ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Pag-aasawa, kailan ba dapat?


BUHAY PAG-AASAWA May kasabihan na ang buhay pag-aasawa kapag pinasok mo hindi ito parang mainit na kanin na isusubo at kapag napaso ka pwede mong iluwa. Para sa akin ito ang napakahalagang bagay na dapat pinag-iisipang mabuti at ipinagdarasal bago mo gawin, ang pagpasok sa buhay may-asawa. Maraming mga taong nagtatagumpay sa buhay pag-aasawa at marami din namang nabibigo. Kapag pumasok ka sa buhay pag-aasawa maraming bagay ang mababago sa 'yo. Maraming bagay ang pwede mong talikuran at kalimutan. Marami ring pamilya ang nasisira kapag sila'y nagkakalayo, maraming hindi nagkakasundo. Iba't-ibang kwento sa buhay may asawa. Naaalala ko ang isa kong kaibigan noong dalaga siya, sakit ng ulo ng kanyang magulang walang ginagawa, pinag-aral pero puro lakwatsa ang ginawa, hanggang pinili niya ang buhay pag-aasawa na hindi niya pinag-isipan. Isang bagay ngayon ang sinasabi niya kung maibabalik ko lang ang nakaraan itutuwid ko lahat ang aking pagkakamali. Marami sa atin ang nag-aasawa sa hindi tamang panahon. Akala nila na ang pag-aasawa ay sagot sa kanilang problema, akala nila ganun kadali ang buhay may asawa. Masasabi mo lang na tagumpay ang buhay pag-aasawa kapag nakatagpo ka ng taong makakasama mo sa hirap at ginhawa, sa lungkot at saya, taong magiging tapat sa 'yo sa lahat ng bagay, magmamahal sa 'yo habang buhay at taong may takot sa Diyos. Dapat kapag pumasok tayo sa buhay may asawa handa tayong talikuran ang nakaraan natin, handa tayong tanggapin ang mga bagay na posibleng mangyari, at handa tayo sa mga pagsubok na darating sa ating buhay. Handa tayong harapin ang magiging buhay natin at handa tayong tumayong maging mabuting magulang ng ating magiging mga anak. Kumbaga sa libro kapag pumasok tayo sa buhay may asawa, pumapasok na tayo sa pangalawang pahina ng ating buhay. Kailangan handa na tayong ibigay ang ating buhay sa taong makakasama natin. Sa pagpasok sa buhay pag-aasawa dito natin mararanasan ang maging magulang. Dito natin mararamdaman ang hirap ng ating ina at ama sa pagpapalaki sa atin. Para sa lahat, mahalin natin ang ating magulang dahil sa kanila, kaya nandito tayo sa mundong ito. Huwag natin sayangin ang panahon na sila'y ating mapaligaya at gawin natin ang mga bagay na makakapagpasaya sa kanila at huwag natin palampasin ang panahon na masabi natin sa kanila kung gaano natin sila kamahal. Lagi nating iisipin lahat tayo ay darating sa buhay pag-aasawa, mararanasan natin ang buhay ng pagiging magulang. Kailangan natin maging magandang ehemplo sa ating magiging mga anak. Kung handa ka na sa mga bagay na 'yan, pwede ka nang mag-asawa. Rose Dela Merced Doha, Qatar - GMANews.TV