ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Bahay at buhay sa Dubai


Magandang araw po sa mga tumatangkilik sa gma, mapabalita man o mga teleserye. Ako po ay isang empleyado rito sa Dubai. Nakailang taon na rin ako rito at noong nakaraang taon ay nakuha ko na ang aking asawa para makasama at makatulong sa paghahanap-buhay para sa aming pamilya. Nakalulungkot po na napapabalita na naman ang mga eviction ng mga tinatawag nilang bachelors (babae man o lalaki) - na nakatira sa isang villa kasama ang ibang pamilya. Sabi sa balita ng isang pahayagan dito, kailangang umalis daw agad ang mga naturang mga bachelors sa mga villa lalo pa’t nasa residential area ito. Maaari raw silang lumipat sa mga flat na hindi umano intended for families kasi raw nagrereklamo ang mga families dahil madumi at maingay ang mga bachelors. Kapag iniisip ko ito, nalulungkot ako kasi hindi naman lahat ng bachelors ay makalat o madumi. Ito kasi ang term na ginagamit nila para sa mga taong naninirahan dito na hindi kasama ang kanilang pamilya. So ibig sabihin kahit married ka at nag-iisa ka naman e bachelor ka pa rin. Karamihan ay problemado sa patakarang ito hindi lang mga Pilipino. Kung ikaw nga naman ay titira sa isang flat ay napakamahal. Tulad na lamang namin ng aking asawa, umuupa kami ng isang maliit na kwarto sa halagang 4,000 dirhams. Ang sweldo ko ay 6,000 dirhams at 4,000 dirhams naman ang sa asawa ko. Lumalabas na ang ipinagtatrabaho ng isa sa amin ay pambayad lang ng bahay. Wala pa rito ang pagkain at ibang gastusin namin. Ang mga bilihin dito ay halos araw-araw nagmamahal. Wala kang magawa at magreklamo ka man masasayang lang ang laway mo sa pagsasalita dahil wala silang pakialam sa’yo. At minsan sasabihin pa, “E ‘di umalis kayo ng Dubai." Sino nga ba ang gustong magpakahirap ng ganito? Kaya nga paglalabas na lang ng sama ng loob ang nagagawa natin sa kabila ng mga disadvantages at discrimination dito. Dahil tulad naming mag-asawa, kahit halos kalahati sa kita namin ay nauuwi sa upa sa isang maliit na kwarto, pinagsisikapan naming pagkasyahin ang natitirang pera. Dahil alam naming mahirap humanap ng trabaho kung aalis kami rito lalo pa sa Pilipinas. Minsan mas discriminating diyan sa atin dahil una, kapag may edad ka na mahihirapan kang humanap ng trabaho dahil palaging bata ang gusto nila. Ikalawa, kapag natigil ka ng kahit anim na buwan lang sa trabaho ay mahihirapan ka na umaplay dahil sasabihin, “dapat may current experience ka." At kung anu-ano pang discouragements. Kaya di mo masisisi na kahit nagrereklamo ang mga Pinoy dito dahil sa taas ng bilihin at kung anu-anong patakaran sa housing, magtitiyaga sila dahil mas mahirap dyan sa atin. May mga nakakausap ako tungkol sa patakaran sa pabahay dito, sabi nila daig pa raw nila ang kriminal. Dahil kung tratuhin sila ay ganon na lang, kasi nga nang makita silang napakarami sa isang villa ay agad silang tinanggalan ng ilaw at tubig. Nakakainsulto, nakakasama ng loob. Isipin mo na lang na nagtatrabaho ka naman ng maayos at ‘di ka gumagawa ng krimen tulad pagnanakaw at pagpatay pero ito pa ang gagawin sa’yo. Kahit pa nga sumusweldo ka ng malaki ay pinaghihirapan mo ‘yon at pinakikinabangan ka ng bansang ito. At pagkatapos ay ni’ wala man lang galang kung kayo ay tratuhin. Pero nasisiguro kong ang mga "Westerners" ay ‘di nila gagawan ng ganon. Dahil una, mas malaki ang sweldo nila at “can afford" silang umupa ng magagarang flats. Ikalawa, just the thought of being white makes them superior di ba? Haaaayyyyy! Nakakapanlambot isipin ang mga hindi magagandang pangyayari at katayuan ng mga tao rito. Meron din namang magagandang bagay tulad na rin ng pagkakaroon namin ng magandang trabaho at maayos na kita. Malaking bagay na rin para sa pamilya namin kahit nanghihinayang kami sa laki ng renta sa bahay. Kasi mas magiging malaking alalahanin kung nasa Pilipinas ka na kakarampot na ang sweldo ay tuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng lahat ng bagay. Sa mga nais mag-abroad, piliiin nyo at pag-isipang mabuti kung saang bansa kayo pupunta at kung anong trabaho ang papasukin ninyo. Matanda man o medyo bata mag-ingat kayo. At kung ako ang tatanungin, hindi ko isa-suggest sa ating mga kababayan na mamasukan bilang domestic helper sa anumang lugar sa Middle East. Oo nga’t hindi lahat ng magiging amo mo ay mamaltratuhin ka at gagawan ng masama, pero karamihan sa kanila ay ganon at di mo naman agad malalaman kung sino sa kanila ang may mabuting kalooban. Para sa mga anak at pamilya ng mga nangingibang-bansa, ingatan nyo sana at gamitin ng tama ang mga perang ipinadadala ng inyong mga mahal sa buhay. Mga anak mag-aral kayong mabuti at huwag sanang sasama ang mga loob ninyo kapag hindi kayo napagbibigyan sa ilang mga kahilingan ninyo dahil ito ay may magandang dahilan. Kung nakikita ninyo sa friendster, multiply, facebook at kung saan-saan pang mga websites ang magaganda at masasayang litrato ng mga OFW, hindi ito nangangahulugan na palagi silang masaya at labis na nakaririwasa. Nais lamang nilang ito makita ng kanilang mga kaibigan at mga mahal sa buhay upang di sila malungkot at mag-alala para sa kanila. Yun lang po at maraming-maraming salamat. Mahaba man ang salaysay ko, sana maunawaan ninyo ito. Mabuhay tayong lahat! OFW man o mga mangagagawa na nasa Pilipinas. Analiza Dubai, UAE