ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Walang imposible sa pag-ibig


Unang-una po sa lahat ay ang pagbati ko po sa lahat ng mga kababayan ko ng isang magandang araw. Ang gaganda ng mga story ng mga kababayan natin, 'yung mga sacrifices and success nila sa buhay ay very inspiring. At naingganyo din akong i-share ang karanasan ko sa buhay. Isa akong Muslim, panganay sa 6 na magkakapatid. I was 2 years old when my father passed away and my mother got married again after 5 years. Tatlo kami sa una at 3 din mga kapatid ko sa 2nd husband ng mother ko. Lumaki akong dinanas ang hirap sa buhay, naranasan naming magkakapatid na matulog ng walang laman ang tiyan. I was 8 years old when my stepfather worked in Saudi. After a year, nagbakasyon s'ya sa Pinas for a month. Nine years old ako ng huli ko syang makita, at nabalitaan ko na lamang na may iba na s'yang pamilya sa Saudi. Saksi ako sa hirap na dinanas ng nanay ko sa piling ng pamilya ng stepfather ko. Si mama ang bumubuhay sa pamilya ng asawa n'yang umabandona sa kanya. Hanggang sa nagkaroon ng chance ang mother ko na tumakas dala ang 2 kong kapatid. Likas na sa tao ang mapangutya, lalo pa’t ako'y may dugong Muslim kaya laging tampulan ng mga tao, mapakaibigan man o pamilya. It seems mahirap tanggapin sa side ng mother ko na ako'y may dugong Muslim, dahil ang nanay ko ay Kristiyano. Naranasan ko kung paano ako kutyain, ipahiya sa harap ng mga tao, etc. Ang lahat ng 'yon ay ipinasa Diyos ko na lamang. Ang lahat ng iyon ay ginawa kong inspirasyon sa buhay instead na mag self-pity ako. Lalo akong nangarap, hindi para sa sarili ko kundi para sa mga kapatid ko. Ayaw kong danasin nila ang hirap na dinanas ko sa murang gulang. Ayaw kong maranasan nila ang magbilad sa ilalim ng init sa buong maghapon sa paghahanap buhay. Ayaw kong mapuno ng putik ang mukha nila sa pagtatanim ng palay at pagdadamo ng mais. Ayaw kong lumiban sila sa klase dahil kailangan nilang mag-harvest ng mais. Ayaw kong pagtawanan sila sa school dahil ang bag nila sa cellophane ng isda. Gusto ko every year may bago silang uniform, 'di tulad ko, nakapagtapos ng high school dalawa lamang ang uniform ko sa loob ng apat na taon. I was 10 years old nang mangibang bansa si mama para mabuhay at mapaaral n'ya kaming magkakapatid. Isa syang D.H sa Saudi noon. Pabalik-balik s'ya ng Saudi hanggang sa ako'y nakapagtapos ng aking high school. Pinalad akong makapasa sa isang scholarship sa college, ngunit ako'y napatigil din dahil walang pantustos sa daily needs and books ko. Wala na kasing work noon si mama. Eighteen years old ako noon ng magsapalaran sa ibang bansa, D.H din ang bagsak ko. Si mama, mananahi na, Saudi din ang bagsak n'ya. 'Di ko akalain na dito magsisimula ang pagbabago ng buhay ko, at ang pagtupad ko sa mga pangarap ko para sa mga kapatid ko. Isa ako sa maswerte na nagkaroon ng mababait na amo. Si mama, nabibisita n'ya ako paminsan-minsan. Pito ang anak ng amo ko, ngunit magaan ang trabaho ko dahil tinutulungan nila ako sa mga gawaing bahay. Love at first sight. 'Yun ang una kong naramdadam ng makita ko ang pangatlong anak ng amo ko na s'yang sumundo sa akin sa airport. Andoon 'yong pagtataka ko, ba't iba ang itsura n'ya. Sabi nila kasi malalaki daw ang tiyan ng mga Arabo. Bakit s'ya very masculine? We became friends, naging hingahan ko ng mga sama ng loob ko kapag wala akong matanggap na sulat mula sa mga kapatid ko. Naalala lang nila ako if they need money. He is my shoulder to cry on, he is a good adviser. Ang friendship namin ay naging deeper. I cant forget that day, 19th birthday ko noon, he surprised me. May dala s'yang ice cream cake for me, na sa buong buhay ko ay 'di ko naranasan na magkaroon ng birthday cake or paghandaan man lang pag birthday ko. 'Di ko naranasan na mabigyan ng regalo sa birthday ko, napaiyak ako sa tuwa. Naisip ko, ano ang ginusto ng taong ito sa akin? Akoy hamak na katulong lamang, walang tinapos. S'ya, isang professional, may sinasabi sa buhay, isang manager ng isang malaking shipping company. 'Di maialis sa dibdib ko ang kaba, sabi kasi nila (ex-abroad) ang mga Arabo mahihilig sa babae, para sa kanila laruan lang ang mga katulong. Ang dalawang taon ay napakaikli para sa akin. Gusto ko mang mag-stay, pero wala akong magawa. S'ya mismo ang gustong umuwi ako para i-pursue ang studies ko. Ngunit iba ang naglalaro sa isipan ko, doubt talaga ako. Year 2006 bumalik ako sa lupang sinilangan. Uli, balik sa dati ang buhay ko. Harvest, pagdadamo ng mais para lamang may pambili ng bigas. Lahat ng sahod namin ni mama noon naubos ng mga kapatid ko. Walang nabago sa bahay na iniwanan naming mag-ina noon, instead mapaayos, lalo itong naging marupok dahil sa kalumaan. Walang kwarto, doon na ang sala namin, kainan, kusina, higaan, at pag umulan pa lahat ay nakaupo sa isang sulok dahil inuulan pati loob ng bahay. Ang pangarap ko noon na makapagpatuloy sa pag-aaral ay naudlot, dahil priorities ko mga kapatid ko. Sa loob din ng isang taon, wala akong communication sa minamahal ko, walang sulat, ngunit bakit may pera na padala? Para ano 'to? Kabayaran sa sakit ng damdamin? Wala akong magawa but to hope, at magmahal ng lihim sa kanya. Lalo akong inalipusta ng mga tao, wala daw sa hitsura ko ang magustuhan ng isang Arabo. Oo nga naman, ano nga ba ang gugustuhin n'ya sa isang pandak, pango, walang pinag-aralan at mahirap na tulad ko? Ilang buwan kong iniyakan ang lahat ng mga naririnig ko, hanggang sa naging bato na ata ang puso ko. Isang araw, may telegrama akong natanggap, at 'di ako makapaniwala, ang Arabong mahal ko ay nag-aantay sa akin. Sumunod s'ya. Tinupad n'ya ang pangako n'ya. Nagpakasal kami at nagpatuloy ako ng aking pag-aaral. Tinulungan n'ya ang pamilya ko, pinag-aral ang mga kapatid ko. Ngayon isa na akong nurse at kapiling ko na rin ang husband ko at may isa na kaming anak. Masaya akong namumuhay sa piling n'ya. Ang akala ko noon, 'di pwedeng abutin ang langit. Wala palang imposible sa ngalan ng pag-ibig. Sa loob ng labing isang taon naming pagsasama, 'di ko sukat akalain na marating ko ang mga bansang pinangarap kong marating noon. Salamat sa mabait kong asawa, at higit sa lahat ay lubos akong nagpapasalamat sa Allah (Diyos) dahil sa biyayang bigay n'ya sa akin. Sis NurAlhuda Dammam, KSA