ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Masaya nga bang mag-Pasko sa Pinas?


Masaya kapag Pasko!!! Ito ang katotohanang hindi natin maitatatwa kahit na pa tayo sa ngayon ay hindi na bata. Subalit sana naman itong ating mga kapatid na nandun sa ibang bansa na ngayon ay nangungulila, sana maisip din nila, masarap nga bang mag-Pasko dito sa atin sa Pilipinas? Hindi ba't kung kaya nila nilisan itong ating bansa ay upang mapaganda ang buhay... makaahon sa paghihirap at pagdurusa dahil sa mga kahirapang dinaranas dito sa ating bansa? Hindi ba't ang ilan o maaaring ang karamihan ay nagsangla ng lupa o nagbenta ng alagang hayop upang may magamit papuntang ibang bansa? Masasabi mo bang masarap mag-Pasko dito sa lupang puro kahirapan ang iyong makikita? Masarap bang mag-Pasko sa lupang iniwan mo dahil gusto mong maging maunlad at bigyan ng kasaganaan at kaligayahan ang iyong mga mahal sa buhay? Masarap na nga siguro ngayong mag-Pasko dito sa Pilipinas ang mga kababayan nating nanirahan at nagtrabaho ng ibang bansa dahil nami-miss nila ang mga pagkaing kanilang kinalakihan at kinagisnan na wala doon sa lugar na kanilang pinuntahan. Subalit kung ang sarap at saya ng Pasko ay naroroon sa mga pagkaing tulad ng puto-bumbong, puto't kutsinta, kalamay, bibingka, sinukmani o biko sa iba na maaaring tama sila na masarap mag-Pasko dito sa Pilipinas subalit kung ang titingnan nila ay ibang aspeto siguro hindi na nila nanaisin pang mag-Pasko dito sa atin. Siguro magkakasya na lang silang bumati ng Maligayang Pasko sa Internet via email o via broadband connection o kahit sa celfon na lang. Nanaisin mo pa bang bumalik ng Pilipinas kung andun ka lang sa Manila Pen nagpapahinga ay bigla na lang paaalisin dahil lang bumisita si Sen. Trillanes at Gen. Lim? Nanaisin mo pa bang bumalik sa Pilipinas na bang alam mong maraming walang makain, maraming naghihirap ay malalaman mo na lang na kung mamigay ng pera dun mismo sa Malacanang ay kalahating milyong piso? Nanaisin mo pa bang bumalik sa Pilipinas na sa kabila ng dolyar mong ipinadala ay hindi pa rin halos makaangat ang kabuhayan ng iyong pamilya dahil hindi naman bumababa ang bilihin gayung tumataas ang dolyar. Oo nga pag-uwi mo ay sasabihan kang bayani ng bayan... ipinagmamalaki ng gobyerno dahil sa ipinadadala mong dolyar na nagpapalakas ng piso pero hindi nakatutulong upang lalo mong tulungan ang buhay ng mga mahal mo sa buhay. Mabuti ba sana kung ang gobyerno natin ang gumastos upang sila ay makapunta at makatrabaho sa abroad, hindi naman eh... sila rin ang nagtiyaga para makaahon sa hirap at ang iba pa'y naloloko ng illegal recruiter pero walang magawa ang gobyerno tungkol dito. Ngayon masarap pa bang magpasko sa Pilipinas? Masarap mag-Pasko sa Pilipinas, totoong-totoo 'yan, lalo't kapiling mo ang iyong mga mahal sa buhay. Ang Pasko sa Pilipinas ay masaya lamang kung kapiling mo ang mahal mo sa buhay... kung magkakasama kayong nagsisimba... kumakain... nagkakantahan... nagbibigayan ng mga regalo... nagkukumustahan.... talagang masaya.... subalit kung pag-uwi mo rito ikaw ay mag-iisa rin....sasabihin mong hindi na lang sana ako bumalik....Masaya ang Pasko sa Pilipinas kung hindi ka nag-iisa... MERRY CHRISTMAS AND HAPPY NEW YEAR SA INYONG LAHAT... Onofre Tenorio -GMANews.TV