ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Sa dulo ng paghihirap, may ginhawa


Greetings to GMANews.TV! Una po sa lahat binabati ko po kayong lahat ng Happy New Year. Ako si Larry Navarro na ngayon ay nandito sa United Kingdom. Gusto ko po sana ikwento kung paano po ako napunta dito sa England. Ako po ay taga-Malabon City d'yan sa Pinas. Ang akin pong pamilya ay talagang sobra ang hirap sa buhay. Pito po kaming magkakapatid at ako ang panganay. Pinilit kami ng aming magulang na pag-aralin kahit na talagang kapos sa pera. Pumapasok nga po kaming magkakapatid na naglalakad lang papungtan ng school at pauwi sa bahay na gutom na gutom. Wala po kasi kaming baon na kahit na kapiranggot na tinapay. Naranasan ko ang magtinda ng banana cue at mamulot ng lata at bote sa basurahan, kahit na makita ako ng mga kaibigan ko na may mga kaya sa buhay. Kasi po ako 'yung taong maraming kaibigan. D'yan lang po ako mayaman at kahit nga po ako'y mahirap lamang ay 'di nila ako iniwasan at kasama nila ako sa mga lakad nila. Kadalasan pa nga dun na ako kumakain sa bahay ng mga kaibigan ko. Masuerte ako sa mga kaibigan kasi kahit na ang mga magulng nila ay talagang mababait, at dahilan nga po sa kahirapan nagkahiwalay po ang tatay at nanay ko. Lima po kaming magkakapatid na naiwan po sa tatay ko. 'Yung pangalawa po naglayas at 'yung bunso kasama ng nanay ko. Kaya kaming lahat ay nahinto sa pag-aaral. At dahil nangungupahanan kami ng bahay, napapalayas at palipat-lipat kami ng bahay na kwarto lang at siksikan kami kung matulog. Kaya ang nangyari po sa akin ay natutong maglasing at mag-marijuana at minsan nga po ay 'di na ako umuuwi ng bahay, nabarkada ako sa iba hanggang sa ako'y masaksak na 'di naman ako ang kaaway. Umawat lang ako. Sa dami kong inabot na saksak ay himala pa ring nabuhay. Buti na lang nandon 'yung mga kaibigan ko na may mga kaya sa buhay (mayaman), sila ang nagdala sa akin sa hospital. Ayaw pa nga akong tanggapin sa hospital dahil sa kalagayan ko. 'Yung isa kong kaibigan ang nagbayad ng ambulansya para madala ako sa ibang hospital at sila ang pumirma. Itinuring nila akong kamag-anak nung araw na 'yon dahil nga wala ang mga kapatid ko at magulang ko at kahit nandon sila ay wala rin magagawa sa dahilan na walang pera. Kinabukasan na, ang daming dumalaw sa aking mga kaibigan at mommy, daddy nila at nag-alok ng tulong. 'Yung isa sa nga mommy ng kaibigan ko, siya pa ang naglilinis ng mga sugat ko, at kahit nasa bahay na ako ay marami pa ring dumadalaw at nagdadala ng pag kain. At minsan nga, isang araw may nagpunta sa akin na puro loko. Ipinangako na isang araw ay dadalhin sa aking harapan 'yung mga sumaksak sa akin at 'di nga nagtagal ay nasa harapan ko na. Tinanong sa akin kung sila nga, ang sabi ko, oo. At alam mo, ang sabi ko PINATATAWAD ko na sila at 'di na ako magdedemanda at kahit na nag-alok sila ng pera nang sumuod na mga araw, dahil nga siguro na kahit muntik kong ikamatay ay napatawad ko sila at hindi ko tinanggap ang pera. Dahil masaya na 'ko sa mga ipinakitang kabutihang mga kaibigan ko, sabi ko nga sa 'yo, mayaman lang ako sa mga kaibigan kahit nga dito sa England marami akong kaibigan na nurses at kuya ang tawag nila sa akin at iginagalang at kahit alam nila na 'di ako nakatapos ng pag-aaral. Ang misis ko nga pala ay nurse kaya ako napunta dito at ganito ang kuento bago ko siya napangasawa. So, nandoon na, pinatawad ko 'yung mga sumaksak sa akin. Sa panahon na inilagi ko sa bahay ay nakapag-isip-isip ako na panahon na para tulungan ko ang tatay ko sa paghahanap-buhay kasi alam mo talagang hirap kami. Minsan nga wala kaming ulam, asin lang o kaya chiharon. 'Yung bang tigpipiso isang plastik nung araw. Nagtrabaho ako para matulungan ko tatay ko at pag-uwi ko maglalaba pa ako ng damit namin dati kasi tatay ko ang naglalaba nung panahon na nagloloko na ako at laging wala sa bahay. At ganon nga ang lagi kong gawa. Taon din ang binilang, nawalan ako ng trabaho kaya't pinalayas na naman kami sa inuupahan naming kuwarto. Awa naman ng Diyos, nakahiram kami ng pang down (payment) sa uupahan naming bahay na malaki ng kaunti. Aparment ba, kasi nga mura naman, at katapat lang ng may-ari. Marami ring paupahan 'yung may-ari at mabait naman kaya lang dumating 'yung panahon na medyo nagalit sa amin dahil nga isa na siguro di kami minsan makabayad ng rent. At isa pang dahilan magkaiba ng paniniwala sa pulitika panahon ksi ng Marcos at Cory. Marcos kami at Cory sila. Simula noon, matabang na ipinakikita na nila sa amin. Sa amin naman kasi wala 'yon. Sila lang naman ang galit lalu na 'yung anak nilang babae, ang sungit, kala mo ba eh dugong bughaw kaya makita ko man sa daan 'di ko binabati. Kaya lalo akong nagsumikap na magtrabaho. Ipinasok ako ng kaibigan ko kaya lang madidistino ako sa probinsya. Ganoon na nga ang nangyari. Malungkot pag malayo ka pala sa nga kapatid at tatay ko kasi nga ako ang panganay. Nagpapadala na lang ako pag may luluwas ng Maynila. Nanghihinayang kasi ako sa pamasahe. Sa halip na ipamasahe ko, ipinadadala ko na lang. Tinitiis ko kahit na missed ko na tatay ko at mga kapatid ko. Isang gabi, nangarap ako na sana makapag-asawa ako ng taga-probinsya na may lupain ba na kahit maliit ba kasi ayaw kong bumalik ng Maynila sa hirap ng buhay, lalu na sa katulad ko na wala namang tinapos na kurso. Dumaan ang maraming araw 'di naman ako nabigo. May naging G.F ako na maykaya sa buhay at maganda. Miss Dagupan nga siya at mahal na mahal niya ako kahit na alam niya ang kalagayan ko sa buhay. Kasi ako 'yung tao na hindi ko ikinahihiya ang kahirapan ko. Alam mo ang sarap ng pakiramdam ko ng mga panahon na 'yon. Ikaw na makatagpo ng babaeng 'di ako ikinahihiya. Dumating nga 'yung araw na magdedebut siya, gusto niyang isa ako sa magsasayaw sa kanya kahit ayaw sa akin ng mga magulang niya. Ayokong masira ang araw na 'yon, hindi ako nagpunta. Nagdahilan na lang ako na maysakit. Ayaw niyang maniwala kasi 'yung pinsan niyang lalaki ay kasundo ko. Ipinaabot ko na lamang 'yung plastik na bulaklak. Nag-isip ako na mahirap pala 'yung ganoon dahil minsan na rin akong kinausap ng mommy na talagang ayaw sa akin at meron pang isang problema, 'yung nanliligaw sa kanya na taga-roon, kaya nagplano ako na layuan na lamang siya. At siyanga pala, may mga naging G.F pa ako sa bawat lugar na nadistino ako. 'Di ko lang malimutan itong isang 'tong dahil mahal ko siya, at umuwi na ako sa Maynila at doon na lang naglagi. Minsan kinausap ako ng tatay (ng buhay pa siya), ang sabi sa akin ba't 'di ka pa mag-asawa. Matanda na raw ako (28), o bakla ka ba? Napagkamalan pa ako na bakla. Ang sabi sa akin, huwag ka nang mamili, kung baga kahit hostess basta mabait at katulad naming mahirap okay na. 'Yun ang gusto ng tatay ko basta mag-asawa na ako. Kaya nang mga gabing nagdaan, lagi akong umiiyak. Naaalala ko 'yung mahal ko sa Dagupan, hanggang sa makalimutan ko na siya. Sumulat pa nga siya sa akin pero 'di na ako nag-reply. Nilibang ko na lang 'yung sarili ko. Pagkatapos ng trabaho ay pinupuntahan ko ang mga kaibigan ko. At bago umuwi, nagdadaan sa SIMBAHAN upang humingi ng kapatawaran, at gayon na rin ng isang himala sa aking buhay. Ganoon ang aking laging ginagawa, at nabalitaan ko na dadalhin sa aming sibahan ang Birhen ng Manaoag, Pangasinan. Lagi akong nagsisimba hanggang sa huling araw ng Birhen ng Manaoag sa aming simbahan, nanalangin ako ng mataimtim na sana'y bigyan niya ako ng isang himala na makilala ko na sana ang babaeng mapapangasawa ko. Umiiyak talaga ako kasi sa dami ng naging G.F ko ay wala akong nakatuluyan kasi karamihan nagdadalawang-isip at ayaw sa akin ng magulang. Ang bait ko naman at kahit na 'yung napangasawa ko, ayaw sa akin. Mas matindi 'to, hindi lang magulang, kapatid, bilas ko at kamag-anak nila. Ganito nga pala 'yon. Nasa simbahan nga ako dahil nga sa huling araw na nga ng Birhen ng Manaoag ng Pangasinan, 'yun nga ang dasal ko na sana ay bigyan niya ako ng himala ng mangyayari sa aking buhay na makilala ko na ang babaeng mapapangasawa ko. At sa aking pagsisimba, pauwi na ako, nasa iskinita na ako, 'di kalayuan sa inuupahan naming apartment, isang babae ang nakasalubong ko. Tinawag ang pangalan ko. Ang sabi, Kuya Larry, at may inaabot sa akin na sulat na galing sa pinsan niyang babae at 'yung sinasabi kong babae ay walang iba kundi 'yung anak ng may-ari ng mga apartment ng inuupahan namin na halos limang hakbang lang ay nandon na ako sa bahay nila. Binasa ko 'yung sulat, pagkatapos kong basahin nabuo sa aking isipan na may gusto sa akin, matagal na pala. Kinabukasan, nagpunta ako sa isa kong kaibigan, sinabi ko nga at ang payo niya sa akin, isang magandang kapalaran na nga raw ang naghihintay sa akin. Nasabi niya sa akin 'yon, alam kasi niya na galit na galit ako sa pamilya ng babae at kahit na doon sa babae. Pero nakumbinsi nila ako kaya niligawan ko na at kaya pala ako nagkalakas ng loob na ligawan nang mga panahong 'yon ay wala 'yung mga magulang niya, nasa America. Hanggang sa mabuntis ko na nga siya at nagpakasal kami ng lihim sa huwes at naglaon nalaman din dahil lumaki na ang tiyan. Ang tatay ko naman ang nagkaproblema sa pangkasal ko sa simbahan, sa gagastusin ba. Nag-resign ang tatay para bayaran siya ng kumpanya at 'yun ang pinanggastos at tinulungan naman ako ng biyenan ko na lalaki. Mabait pala at 'yung dalawa ko na bayaw na nasa America. Hanggang sa nag-abroad na ang misis ko dito sa United Kingdom at ngayon may tatlong car at may sariling bahay dito at sa Pilipinas na mga apartment at nakapagpaaral pa ako ng kapatid at nakapagtapos. Alam mo, nanghihinayang lang ako, namatay ang tatay ko. Hindi na niya inabot itong kahit kaunting karangyaan na meron na ako. Lagi pa rin akong umiiyak pag naalala ko ang tatay ko kasi 'di niya kami pinabayaan. Nakita ko ang paghihirap niya para lang may makain kaming magkakapatid. Hanggang dito na lang. Nawa'y magustuhan n'yo ang kasaysayan ko na habang may buhay may pag-asa. Araw-araw lang nating isama sa buhay natin ang PANGINOONG HESUKRISTO NA MAY LIKHA SA ATIN at LAGING MANALANGIN. SALAMAT po, Larry Navarro ng ENGLAND at MALABON - GMANews.TV