ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Ikaw pa rin ba si Juan dela Cruz?


Sa iyo Juan dela Cruz, Magandang araw sa iyo kung maganda nga ang araw ninyo diyan sa Pilipinas kahit kabi-kabila ang mga kontrobersya at ingay ng mga protesta mula sa ilang sektor na sumisigaw ng pagbabago. Ako, dito sa Singapore, maganda naman ang araw bagamat malungkot dahil sa nangyayari diyan sa atin. Teka nga pala, bago ang lahat, ikaw pa rin nga ba si Juan dela Cruz na dati kong kakilala? Iyong Juan na matapang, may paninidigan at 'di kayang bayaran? O baka naman pati ikaw nagbago na rin.. Sana hindi. Alam mo, matagal-tagal na rin pala akong nawala diyan sa atin noh? Mantakin mo, nung umalis ako papunta dito sa 'gapore, ang palitan ng piso sa US dollar ay 54. Ngayon daw 40 na lang. Ang galing noh? Lumalakas ang piso. Siguro ang dami mo nang pera diyan kasi malakas na ang piso. Malaki na ulit ang halaga ng pera mo. Masarap na siguro lagi ang inuulam mo. Dati kasi, pa-galugalunggong ka lang. Baka ngayon pa-baka baka ka na. Baka sakaling sumobra ang pera mo diyan dahil sa lakas ng piso, padalhan mo naman ako ng kaunti. Kasi 'yung sinasahod namin dito eh nabawasan na ang halaga simula nung lumakas ang piso. Nahihirapan na tuloy ang mga mahal ko diyan na pagkasyahin yun sa panggastos. Dati kasi, pag nagpadala ako ng 500 Singapore dollar nagiging 15000 pesos pero nung lumakas ang piso, naging 14000 na lang. Sayang din yung 1000 pesos, pambayad pa naman sana yun sa kuryente na kay taas ng singil dahil sa lintek na IPP. Maiba nga pala ako, kumusta naman ang pamamalakad ng Pangulo ng bansa natin? Si PGMA baga. Maayos ba naman? Nung umalis kasi ako diyan, parang walang gobyernong nagpapatakbo ng bansa eh. Isipin mo, ang tinatanggal sa sahod ko na tax daw ay 32% tapos paglabas mo ng bahay, ang kalsada bukod sa baku-bako na, marumi pa. 'Yung poste ng ilaw dun sa may kanto ng lugar namin, tatlong taon na atang pundi. Tapos 'yung pamangkin ko, nagrereklamong wala raw librong ibinibigay sa eskuwelahan nila samantalang public school 'yun. Saan kaya napupunta 'yung mga kinakaltas sa ating mga empleyado? Dagdag mo pa 'yung 12% na E-Vat. Parang ninanakawan ako kada araw ng sahod. Pambili pa naman 'yun ng gatas ng anak ko. 'Yun nga palang NBN-ZTE na isyu, ano nga pala ang masasabi mo tungkol dun? Kasi tuwing ite-text kita tungkol dun, lagi mong sinasabi na ayaw mong makialam dun at wala ka namang mapapala. Pero sa pagkakaintindi ko, 193M US dollar daw 'yung kupit nila FG at Abalos dun ah. Malaki-laki rin 'yun ah. Napanood ko 'yung mamang malapad ang noon. 'Yun bang tinawag ni Apostol na probinsyanong Intsik, si Lozada. Alam mo, sa tingin ko lang ha, engineer na engineer talaga siya at walang bahid ng pagiging pulitiko. Pati mga pambabara niya kina Razon, Atienza, Joker, Bautista at Abalos, engineer na engineer ang dating. 'Di 'yun nagsisinungaling. Tingin ko lang naman iyan. Pero alam mo Juan, nagtataka ako sa iyo. Dati rati, aktibo ka sa mga kilos-protesta. 'Di mo pinalalampas ang mga pangungurakot at pamababalahura ng gobyerno sa iyo. Marunong kang manindigan. Inggit nga sa iyo 'yung mga tao sa ibang bansa eh. 'Di ba't ikaw ang pinamarisan nung mga nagprotesta sa Tsina sa Tiananmen Square ba 'yun? Sikat ka dati pagdating sa paninindigan laban sa pambabastos at pambababoy ng gobyernong corrupt. Pero bakit ngayon, ganyan ka na? Tahimik. Ayaw makialam. Takot na baka masaktan sa mga kilos-protesta. Nakakapanghinayang. Ang dalangin ko lang Juan, sana may lumabas na bagong Juan na dala 'yung ugali mo dati. 'Yung nakikipaglaban para sa kung ano ang tama. 'Yung di papayag sa pambubusabos.. 'Yung nagpapahalaga sa kanyang kinabukasan. Siguro, 'di na Juan ang magiging pangalan niya. Baka Pedro na o Kanuto. Ang mahalaga, 'yung ugali ng Juan na dati kong kilala, nasa sa kanya. Sige na, baka naiinis ka na sa haba ng sulat ko. Alam ko ayaw mong maistorbo ka sa panonood mo ng Marimar saka Coffee Prince. Pero sana lang, manood ka rin ng Saksi ha para maintindihan mo naman ang mga isyu at baka sakali, magising na 'yung dating Juan na nasa loob mo. Ingat lagi sa magnanakaw. Laluna sa pulis. Baka ma-kidnap ka. Ang iyong Kapuso, Federico - GMANews.TV