Pagdiriwang ng Pasko sa nayon
Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa lahat. Noong bata pa ako, napakasaya ng Pasko sa akin at sa aming magkakapatid, pati na ang mga kamag-anak at mga kanayon. Kahit mahirap lang kami, ramdam ko ang sarap pag darating na ang Pasko. Simula sa pagpatak ng Disyembre lahat ng tao sa amin ay kanya- kanya na ng gawa para sa darating na kapaskuhan at kapiyestahan. Lahat ng bahay sa aming nayon at gawa sa kahoy (tabla) at kawayan. Madalang lang bahay na bato. Kung mayroon man, sigurado ang itaas ay gawa pa rin sa kahoy at sa baba lang at bato, kaya ang mga tao ay bayanihan kung maglinis ng bahay. Lahat ay sama-sama nag-iisis (gamit ang iskoba at dahon) ng mga bahay. Kaya bago dumating ang Pasko, lahat ng bahay sa lugar namin ay bago ang hitsura at napakagandang tingnan. Handa na lahat may nakasabit na maliit na parol na gawa sa kawayan at papel de hapon, gawa ito ng mga batang tulad ko at project din sa school. Kung may ilaw ang parol mas maganda, pero marami ang wala kasi walang kuryente sa mga bahay, ilan pa lang ang mayroon noon, lahat halos gasera ang gamit. Sa unang araw ng simbang-gabi lahat halos buong pamilya ay andun, kumpleto mula bata at matanda, kaya puno ang aming kapilya. Pagtapos ng misa, kanya-kanya hila ang mga bata sa kanilang mga magulang para ibili ng mga kakanin, tulad ng suman, puto bungbong, kalamay at lahat halos ng matamis na pagkain ay kumpleto sa harap ng kapilya. Pagkatapos din ng misa ang mga tao ay kanya-kanya ng kwentuhan sa harapan ng mga bahay, kung saan may siga dun nag-uumpukan para mapawi ang lamig at hintayin ang sikat ng araw. Napakasimple ng buhay noon pero ramdam mo ang sarap, ang mga magulang hindi mo makikitang namomobrlema sa darating na Pasko kung ano ang ihahanda. Madalas sa ganitong buwan ay anihan ng palay at tubo, kaya lahat ng mga kabataan o magulang may trabaho sa bukid, manggapas ng palay at tubo. Pagdating ng Pasko mayroon silang mga perang pambili ng panghanda, pampibili ng pamasko sa mga anak at pamigay sa mga ina-anak. Pagsapit ng Pasko, maaga pa lahat ng bata ay bihis na at naglalakad papunta sa isang direksyon, ang punta,sa kapilya. Masaya kaming naghihintay sa pagsisimula ng misa at pagtapos ng isa, wow... tara tayo kay Ninong at Ninang, hindi uso noon ang madaming ninong at ninang, sigurado lang ang dalawa, isa sa binyag at kumpil, kaya alam na namin ang aming mga regalo, sigurado ako apat na piso o kaya ay limang piso... Uso noon ang dalawang pisong papel at iyon madalas ipamigay sa mga tulad naming mga bata. Hindi kaya ay sasabihin ng ninong ko o kumain na ba kayo (sisimangot kami kasi ayaw namin kumain gusto namin pera kaso wala siguro pera kaya pagkain ang bigay) pero kahit ganoon masaya pa rin kami kasi sigurado naman may magbibigay ng pera yong mga kamag-anak namin na namimiyesta, piso kada isa. Naku marami na iyon at marami ka ng mabibili ( 2-piso yata 1-dollar noon) kaya malaki pera na ang piso. Maghapon kaming naglilibot o naka-abang sa mga bisita para humingi ng pamasko o kaya naman sadyang nakatambay para mapansin at bigyan. Pagdating ng hapon,kanya-kanya na kaming bilangan. Payabangan kung sino ang may madaming aginaldo. Ang aming mga aginaldo ay ibinibigay namin sa aming mga magulang para pambili naman ng bagong damit para sa bagong taon at ang matira ay pampanood ng sine kasama ang mga magulang, kasi bakasyon kaya may oras para mamasyal. Napakasaya ng Pasko sa amin dahil kahit tapos na araw mismo ng pasko pakiramdam mo pasko pa rin hangang unang linggo ng Enero. Walang salita na magpapaliwanag kung gaano kasarap ang Pasko at Bagong Taon noon, basta ang alam namin ang sarap ng pakiramdam kasi PASKO. Sana ang mga bata ngayon maramdaman din nila ang naramdaman namin noon pagsapit ng araw ng Pasko. Sabi nga ang Pasko ay para sa mga bata... Maligayang Pasko po sa Lahat ulit.... GNOB ng UAE - GMANews.TV