Wagas subali't maling pagmamahalan
Contractual relationship. Ano nga ba ang salitang ito? Ano ba ang ibig sabihin nito? Salitang contract, parang kapag OFW ka may two years contract ka, 'di ba? Na ang ibig sabihin ay ito ang haba ng panahon na pwede kang mag-stay sa trabaho mo. Meron tayong kontrata. Ito ang haba ng panahon na dapat nating tapusin sa ayaw mo o sa gusto. Ano naman ang tinatawag na contractual relationship? Itong salitang ito ay mga nangyayari sa karamihan nating OFW na may mga panandaliang relasyon, relasyon na hindi pang habang-buhay. Hindi natin masisisi ang maraming taong pumapasok sa ganitong relasyon, ang tinatawag na contractual relationship. Madalas na nangyayari ito sa mga kababayan natin na OFW. Hindi natin masisisi ang bawat tao kung bakit nagkakaroon ng ganitong klaseng relasyon. Dahil kapag isa kang OFW, malayo ka sa pamilya mo, nararamdaman mo ang sobrang lungkot at pangungulila sa mga minamahal mo sa buhay. Minsan sa sobrang lungkot mo, nakakaramdam tayo ng salitang depression, homesick, self-pity, sadness, lahat ng emotion ay nararamdaman natin. Nang dahil sa ganyang emotion at malayo tayo sa mga mahal natin, diyan nag-uumpisa na maghanap tayo ng taong makakausap natin, taong makakasama natin, taong magpapasaya sa atin, taong magbibigay sa atin ng importansya at pagpapahalaga habang malayo tayo sa mga mahal natin sa buhay. Diyan na pumapasok ang salitang contractual relationship?. May pamilya na naiwan sa Pilipinas na may karelasyon sa ibang lugar kung saan siya nagtatrabaho. Maraming taong pumapasok sa ganitong sitwasyon dahil katulad ng sabi ko, naghahanap tayo ng taong makakasama natin habang malayo tayo sa ating pamilya. Pero kung iisipin natin na kapag pumasok tayo sa ganitong relation lalo na kapag committed na tayo, kailangan alam natin kung papaano tayo lalabas, alam natin ang limitation natin at handa tayong tanggapin na ang ganitong relation ay hindi pang-habang buhay. Darating ang oras at panahon na sa ayaw man natin o gusto maghihiwalay tayo. Minsan sa ganitong sitwasyon marami din ang mga pamilyang nasisira dahil pakiramdam nila ay malayo na sila sa kanilang pamilya at hindi na nila kailangan ito. Syempre tao lang tayo na may nararamdamang ganitong klaseng pakiramdam na nagmamahal tayo kahit alam na nating bawal at alam na natin na masasaktan tayo, at alam natin na walang patutunguhan ang ganitong relation dahil alam natin kung anong meron tayong pananagutan sa buhay. Iba't- ibang kwento ng mga OFW na may mga ganitong klaseng relation, contractual relationship, na pagdating sa Pilipinas wala na. Parang kontrata sa trabaho na kapag natapos na wala na. Naaalala ko tuloy nung una akong umibig sa isang lalaking committed na, may isang anak pero hindi pa siya kasal sa kanyang asawa. Nagkakilala kami 23 taong gulang ako at siya ay 36. 'Di ba ang laki ng agwat ng edad namin pero sabi nga "age doesn't matter," 'di ba? Nagkita kami sa isang restaurant na kinakainan ko sa bansang Bahrain. Hanggang nagkakilala kami. Isang bagay ang nagustuhan ko sa kanya, ang pagiging totoo niya sa sarili niya kaya kahit alam kong mali ay minahal ko pa rin siya. Pagtanggap sa katotohanan Nang umpisa pa lang ay sinabi na niya sa akin kung ano meron siya. Syempre tao lang tayo na nagmamahal at kahit bata ako at dalaga, tinanggap ko siya ng buong buo at sa kadahilanan na rin na malayo ako sa aking pamilya. Nagkaroon kami ng relation at dahil sa hindi ganun kahigpit sa aming kumpanya ay nakisama ako sa kanya. Matagal din ang aming naging relation dahil sa masyado niya akong inalagaan. Para niya akong baby na binibigyan ng pag-aalaga, pagpapahalaga, at pagmamahal. Pero nung bago ako pumasok sa ganitong relation ay inihanda ko na ang aking sarili na masasaktan ako at hindi pang-habang buhay ang relation namin at any time ay pwede siyang mawala sa akin. Masaya kami na magkasama, halos wala kaming pinag-aawayan. Lagi niya nga sa akin sinasabi na maraming salamat daw sa unconditional love na ibinibigay ko sa kanya. Maniwala kayo't sa hindi wala kaming bagay na pinag-awayan. Dahil umpisa pa lang ay tanggap ko na kung ano meron siya, kaya alam ko kung saan ako lulugar. Wala akong bagay na hiningi sa kanya o ipinagawa para sa akin. Masaya na ako na kasama ko siya, na nagmamahal sa akin na kahit alam ko na ang pagmamahal na 'yun ay hindi pang habang-buhay. Grabe ang saya ng pagsasama namin. Para ko siya naging isang kaibigan, matandang kapatid at lover. Sobrang lalim ng pinagsamahan namin. Ang bonding namin kulang na lang talaga ay kasal sa aming dalawa. Magkasundo kami sa lahat ng bagay kahit bata ako sa kanya ay full support siya sa mga ginagawa ko. Lagi siyang nasa tabi ko kung ano gusto kong gawin. Kapag may problema ako siya ang unang taong nakakaalam, sa kanya ako umiiyak. Wagas na pagmamahal Ang dami rin naming plano na kung iisipin mo ang gaganda ng mga plano na 'yun, mga planong dapat pang habang-buhay. Sobrang mahal ko siya dahil siya ang una kong nakilala at naging boyfriend sa Bahrain. Siya din ang taong nagpapalakas ng aking kalooban ganun din naman siya sa akin. Ipinaramdam niya ang tunay niyang pagmamahal sa akin kaya minahal ko siya dahil sa pagiging totoo niya, at totoo rin talaga ang kasabihan na kahit ano pa siya at kahit ano meron siya kapag mahal mo tanggap mo siya. Mapagmahal at maalalahanin,siya ang lalaking hindi marunong tumalikod sa responsibidad. Sabay kami lagi ng off. Kapag magkasama kami meron kaming sariling mundo. Masaya kami lagi na nag-uusap, nagtatawanan nagkukwentuhan sa mga pangyayari sa aming trabaho. Wala siyang isinisikreto sa akin. Lahat ng nangyayari kahit sa asawa niya at anak ikinukwento niya. Sobrang martir ko kahit deep inside sobrang nasasaktan ako okey lang dahil mahal ko siya. Sabi ko nga sa kanya, niloko ko siya na sabihin mo sa asawa mo huwag siya magseselos kung may malaman man siya kasi inaalagaan lang kita para sa kanya, at isa pa hindi kita aagawin sa kanya, alam ko ang pinasok ko kaya alam ko kung papano ako lalabas. Sa totoo lang nung pinasok ko iyong sitwasyon na iyon, sabi ko sa sarili ko mali ito pero mahal ko siya pero hindi ko hahayaang masira ang pamilya niya nang dahil sa akin. Kaya naman doon niya ako lalong minahal dahil unconditional love daw ang pagmamahal ko sa kanya. Pansamantalang paghihiwalay Hanggang sa aming dalawang taong pagsasama kailangan niyang umuwi para magbakasyon pero bago siya umuwi kinausap niya ako na gusto daw ng asawa niya na magpakasal sila kahit sa huwes. Masakit nang marinig ko iyun pero isa lang ang sinabi ko, tama 'yan magpakasal kayo kasi mahirap lumaki ang bata na walang ama o sira ang pamilya, kaya okey lang sa akin. Tutal bata pa ako marami pa akong pagkakataon, sinabi ko sa sarili ko. Niyakap niya ako ng mahigpit na mahigpit, sabi niya sa akin na sobrang bait ko raw, wala daw katulad kaya naman mahal na mahal niya daw ako 'Yan ang problema sa akin na kahit alam ko na nasasaktan na ako okey lang huwag lang ako makasakit ng ibang tao. Lalong lalo na ayoko makasira ng pamilya hanggang umuwi siya at bumalik na kasal na sila, nagsasama pa rin kami pareho lang walang nabago. Hanggang isang araw, pakiramdam ko mahal na mahal ko na siya parang ayoko nang magkahiwalay kami, at nag-umpisa na akong mag-isip sa magiging future ko. Sabi ko sa sarili ko, 26 pa lang ako, bata pa at isa pa kawawa naman ang magiging anak ko kapag naging kami habang buhay dahil magiging mistress lang niya ako at manglilimos lang ng oras ang magiging anak namin. Paglabas sa masalimuot na relasyon Unti-unti na akong nag-isip ng magiging buhay ko hanggang tumagal kami ng apat na taon. Hanggang dumating sa oras na nagdesisyun na ako na umiwas sa kanya. Apat na taon ang aming pagsasama at apat na taon na kontrata ko rin sa aking trabaho. Kinausap ko siya, sabi ko sa kanya na hindi na ako masaya sa trabaho ko napapagod na ako. Pero ang totoo ay masyado na akong nasasaktan sa relation namin, at napapagod na rin ako na maging martir. Dahil sabi ko gusto ko siya makasama habang buhay pero hindi naman siya magiging akin habang buhay, hiram lang! Ayokong manghiram habang buhay. Sabi niya sa akin kung ano daw ang desisyun ko? Sabi ko sa kanya na magre-resign na ako at hindi na ako babalik. Bakit ganun hindi ko masabi ng diretso sa kanya na ayoko na, masyado na ako nasasaktan, dahil siguro ayaw ko siya masaktan at ma-guilty dahil alam ko naman na masasaktan ako pero pinasok ko pa rin kaya wala akong ibang sinisisi kung hindi ang sarili ko. Hanggang sa nakauwi ako sa Pilipinas. Sa kabila noon hindi ko binigla ang pakikipaghiwalay ko sa kanya , hanggang after two months umuwi na rin siya. Iniwan niya ang magandang trabaho niya. Sabi niya sa akin hindi daw niya kayang mawala ako sa kanya. Mahal na mahal daw niya ako. Nagsabi siya na gusto niya daw magkaanak sa akin pero sabi ko sa kanya hindi pwede. Ayokong maging kawawa at lumaki na walang ama ang aking magiging anak at ayoko na makasakit. Syempre noong umuwi siya doon siya sa pamilya niya umuwi, sa anak niya at asawa. Doon ko naramdaman ang sobrang sakit na nagpatibay sa aking desisyun na kailangan ko nang putulin ang sakit at relation namin. Paghahanap ng sariling kapalaran sa Dubai Inilihim ko sa kanya na nag-aapply ako papuntang ibang bansa sa Dubai hanggang nakaalis ako. Bago ako umalis, nagkita kami at nag-usap. Doon ko siya nakitang humagulhol. Sa tanda na niyang 'yun nakita ko na grabe humagulhol. Papaano daw ang mga plano namin? Sinundan daw niya ako dahil ayaw niya akong mawala sa kanya. Tinanong pa niya kung magkano ang susweldohin ko at siya na raw ang magbibigay sa akin. Kinausap ko siya ng maayos na kung talagang mahal niya ako palalayain niya ako. Pabayaan niya akong hanapin ang sarili ko at kaligayahan sa buhay. Hayaan niya akong hanapin at makatagpo ng taong magpapasaya sa akin habang-buhay, ng taong masasabi kong akin habangbuhay. Yumakap siya ng mahigpit na mahigpit sa akin, at nagsabi na mahal na mahal kita pero ayokong hadlangan ang bagay na makakapagpasaya sa 'yo. Sa totoo lang hindi ko siya kayang ipaglaban dahil ayaw ko i-give up ang family ko para sa kanya, at masyadong mataas ang expectation sa akin ng family ko. Kaya kahit mahal na mahal ko siya i-ginive up ko siya pero siguro kung hindi pa siya commited at walang anak baka pang habang-buhay na ang aming relation. 'Yun lang naman ang bagay na humadlang sa akin. Naisip ko na baka masira ko ang kanyang pamilya, kawawa naman ang kanyang anak. Ayoko na ako ang maging dahilan ng pagiging broken family nila. Sobrang sakit ang naramdaman ko. Pakiramdam ko namatayan ako. Ilang buwan din ang lumipas na iyak ako nang iyak gabi-gabi. Walang ngiting makikita sa aking mga mata, lagi ko iniisip ang aming nakaraan, ang aming masayang pagsasama, mga Pasko at Bagong Taon na nagdaan na kami'y magkasama. Ganun pala kapag naghiwalay kayo na hindi kayo nag-away. Ang hirap tanggapin kasi puro good memories ang maaalala mo. Sabi ko dapat nagkahiwalay na lang kami na nag-away kami na hatred ang naramdaman ko para madali ko siyang makalimutan. Laging tanong sa isip ko bakit hindi ko siya makalimutan hanggang ngayon. Tatlong taon na rin ang lumilipas bakit hindi ko pa rin kayang magmahal at magtiwala ulit. Naka-move on na ako, tanggap ko na na wala na kami pero parang peklat 'yan na hindi na maalis sa puso at isip ko. Pero kahit anong sakit ang naramdaman ko nagpapasalamat ako kasi naging bahagi siya ng buhay ko. Nagmahal ako at naging matatag ako sa pangyayaring iyon. Nakilala ko ang sarili ko at doon ko lubusang naintindihan ang salitang pagmamahal. Kaya pag nagmahal tayo na sa umpisa pa lang alam na natin na hindi pwedeng pang habang-buhay ang pagmamahal na iyun, kailangan maging handa tayo na masasaktan tayo, maging handa tayo na ang pagmamahal na iyun ay hindi pang habang-buhay, at kailangan kapag pinasok natin 'yan alam natin kung papano tayo lalabas. Hanggang ngayon ay nag-iisa ako, naghihintay na sana ay may dumating para sa akin, ang taong magmamahal ng tunay at pang habang-buhay, lalaki at pagmamahal na masasabi kong akin. Pero alam ko na ang Diyos lang ang nakakaalam ng lahat. May maganda siyang plano para sa akin. Ang nangyari sa akin ay isa lang matinding pagsubok na nagturo sa akin kung papaano ako magiging matatag. Marie Bernal Dubai - GMANews.TV