk. 'Di ba masaya? Naalala mo pa ba? Wala nang sasaya at gaganda pa sa panahon na 'yon... Masaya noon at masaya pa rin tayo ngayon habang ina-alaala iyon... 'Di ba noon... Ang mga desisyon ay ginagawa sa awit na "sino ba sa dalawang ito? Ito ba o ito?" Pag ayaw ang resulta 'di ulitin: "Sino ba sa dalawang ito? Ito ba o ito?" Awit muna: Penpen de Serapen, de kutsilyo, de almasen. How how the carabao batuten... Presidente ng klase ay ang pinakamagaling, hindi ang pinaka-mayaman; Masaya na tayo basta sama-sama kahit hati-hati sa kokonti; Nauubos ang oras natin sa pagku-kwentuhan, may oras tayo sa isat-isa; Naaasar ka kapag marami kang sunog sa sungka; kapag buro ka sa pitik-bulag o matagal ka ng taya sa holen. 'Yung matatandang kapatid ang pinaka-ayaw natin pero sila ang tinatawag natin pag napapa-trouble tayo. 'Di natutulog si Inay, nagbabantay pag may trangkaso tayo; meron tayong skyflakes at Royal sa tabi at pahihigupin ng mainit na Royco. Kung naaalaala mo ito... nabuhay ka na sa KAPAYAPAAN! Pustahan tayo nakangiti ka pa rin! Kung naka-relate ka sa lahat ng nabanggit sa itaas, ibig sabihin lang niyan ay.......... ...MATANDA ka na! he he he... Maraming salamat, Kapuso….. Marlon Zambrona Jeddah, Kingdom of Saudi Arabia