ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Pagtanaw ng utang na loob


Ako po ay si Raynette ng Pampanga. Nais ko pong ibahagi ang buhay namin noong kami ay bata pa. Lima (5) po kaming magkakapatid at walang permanenteng trabaho ang tatay ko at ang nanay ko ay labandera. Naaalala ko pa, 9 years old pa lang ako alam ko na lahat ang mga gawaing bahay kasi madalas maiwan ang mga kapatid ko sa akin. Ako ang panganay, tapos pag walang pasok at kung gabi tumutulong ako sa mga tiyahin ko na magtinda at maghugas ng pingan. Naglalako ako ng mga lumpia at turon at sa gabi naglalako ako ng ballot. Bibigyan ako ng tiyahin ko ng 5 pesos at masaya na ako siyempre. Kapag walang labadang tanggap ang nanay ko, wala kaming makain kaya pag-uwi namin galing sa school unang ginagawa namin ng kapatid ko hahawakan kung mainit ang kaldero. Kapag malamig, ibig sabihin walang kanin so papasok ulit kmi ng school na walang laman ang tiyan. Hindi ko makakalimutan, isang Pasko wala kami talagang pera kahit pambili lang ng mapapagsaluhan sa gabi pagkatapos magsimba. Mabuti na lang ang kapit-bahay namin binigyan kami ng 1/2 kilong baboy at ‘yon ang inilaga namin. Sa kabila ng hirap, pag-aaral pa rin ang gusto ng nanay ko ang atupagan namin. Pero ako dahil lagi akong absent at talagang ‘di naman ako ganoon karunong, talagang mababa ang mga grade ko pero laging sinasabi ng nanay at tatay ko na mag-aral kaming mabuti dahil madalas ako umiyak dahil na rin sa pagmamaliit nila sa amin at ang hindi maayos na pagtrato sa amin ng mga kamag-anak namin. Noong mag-2nd year high school ako, ipinakiusap ng nanay ko sa asawa ng kapatid niya na mag-drive ang tatay ko at sa awa ng Diyos naging driver ng tiyo kong Amerikano ang tatay ko at makalipas ang isang buwan tinanong ng tiyo kong Amerikano kung gusto ng tatay ko ang pumunta ng Saudi. ‘Di nagdalawang-isip ang tatay ko. Makalipas ang dalawang buwan at naayos na ang mga papeles ng tatay ko at aalis na siya sa susunod na linggo, hindi ko makakalimutan ang araw na ‘yon. Masaya kami dahil magkakatrabaho na ang tatay ko. Agaran ang tatay ko noong pumunta siya sa Saudi pero di pala ganoon ang mawalay sa aming ama lalo na talagang malapit kami sa isa't-isa. Kahit nasa Saudi ang tatay ko, patuloy pa rin ang pakikipaglabada ng nanay ko kasi maliit lang ang sahod ng tatay ko kaya wala pa ang sahod ng tatay ko nautang na namin. Makalipas ang tatlong taon, uimuwi ang tatay ko. ‘Yun ang pinakamasaya, ang makita namin siya subalit two months lang ang bakasyon so lubog na naman kami sa utang pero ‘di kami nawawalan ng pag-asa. Basta pag-aaral ang prayoridad namin.Ang masakit ay ang pangalawang pag-alis ng tatay ko kasi ang una excited kami at siya dahil makakapagtrabaho sa ibang bansa pero sa tuwing aalis na ang tatay ko patungong Saudi ‘di na kami ginigising ng tatay ko pero gigising kami or minsan ‘di na kami matutulog dahil alam namin alalis na ang tatay ko ng madaling araw. Fifteen years ang tatay kong pabalik-balik sa Saudi kaya ‘di namin mababayaran ang sakripisyo ng aming mga magulang mapagtapos lang kami. Ngayon tapos na lahat kami maliban sa kapatid kong lalaki. Ako ay nakatapos ng AB Economics, ang isa kong kapatid isa nang CPA, ang sumunod ay magsusulit sa board exam at ang bunso hinihintay ang resulta sa board exam para sa mga guro. Ang tatay at nanay ko ay hindi ko na sila pinagtrabaho. Nasa Pinas na ang tatay ko, pinadadalhan ko na lang siya. Ako ay nasa Amerika na at nakapag-asawa ng mabait na Puti.kaya lagi kong sinasabi hindi hadlang ang kahirapan sa buhay. Raynette Britten