Walang buhay ang Pasko kung nag-iisa
PAG-IISA SA ARAW NG KAPASKUHAN Pag-bati po sa lahat ng bumubuo ng inyong himpilan! Padating na naman ang Pasko? Pangatlong Pasko na ang daraan na ako'y nag-iisa, malayo sa aking pamilya at sa aking mga mahal sa buhay. Bakit lagi na lang ako nag-iisa kapag Pasko? Naaalala ko pa last Christmas nagsimba ako ng December 24, 2006 nag-iisa ako. Nang marinig ko ang awiting pamasko ayaw ko sanang maluha, pero bakit ganun sinasabi ko lagi na bale wala na ang Pasko para sa akin at para sa aming OFW pero bakit ganun ayaw ko man na maluha pero nung marinig ko ang mga Christmas songs bigla na lang ako nalungkot at napaiyak. Pakiramdam ko nag-iisa ako sa mundo. Pagkatapos ng misa, nag-abang ako ng masasakyan pauwi, nag-iisang naglalakad sa kawalan, ramdam ko ang sobrang lamig ng hangin. Habang naglalakad naiisip ko ang Pilipinas na sama-sama kami uma-attend ng mass kada bdisperas ng Pasko. Nakakalungkot parang walang buhay, ganyan pala talaga pakiramdam kapag nasa malayo ka kapag araw ng Pasko, sobrang lungkot pakiramdam ko nag-iisa talaga ako sa mundo. Pagdating ng bahay wala akong maabutan dahil lahat ng kasama ko nasa labas. Bakit ganun walang mapuntahan, nandito sa loob ng kwarto nakikinig ng mga kantang pamasko, tinatanong ko ang aking sarili at nagdarasal sa Diyos ko, nagpapasalamat po ako sa 'yo dahil binigyan ninyo po ako ng pagkakataon na makapagtrabaho dito sa Doha, Qatar, gawin ninyo po akong maging matatag lalo na ngayung araw ng kapaskuhan na malayo ako sa aking pamilya. Bakit dumarating sa buhay natin ang ganitong pakiramdam ang malungkot lalo na ngayong Pasko? Marami akong naaalala, ang mga kakanin na niluluto ng aking ina, mga lutuing bahay, mga batang nagka-caroling. Ibang-iba talaga ang Pasko sa Pilipinas na kahit na kaunti lang ang handa ninyo sama-sama kayong magpapamilya nagdaraos at nagdarasal upang magpasalamat. Ibang-iba talaga ang Pasko sa Pinas nakaka-miss talaga, ang buhay Pasko sa atin. Dito sa Qatar wala kang mapupuntahan. Siguro okay lang kung nandito ang pamilya mo pero kung katulad sa aking nag-iisa mahirap, malungkot, walang buhay ang Pasko. Sana may makasama na ako ngayong Pasko. Ang mga kaibigan ko tinatanong ko sila ano ba plano ninyo sa Pasko, may mga kanya-kanya silang lakad. Hay naku, ayaw ko na mag-isa sa Pasko, ayaw ko na maramdaman ang matinding lungkot nung unang Pasko ko dito. Sana naman maging masaya ang Pasko ko dito ngayon at sana laging nasa mabuting kalagayan ang aking pamilya, mga kapatid at mga kaibigan at lahat ng tao sa mundo. PARA SA INYONG LAHAT SANA'Y MAGING MALIGAYA ANG INYONG PASKO, AT SANA'Y PAGPALAIN TAYONG LAHAT NG MAYKAPAL NA LUMIKHA SA ATIN. Esor dela merced Doha, Qatar - GMANews.TV - GMANews.TV