Hinubog ng panahon at karanasan (1)
Dear Kapuso, Napakarami kong kwento bilang Kapuso. Subalit ako'y nag-aagam-agam kung ito'y ipapadala ko sa inyo para mabasa ng iba pa nating mga Kapuso na OFW man o hindi na sumusubaybay at patuloy na tumatangkilik sa Kapuso GMA 7. Wala po akong Pinoy GMA 7 dito sa Sharjah, United Arab Emirates. Pero nakakakonekta naman po ako sa Internet at nanonood ng igma.tv na naka streaming video. Nung sinimulan ko pong isulat ito, wala pa akong subscription ng Orbit Gma Pinoy TV. Pero since March 1, 2008, nagpakabit na po ako sa Orbit ng line para makapanood naman ng news about Pinas. Kaya tuwang tuwa naman ang misis ko na si Sitang na kasama ko rin dito sa Sharjah, UAE. Dati po akong Kapamilya. Ang ibig ko pong sabihin nag-subscribe ako nang The Filipino Channel ng ABS-CBN from 1999 up to 2004. Ang kaso nagtaas na sila nang subscription e. Hindi mo pa maasahan kapag may problema ang iyong decoder o dish. Nag-try akong mag-login sa website nila, kaso para makapanood ng maliit na streaming video kailangan mo pa ring mag-subscribe. Anyway, nag-try ako sa GMA TV at heto since Dec 2006, continuous po akong nanonood ng igma.tv. Napakalaking bagay po ang nagagawa ninyo sa ating sambayanang Pinoy na Kapuso. Nais ko pong ihatid sa ating mga tagasubaybay sa mga Kapuso ang masalimuot kong kwento na kapupulutan ng aral ng mga bagong sumisibol na Pilipino. Sa gayon ay magsilbing inspirasyon ng mga susunod nating henerasyon bilang isang bansa. Ako po si Manolito Mariano Agustin tubong Sabitan, Malolos, Bulacan. Masalimuot po ang aking kwento magmula sa murang gulang na 5. Iniwanan po ako ng aking ama sa aking nuno sa isang baryo na ang tawag ay Palagay lungsod ng Cabanatuan sa Nueva Ecija. Dito po ako nagtapos ng elementarya, isa itong baryo na malapit sa irrigation ng NIA (National Irrigation Administration) na proyekto ni dating Pangulong Marcos. Sa madaling salita, ako po ay galing sa angkan ng mga magbubukid na walang bukid. Nakikisaka lang po para may makain. Dito po ay namumulot ako ng palay tuwing may anihan, at kapag taniman naman ay tumutulong maglinang o maglinis ng tatamnan ng palay. Angkan po ng aking ama ang mga narito subalit ako ay nasa aking inang (nanay ng tatay ko). Dito ko naranasan yung hagupitin nang lawiswis ng halamang San Francisco ng kapatid ng aking ama. Ubod po ng sakit na hanggang ngayon ang mga pilat ay maaaninag pa sa aking binti. Pinukol ako ng lumang piso ni Jose Rizal ng isa pang kapatid ng Tatay ko. Dahil maiwala ko yung kalabaw nya habang pinapastulan ko. Natutulog ako katabi ko ang mga aso sa ibabaw ng mga inaning palay sa isang maliit na kamalig. Sa kabila noon, naging mapagpasensiya ako. Lagi akong umiiyak pero walang maiyakan. Kapag nagsumbong naman ako sa inang ko, mas lalo pa akong pinapagalitan (inang-nanay nang tatay ko, hindi lola tawag namin sa kanya). Dito ako nagtapos ng elementarya kahit na 3rd honor ay okey na iyon. Naging Lakandiwa sa balagtasan, kampeon sa spelling contest kung saan ang nakatunggali ko ay anak ng prinsipal ng isang elementary school sa Cabanatuan. Lumaban din ako sa talent's unlimited sa Valdefuente, Cabanatuan taong 1976, subalit ako'y hindi nagwagi. Lagi naman akong nananalo sa drawing competition. Naging gabay ko itong aking hilig sa pagguhit hanggang ako ay makarating sa Maynila. Noong ako'y nasa Palagay, dinalaw ako ng aking ina sa loob lamang siguro nang tatlong beses from 1971 up to April 1977. Samantalang ang aking ama, ni minsan ay âdi ako dinalaw. June 1977, nag-aral ako ng 1st year high school sa Gregorio Araneta University Foundation sa Potrero, Malabon. Dahil taga-Karuhatan po yung mga magulang ko, nakikitira lang po sa likod ng kapatid ng nanay ko. Dating kulungan ng baboy na nilagyan ng mga lawanit at konting bubong. Nagkasya dun ang mga kapatid ko nung wala pa ako dun. Napakahirap po ng buhay ng mga magulang ko at mga kapatid. Di bale na ako, nasanay ako sa wala halos kinakain sa probinsya. Dahil ako lang ang nawalay sa kanila, kakaiba ang aking pananaw sa buhay kaysa sa mga kapatid ko na lumaki sa Maynila. Canvasser po ang aking ama. Yun bang naglalako na may pasang kahon, naglalakad ng milya-milya na sa loob ng isang araw eh sapat lang ang kita na pambili ng bigas. Kung minsan nahoholdap pa, ganun po kagrabe. Ako naman ang namimili sa Divisoria ng mga paninda ng aking ama. Pumanaw siya April 28, 1986 na birthday din nya. Ang aking ina naman eh ganun din. Namimili ng mga isda sa Navotas, gulay at iba pa. Inilalako sa paligid ng family compound sa Karuhatan, Valenzuela. Kapag ako'y may naiipong kaunting pera, ibinibili ko naman po iyon ng komiks. Hilig na hilig ko kasi ito noon. Ginagaya ko po ang pagguhit ng mga comics illustrator. Taong 1978-79, hindi po ako nag-aral, naghinto ako. Bumalik ako sa Palagay, Cabanatuan city, balik-bukid, Ang sabi ko noon, âAyoko sa Maynila, magulo, maingay. Minsan nakatambay lang sa kanto ng Karuhatan, pinapanood ang mga jeep na nagdaraan, mga sasakyan, kotse at mga ilaw." Tuwang-tuwa ako noong dumating ako sa Maynila nang sunduin ako ng aking nanay para mag-aral ng high school. Pero nainip din ako sa Palagay, bumalik po akong mag-isa sa Karuhatan sa gulang kong 13, bumibiyahe na akong mag-isa sa Maynila. Di alintana ang mga luko-lukong tinedyer sa terminal ng Baliwag sa Cabanatuan. Na kapag ikaw ay musmos, kikikilan ka ng mga ito hanggang ikaw ay batuk-batukan at gulpihin. Minsan kong naranasan iyon nang ako'y pabalik sa Maynila sa terminal ng Baliwag. Magmula 1979 hanggang April 1982, ako po ay nag-aral sa PCTR (Philippine College of Technological Resources) sa Maysan, Valenzuela, âdi kalayuan sa Karuhatan. Habang ako'y nasa high school tuwing Linggo ay nag-a-assist naman ako sa isang comics artist - ang batikang si Delfin Barras na ngayon ay animator sa Marvel. Resident siya ngayon ng Sun Bay, California, USA kasama ang kanyang pamilya. Hindi po ako naging pabigat sa mga magulang ko. Sa halip ay nakatutulong pa ako sa kanila nang nagtapos ako noong 1982 April sa high school sa PCTR. Tuloy- tuloy akong na-employ sa Solvic Industrial Corporation sa tapat mismo nang PCTR bilang graphics artist. Gumagawa ito ng mga plastic packaging. Hanggang ngayon, sa tuwing bumibili ako kahit saang tindahan sa Pilipinas, nakikita ko pa iyung sampaguita tape na ako ang nagkonsepto o nagdesign hanggang final layout nito. Simple lang siya pero nangingiti ako kapag naaalala ko iyung aking Solvic years. Ako ang pinakabatang empleyado ng Solvic - sa gulang na labimpito (17). Nagtrabaho ako sa Solvic from January 1, 1983 hanggang August 26, 1985. September 9, 1985, mayroon pa akong bulutong, nilalagnat nang ako'y tumulak patungong Unyong Sobyet (USSR), na ngayon ay Russian Federation para mag-aral (itutuloy). Manolito Sharjah, UAE Mga Kapusong Pinoy! Nagpapasalamat po kami sa patuloy ninyong pagtangkilik sa ating Pinoy Abroad section ng GMANews.TV. Nakakataba ng puso ang inyong pagtitiwala na ibahagi ang inyong saloobin sa ating Kwentong Kapuso na tunay naman nagbibigay ng inspirasyon at kinapupulutan ng impormasyon ng ating mga kababayan. Kaya muli po, iniimbitihan namin kayo na patuloy na magpadala ng inyong maikling kwento, tula, awitin, litrato, at iba pang sariling katha tungkol sa iyong karanasan. Hindi natin alam baka kapulutan pa ito ng aral ng iba nating Kapuso na nasa ibang bansa o nagbabalak pa lang makipagsapalaran sa labas ng Pilipinas. Maaaring ang inyong ibabahagi ay magsilbing inspirasyon sa mga kababayan natin nalulungkot at nangungulila sa kanilang mahal sa buhay. Ito ang pagkakataon na makapagkwento ka, magbahagi ng inyong pananaw o magpaabot ng iyong saloobin. Masaya, malungkot, tungkol sa tagumpay o kabiguan o kahit wala lang...makapag-kwento lang at magkaroon ng pagkakataon na makipag-ugnayan sa ating mga kababayan saan man dako sa mundo. Kaya ibalita na sa ating mga kababayan ang Kwentong Kapuso at mag-email sa Pinoyabroad@gmanews.tv. Lagi ring bisitahin ang ating website na www.gmanews.tv para sa mga sariwang balita, impormasyon at iba pa sa loob man o labas ng Pilipinas. Maraming salamat po sa inyong pagtitiwala mga Kapuso!