ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Buhay caregiver sa Kuwait


Hi, Magandang araw po sa inyong lahat d'yan sa GMA7 Kapuso. Ako nga pala si Joel Boquila, 28 years old, isang OFW, kasalukuyang nasa Kuwait, nagtatrabaho bilang caregiver (homecaregiver). One year and 6 na buwan na po ako rito, tagapag-alaga ng dalawang matandang mag-asawa. Taga-Tacloban City po ako. Ako'y naingganyong magsulat o email sa inyo nang sa gayon maibahagi ko naman ang kwento ko sa ibang may planong mag abroad, maging inspirasyon man ito o babala sa mga papuntang abroad, lalong lalo na dito sa Middle East. Naging inspirayon ko po ang mga OFW na naging successful sa abroad kaya po na ingganyo akong mag-abroad. Ang pag-a-abroad ay hindi basta-bastang pag-a-abroad lamang. Nakataya ang buhay at kinabukasan mo at ng pamilya mo dito, lalong-lalo na sa kagaya kong homecaregiver. Nakasalalay sa 'yo ang buhay ng magiging alaga mo. Kagaya ko na dalawa ang alaga ko, 'yung lalaki paralisado ang kalahating katawan. S'ya ay 79 years old na, diabetic at ang myocardial infraction (MI), kung saan bigla-bigla lang maninigaw kung hindi mo naibigay ang gusto n'ya o 'di mo s'ya naintindihan. Kung 'di ka sanay sa ganitong sitwasyon tiyak na maiiyak ka o sasama ang loob mo. Minsan nga sa harapan ng maraming tao ka papagalitan o sisigawan. Ang babae naman ay diabetic din, insulin dependent kaya binibigyan ko s'ya araw-araw ng insulin, hyperthyroidism at dahil din sa kumplikasyon sa diabetes, s'ya ay bulag. Pero 'di naman s'ya alagain masyado kasi nakakapunta pa s'ya ng banyo mag-isa sa edad na 78 years old. Kaya ang maipapayo ko dun sa mga caregiver na katulad ko na makakapag-alaga ng ganitong mga pasyente ay kinakailangang may mahabang pasensya, hindi mainitin ang ulo at lalong-lalo na ang pagiging hardworking. Ang pagiging homecaregiver ay hindi lang sa ka pasyente focus kundi sa lahat o sa palibot ng bahay. Ako'y all around dito, naglilinis ng bahay, taga-pamalengke at iba pa. Walang day-off at fixed ang sahod ko 65KD (10,000+) depende sa value ng dinar. Pero okay lang sa akin 'yun sapagkat masasabi kong lucky ako dito sa pamilyang ito dahil sila'y mababait sa akin at sa mga kasamahan ko sa bahay. Actually 3 Filipino kami dito, dalawa katulong sa bahay. Kahit walang day off okay lang sa amin dito basta allowed lahat sa amin ang gumamit ng telepono, cellphone at computer at may sariling mga kwarto, kasi hindi po kagaya ng iba nating mga kababayan dito na bawal sa kanila lahat ng nabanggit ko. Kaya pasalamat ako/kami na maganda ang trato sa amin dito. 'Yan ang ipinagpapasalamat at hinihiling ko sa Poong Maykapal mula pa sa simula noong nand'yan pa ako sa Pinas na sana makakita ako ng mabait at 'di gaanong alagain na alaga at ibinigay naman din n'ya sa akin. At para masuklian ko naman ang kabaitan ng mga amo ko rito sinusuklian ko naman ng pulidong trabaho at kabaitan ko po sa kanila at masaya rin ako na nare-recognize nila 'yun. Ang pag-a-abroad ay maraming isinasakripisyo kagaya po sa mga mahal mo sa buhay, "lovelife," kaibigan, at pangungulila sa sariling bansa at marami pa, lalo na sa kagaya ko po na tatlo lang kami sa pamilya. Isa lang po akong anak, pinilit kong mag-abroad nang sa gayun makatulong at masuklian ko ang mga paghihirap ng mga magulang ko sa pagpapalaki at pagpapa-aral sa akin makatapos lang sa kolehiyo sa tulong din ng pinsan ko na nasa Jeddah ngayon. Siya ang nagpaaral sa akin sa caregiver at nagbayad ng placement ko papunta rito at hanggang ngayon binabayaran ko pa 'yung nagamit kong pera at utang na loob sa kanila. At isa sa pinakamasakit sa pag-a-abroad kung ito ay 'yung namatay ang tatay ko last Sept. 22, 2007, isang buwan pa lang nakalipas, na 'di ko man lang nakita. Gusto ko mang umuwi pero 'di ko nagawa kasi hindi ako pinayagan makauwi kahit saglit sapagkat walang ibang magbabantay sa mga matanda dito, kaya masakit sa loob ko pero ano magagawa ko 'yan ang isa sa mga consequences ng pag-a-abroad na dapat handa ka sa ano mang mangyari. Kaya sa ngayon po anim na buwan na lang ang pinupunan ko rito at gusto ko nang umuwi kasi naaawa na rin po ako sa nanay ko na s'ya na lang mag-isa sa amin sa edad na 58 years old. Siya lang ang nagbabantay ng maliit naming sari-sari store dun sa barangay namin at 'yun lang din ang hiling na sa akin na umuwi muna at nang sa gayun magkita pa kaming mag-ina. Kaya bilang panghuli, ang maipapayo ko lang sa mga kababayan nating gustong mag-abroad ay kinakailangan may determinasyon ka at physically, emotionally and spiritually stable ka kasi pag wala ka n'yan 'di ka tatagal sa abroad, at 'wag mong isipin ang homesickness kasi normal lang 'yan. Makakayanan mo rin after six months mo dito pag nakapag-adjust ka na at basta may constant communication ka sa family, friends and "lovers" mapapawi rin 'yan. At pagpunta rin dito sa ibayong dagat ay swertehan lang din po kasi 'di natin alam kung ang mapupuntahan mo, lalong-lalo na sa magiging katulong 'di mo alam kung mabait ba 'yung magiging amo mo. Kasi may mga kaibigan din ako rito at kaklase na naranasan ang mga pangbababoy, pagmamaltrato at iba pa. Kaya maraming mga runaway na nasa embahada o sa mga agency na ganun ang mga reason. 'Yung iba naman ay napupunta sa masamang tao nagiging prostitute dito o napapariwara ang buhay. 'Di lang dito sa Kuwait, may ganung sitwasyon kahit sa Abu Dhabi, marami raw din dun kasi may kaibigan ako na nagtratrabaho dun. Kaya maging alerto, magpakatalino at mag-isip-isip kung pupunta ka sa ibang bansa at hindi magsisi sa bandang huli. Maraming salamat po sa inyo at sana po magustuhan niyo ang kwento ko. MABUHAY!!!!! AND MORE POWER SA INYO. Joel