ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Hinanakit ng ama na nagpakahirap para sa anak


Magandang araw po sa inyong lahat. Sa lahat po ng bumubuo ng Pinoy Abroad at buong Staff ng GMA7, mabuhay po kayo. Nagpapasalmat po kami at may puwang kayo sa mga OFW at naglaan pa kayo ng pitak sa Internet at dahil dito maipamamalas namin ang aming kaunting talino sa pagbuo ng tula, awitin o mga kwentong pampamilya o kaganapan sa aming pinagtratrabahuhan. Ito’y malaking tulong para sa mga OFW at muli, tanggapin n'yo ang aking taos-pusong pasasalamat at mabuhay po kayo. At aasahan ko na mailathala ang kwento ko upang makapagbigay naman ako ng kalakasang emotional sa mga kapwa ko OFW lalo na po may problema sa mga anak. Thank you, Ramon Aure Jr. Admin Asst/Finance Dept. PAMILYA, KINABUKASAN AT TAGUMPAY Pagpupugay sa lahat ng mga KAPUSO. Nawa’y sumaatin ang pag-ibig ng Diyos kahit saan man tayo naroroon. Ilalahad ko po sa inyo ang tunay na katapatan ng isang ama para sa kinabukasan ng kanyang pamilya at lalo na sa mga anak. Bilang isang magulang, ang layunin po natin ay maiangat ang pamumuhay ng ating pamilya at isa na roon ang pinakamahalagang bahagi ay ang kinabukasan ng ating mga anak. Kaya nga tayo’y nagsisikap na makapagtrabaho local man o abroad dahil nakaatang sa ating balikat ang responsibilidad bilang isang haligi ng pamilya at tangan natin ang pag-asa. Tagumpay ng ama, tagumpay ng buong pamilya at ‘yan ay mapatutuyan sa katapatan at pagsisikap ng mga magulang. Isang patunay lamang kahit saang sulok ng mundo ay naroon ang mga Filipino upang hanapin ang kapalaran, ang siyang susi ng tagumpay. Noong 1999, unang abroad ko sa Libya at sa kauna-unahang pagkakataon na mapawalay sa pamilya at labis po akong nangungulila at nasaktan sa loob ng 6 na buwan ay walang patid ang aking kalungkutan. Kung hindi lamang sa kahirapan ng buhay at kinabukasan ng aking pamilya ay hindi na sana ako lumisan pa. Kahit gaano pa katigas ang iyong puso o kasing-tigas pa ng bato ay daratimg ang oras na ikaw ay makadarama ng kalungkutan at nariyan na ikaw ay mapaluha. At nariyan din ang mga pagsubok sa ating trabaho na kung mamalasin ka nga naman ay makakatagpo ka ng malulupit na employer at mga kasamahan mo sa trabaho na wala ring pakialam sa buhay mo, doble pasakit at sakripisyo ang siyang dulot nito. Isang malaking dagok din ang pakikipag-ugnayan sa pamilya, na kung saan ay limitado ang pasilidad katulad ng telepono, Internet at kung aasa sa sulat ay aabutin ng isa o dalawang buwan bago makarating, ‘ika nga ito’y panis na at marami nang pangyayaring nagaganap. Sa kabila ng lahat ng mga pagsubok o tiisin sa buhay, ito’y napagtagumpayan ko at nairaos ko rin ang aking kontrata, bagama’t ako’y sawi sa unang pag-a-abroad, na kung saan ang kinita ko sa buong taon ay napunta sa bayarin ng mga utang, sa school at pangangailangan nila, marahil hindi ko natupad ang aking pangarap dahil sa iksi ng panahon at tila ako’y bigo. Sa pangalawang pagkakataon, taong 2000, sinubukan kong muling makabalik sa Libya at marahil napagtanto ko sa aking sarili, buo na ang aking loob na tanggapin o harapin ang anumang mga pagsubok na darating, marahil ito’y kaakibat ng ating buhay. At sa panahong ito ay napaglalabanan ko at gamay ko na ang mga pagsubok ang siyang naging hadlang tungo sa tagumpay at taos-puso po akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa kanya nagkaroon ako ng lakas. At dito, unti-unting nabubuo ang munti kong pangarap na makapagpatayo ng bahay, at napagtapos ko rin ang anak ko ng high school sa isang private school. Habang ang tao’y nabubuhay ay walang humpay ang kanyang pangarap na marating ang rurok ng tagumpay, ika nga. Kahit anong hirap pang daranasin at kahit ilang pagsubok pang darating ito’y susuungin alang-alang sa kinabukasan ng pamilya at kahit buhay pa’y nakataya tuloy ang pagsisikap para sa pag-ibig sa pamilya. Taong 2003, muli po akong nag-apply at hindi ko akalain na sa Iraq ako mapadpad. Mula’t-simula pa lamang nang aplayan ay katakot-takot ang paghihirap. Mula sa pagbibigay ng resume, na halos hindi na mahulugan ng karayom sa dami ng aplikante, tulakan doon, siksikan rito, pagod at puyat sa pag-aabang hanggang hating-gabi upang mapasama ka sa talaan ng kwalipikado. Ang iba’y hindi na umuwi at nagkasya na lamang sa bangketa natutulog dahil sa layo ng pinanggalingan. Sa kabila ng aming paghihirap, sa wakas narating din namin ang bansang Iraq at batid po nating lahat hanggang ngayon ay wala pang katahimikan. Ang tanong, bakit nga ba kami narito? Ano ang pakay namin? Mga KAPUSO, isa lamang po ang dahilan. Mahal namin ang pamilya at para sa kinabukan ng aming mga anak, at higit sa lahat para kumita ng sapat na pera. Sa unang pagyapak ko sa Iraq ay nasambit ko sa aking sarili, makatatagal kaya ako rito? Awa ng Diyos, narito pa rin ako hanggang ngayon(2003-2007) at patunay lamang na tinatamasa ko ang magandang pagkakataon na tila minsan lang dumarating sa buhay ng tao ang magandang pagkakataon na ito. Hindi ko na po isasalaysay ang mga kaganapan sa Iraq dahil batid po nating lahat, ito’y laging laman ng mga tv, radio at pahayagan ang mga pangyayari rito subalit kami’y nagtratrabaho sa loob ng base militar ng mga Kano. Sa awa ng Diyos, sa loob lamang ng tatlong taon ng pagpagpapagal ay napataas ko ang aking bahay, at nakabili ng 2 tricycles. Kaya nga lang ang pinakamimithi ko sa buhay na mapagtapos ko ang aking anak sa kolehiyo ay bigo ako. Sa aking pagparito bilang ama ng pamilya, wala po akong ibang hinahangad kundi mapagtapos ko ang ka isa-isang kong anak sa pag-aaral sa kolehiyo. Sa himig ng aking pananalita may tampo at hinanakit ako at ano nga ba ang magagawa ko nangyari na. Kahit gaano pa kasama ang inyong anak, bali-baligtarin mo man ang mundo ay anak mo pa rin at hindi ko kayang itakwil. Sa puntong ito masasabi ko na hindi kami perpektong magulang subalit naroon ang aming pagsubaybay. Busog sa pangaral, pag-aaruga at, higit sa lahat pagmamahal. Oo, napag-aral ko ang aking anak sa isang sikat na paaralang pang teknolohiya, subalit masasabi kung bigo ako sa pangarap na tila natangay ng masamang tadhana at sapat na sa kanya ang buhay na walang kabuhay-buhay. Masakit bilang isang ama. Tayo’y nagsisikap, nagtitiis, nagpapa-alipin alang-alang sa kanila, subalit hindi nila binigyan ng halaga ang bawat patak ng pawis para maitaguyod ang kinabukasan nila. Kung alam lang nila kung gaano kahirap magpaalipin sa ibang bansa upang kumita ng pera. Kung alam lang nila sa bawat putok na umaalingawngaw sa paligid ay akala ko katapusan ko na. Kung alam lang nila ang pang-aapi at pang-alipusta at pagyurak sa pagkatao mo sa mga banyaga. Kung alam lang nila kung gaano ko sila kamahal at sila ang dahilan kung bakit ako narito. Isinusugal ko ang aking buhay, lahat ng pagtitiis ay ginawa ko na alang-alang sa kanila. Kung alam lang nila kung gaano kasakit mapawalay upang maibigay ang pangangailangan nila at Kung alam lang nila ang lahat ng ito sana’y bigyan nila ng halaga ang bawat pisong ipinadadala sa kanila, upang maibsan ang paghihirap kahit sa kunting kapamaraanan. At sana mapag-isipan nila na ang lahat ng ito ay lilipas din at may katapusan. At walang hanggang SANA ang nais nating mangyari at dito masususkat ang katapatan ng bawat pamilya. SANA HINDI PA HULI ANG LAHAT. Makalipas ang dalawang taon at nakiki-usap muli ang aking anak na magbalik -eskwela at nangangakong pag-ibabayuhin na ang kanyang pag-aaral. Sa kanya na rin nanggagaling na mahirap mag-apply ng trabaho na walang natapos at sa loob ng isang taon at kalahating pamamahinga at pag-a-apply ng trabaho na kung saan-saan ay walang nangyayari at napagtanto sa sarili n’ya na mahalaga ang may pinag-aralan. Sa himig ng kanyang pananalita at may kaakibat na pagisisi at nangangakong pag-iigihan n’ya ang pag-aaral. Dahil dito muli po akong nabuhayan ng loob at umaasa na sana ito na ang hinihintay kong tagumpay sa aking anak. At sa mga oras na ‘yon ay hindi po ako nagdalawang isip na sabihing,"Oo, anak kahit limang taon pa ako rito para lamang makatapos ka sa pag-aaral ay titiisin ko ang lahat alang-alang sa iyong kinabukasan." Nawa’y, mga KAPUSO, isama n’yo po kami sa inyong panalangin at sa iba pang mga magulang na may mga problema sa mga anak na sana ito na ang simula ng pagbabago tungo sa tagumpay. Marahil sa bawat magulang ay walang ibang hinhangad kundi mapabuti ang anak at may matatag na hanapbuhay. Salat man tayo sa kayamanang material at tanging ito lamang ang ating maipamana, kayamanang hindi maagaw nino man ‘yan ay “Karunungan ng Tao." Marami pong salamat mga KAPUSO. Nawa’y napulutan n’yo ng aral ang totoong pangyayari sa aking pamilya at huwag po tayong mawalan ng pag-asa at lagi po nating tatandaan na ang Diyos ang siyang nagbibigay ng kalakasan sa bawat isa. To God be the Glory. Ramon Aure Taji, Iraq