Irespeto ang mga domestic helper
Mainit po na pagbati sa lahat ng bumubuo ng inyong himpilan GMANews. Malaki po ang naitutulong sa aming mga OFW ang inyong programa. Nagkakaroon po kami ng mga ideas, kaalaman kapag nababasa po namin ang mga buhay-buhay ng mga OFW. Itong liham na ito ay para sa iba nating kababayan na nakakalimot kung saan sila nanggaling. Sa ating bansa ang tawag sa ating mga OFW ay BAYANI ng ating bansa. Pero para sa akin, ang masasabi ko na tunay na bayani ay ang mga OFW na nagtatrabaho bilang isang Domestic Helper or DH. Marami rin sa ating mga kababayan ang umaalis bilang isang DH lang o nangangatulong lamang dahil na rin sa hirap ng buhay sa ating bansa. Tinatanggap nila ang kahit maliit na sweldo dahil ang iba sa kanila ay ito lang ang alam na trabahong pwede nilang pasukan, ang mag-DH. Dahil na rin sa hirap ng buhay sa atin, hindi sila nakapag-aral kaya ang pagiging domestic helper lang ang kanilang pinapasukan. Dahil alam nila na isang marangal na trabaho ang pagtatrabaho bilang isang Domestic Helper, maraming mga kababayan natin ang nasasawi at marami rin naman na sinuswerte sa kanilang mga amo. Pero karamihan sa ating mga kababayan na DH ay minamaltrato ng kanilang mga amo, 15 oras nagtatrabaho, walang day-off. At yung iba pa ay nakararanas ng pagmamalupit ng kanilang amo. Meron naman na ibang kababayan na Filipina rin ang kanyang amo pero kung ituring siya ay parang isang basahan, parang hindi tao. Hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang karanasan ng isa nating kababayan na nagtatrabaho bilang isang domestic helper dito sa Middle East sa bansang Qatar. Nag-aaplay pa lang si âMaria" sa Pilipinas bilang domestic helper, mayroon siyang pinagpilian na dalawang employer. Isang pamilya ng Arabo at isang Filipina na nakapang-asawa ng isang Jordanian. Naisip ni Maria na piliin ang employer na Filipina sa pag-aakalang mabait ito dahil kababayan at kapwa Filipina. Umalis si Maria sa edad na 28 upang tumulong sa kanyang magulang na nasa probinsya sa Ilo-ilo. Tinanggap niya ang sahod na 600 Qatar riyals, 2 years contract. Nang makarating siya sa bansang Qatar nagulat siya sa kanyang nadatnan. Medyo malaki ang bahay at may tatlong kwarto at dalawang bathroom. Isang batang lalaki na edad na 10 at mag-asawa lang ang kanyang makakasama â ang Filipina at asawa nitong Jordanian. Naisip niya na hindi na siya masyadong mahihirapan dahil kababayan na Filipina ang magiging amo niya. Pero malaking pagkakamali ang kanyang inakala. Ang trabaho niya ay 15 hours a day, walang day-off, nakakulong lang sa bahay, hindi pwedeng lumabas, bawal ang cellphone, maam ang tawag niya sa Filipina, at kapag nakakabasag siya ng gamit ay kaltas sa kanyang sweldo. Kumakain siya pagkatapos kumain ang kanyang amo. Kapag nagsa-shopping sila at kailangan niyang bumili ng kanyang personal na gamit katulad ng sabon ay kailangan ipagpaalam pa niya ito sa kanyang madam na Filipina. Kahit sa pagligo ay dinidiktahan siya ng kanyang amo na babae. Napakabait na bata ni Maria, hindi man lang siya nagrereklamo na wala siyang day- off - na ang trabaho niya ay sobra- sobra sa oras. Minsan siyang sumagot sa kanyang amo na babae dahil siya'y nasa katuwiran, ito ang binanggit ng kanyang among Filipina: " Huwag mo akong sasagutin, wala kang karapatan sumagot dahil katulong lang kita, pinapasweldo kita kaya magtrabaho ka." Nakakaawang bata kung makikita mo siya na halos puro kalyo at sugat ang kanyang kamay dahil sa pagkiskis ng mga floor na tiles ng banyo araw araw. Masyadong perfectionist ang kanyang amo na kung malalaman mo ay sa hirap din naman siya nanggaling. Kung ituring niya si Maria ay parang basahan na kailangan sulitin ang 600 QR na pinapasweldo sa kanya at lahat ng galaw niya ay binabantayan. Nang makita ko si Maria ay nakukuha pa niyang ngumiti. Nang umabot si Maria ng walong buwan ay nagpapaalam na siya ng maayos sa kanyang amo na pauwiin na lang kahit siya na lang ang magbabayad ng kanyang ticket. Pero sinagot siya ng kanyang madam na Filipina na, âPwede kitang ipakulong, hindi ka pwedeng umalis hanggaât hindi mo natatapos ang kontrata mo." Nagpaalam si Maria dahil sa kabila ng trabahong kanyang ginagawa ay hindi pa rin sapat sa kanyang among babae. Araw- araw maririnig mo ang boses, utos dito, utos doon. Utos ng anak, utos ng asawa. Kulang na lang ay subuan niya ang kanyang mga amo lalong-lalo na ang kanyang among babae na Filipina. Para sa akin hindi dapat tinatrato ang katulong na parang basahan - na parang ibang tao na sasabihin mo lang katulong ka lang. Isa rin yang OFW na kaya nagpapakahirap upang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya. Kaya para sa akin, isa si Maria na tunay na BAYANI dahil sa kabila ng hirap na nararanasan niya sa kanyang mga amo - lalong-lalo na sa Filipina ay wala kang reklamo na maririnig. Nagdarasal na lang siya na sana bumilis na ang takbo ng panahon nang sa ganun ay makauwi na siya sa kanyang pamilya. At para naman sa iba nating kababayan na may mga katulong na kapwa Filipina - sana huwag tayo maging mataas. Huwag natin maltratuhin ang mga katulong na hayop - na parang pinaparamdam sa kanila na wala silang puwang sa mundong ating ginagalawan. Parehas lang natin silang OFW na ang pinagkaiba lang ay nasa lower position sila at iba lang ang kanilang trabaho. Bilib ako sa mga DH nating kababayan dahil kahit alam nilang mahirap magtrabaho bilang domestic helper, nagtatrabaho pa rin sila dahil alam nila na ito'y isang marangal na trabaho. Minsan maswerte ang mga kababayan natin na nakakatagpo na mabuting amo na itinuturing silang pamilya hindi katulong. At kung minsan mas mabuti pa na maging amo mo ay ibang lahi kaysa sa kapwa Filipino. Naisip ko, anong klaseng Filipina itong amo ni Maria? Kahit maliit na bagay ay napapansin niya. Parang reyna na pag-uwi galing sa trabaho ay uupo na lang at puro utos kay Maria. Kahit ang bagay na pwede naman niyang gawin ay iuutos pa. Nakaaawa ang pobreng batang si Maria. Gabi-gabi na lang ay umiiyak dahil sa sakit ng kanyang katawan. Hindi makatulog ng maayos dahil kapag may hinahanap ang kanyang madam kahit simpleng bagay ay gigisingin pa siya upang hanapin ito. Kayo ba na makakabasa nito, ganito ba ang pagmamaltrato sa isang katulong ang pagtrabahuin mula 6 ng umaga hanggang 9 ng gabi? At kung may kasiyahan pa ay hanggang 12 ng gabi, walang day-off, bawal ang cellphone, kahit na personal na gamit ay kaltas pa sa 600 QR na pinapasweldo sa kanya? Sa tingin nâyo ba ugali ng Pinoy ang ganitong ugali? Sabagay, marami rin ang taong parang langaw na makasakay lang sa kalabaw, mas mataas pa sa kalabaw- na akala mo kung sinong mataas at kung sinong Santo kung magtrato ng tao. Kaya para kay Maria, hanggaât kaya niya ay magtatrabaho na lang siya. Nagdarasal na sana'y matapos niya agad ang 2 taon kontrata niya sa kamay ng kanyang amo na Filipina. At sa iba nating kababayan, sana huwag natin gayahin ang ibang lahi na kung tratuhin nila ang kanilang mga katulong ay basahan, tanga, walang utak. Kaya marami rin sa kababayan natin ang nakakagawa ng hindi maganda dahil na rin sa hindi nila matiis ang pagmamalupit at pagmamaltrato sa kanila ng kanilang mga amo. Marami pong salamat at sana po ay mailathala ninyo itong aking sulat. Ang inyo pong Kapuso, Ms. Rose Dela Merced Doha, Qatar Mga Kapusong Pinoy! Nagpapasalamat po kami sa patuloy ninyong pagtangkilik sa ating Pinoy Abroad section ng GMANews.TV. Nakakataba ng puso ang inyong pagtitiwala na ibahagi ang inyong saloobin sa ating Kwentong Kapuso na tunay naman nagbibigay ng inspirasyon at kinapupulutan ng impormasyon ng ating mga kababayan. Kaya muli po, iniimbitihan namin kayo na patuloy na magpadala ng inyong maikling kwento, tula, awitin, litrato, at iba pang sariling katha tungkol sa iyong karanasan. Hindi natin alam baka kapulutan pa ito ng aral ng iba nating Kapuso na nasa ibang bansa o nagbabalak pa lang makipagsapalaran sa labas ng Pilipinas. Maaaring ang inyong ibabahagi ay magsilbing inspirasyon sa mga kababayan natin nalulungkot at nangungulila sa kanilang mahal sa buhay. Ito ang pagkakataon na makapagkwento ka, magbahagi ng inyong pananaw o magpaabot ng iyong saloobin. Masaya, malungkot, tungkol sa tagumpay o kabiguan o kahit wala lang...makapag-kwento lang at magkaroon ng pagkakataon na makipag-ugnayan sa ating mga kababayan saan man dako sa mundo. Kaya ibalita na sa ating mga kababayan ang Kwentong Kapuso at mag-email sa Pinoyabroad@gmanews.tv. Lagi ring bisitahin ang ating website na www.gmanews.tv para sa mga sariwang balita, impormasyon at iba pa sa loob man o labas ng Pilipinas. Maraming salamat po sa inyong pagtitiwala mga Kapuso!