ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Iwas-Disgrasya Tips: Ano ang dapat gawin kapag sumemplang ang motorsiklo?


Sabay-sabay tayong matutong umiwas sa mga aksidente at kawatan! Mapapanood ang “Alisto” tuwing Lunes, 4:00 PM sa GMA-7.

Sakto nga raw ang mga motorsiklo sa masisikip na siyudad dahil isa itong mabilis at murang paraan ng transportasyon. Pero kumpara sa mga kotse, mas delikado ang pagmamaneho ng motor sa oras na magkaroon ng aksidente.

Ayon sa mga eksperto, maaaring iwasan ang malalang pinsala lalo na kung alam natin ang mga dapat gawin kung sakaling maipit ka sa isang banggaan.

Narito ang ilang Iwas-Disgrasya Tips mula sa Philippine Global Road Safety Partnership at PNP Highway Patrol Group:

Panatilihing nakakapit ang tuhod sa tangke ng motor
Kapag sumemplang, natural lang na maitukod ang inyong paa sa kalye. Ang kaso, mas delikado raw ito dahil maaaring mabali ang inyong binti o ma-dislocate ang inyong tuhod.

Sa halip, panatilihin ang mga tuhod sa gilid ng tangke ng sinasakyang motor. Huwag hayaang sumayad ang tuhod o paa sa kalye — mas mabuti kung ang balakang ang tatama sa kalsada dahil mas mahirap maghilom ang pinsala sa tuhod at mas matagal kang hindi makapaglalakad.

Iangat ang ulo
Upang maiwasan ang pinsala sa ulo, iangat ito papalayo sa kalye. “Itiklop” ang katawan na parang letrang U o parang bola. Sa ganitong paraan, maiiwasan din ang pinsala sa inyong tagiliran at balikat.

Hawakan ang handlebars

Kumapit nang mahigpit sa handlebars ng motor at huwag ibaba ang kamay sa kalye dahil maaari itong mabali at magtamo ng matinding pagkasugat.

Kapag nakakita ng aksidente
Agad tumawag ng ambulansya at paramedics. Kung walang sapat na kaalamang medikal, huwag tangkaing galawin ang biktima dahil maaari pang lumala ang kanyang kalagayan. — Cristina Tantengco/ARP/NB, GMA News