ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Alisto Tips: Iwasang maging biktima ng pamamaril


Takot ang unang papasok sa isipan kung sakaling matutukan ng baril. Hindi maiiwasang mag-panic o maguluhan sa kung ano ang unang kailangang gawin. Nito lamang nakaraang mga buwan, marami nang naitalang insidenteng may kaugnayan sa pamamaril. Ang ilan sa mga ito ay simpleng pagtutok lamang ng armas na ginamit, at ang ilan naman ay mismong pagpapaputok nito.

Nito lamang ika-16 ng Agosto, isang lalaki ang nasawi dahil sa pagkakadamay sa habulan ng dalawa pang ibang lalaki. Si Mang Jimmy Fiel ay nagbibisikleta nang siya ay biglang tamaan ng ligaw na bala. Humingi siya ng saklolo ngunit siya rin ay agad na binawian ng buhay bago pa man dumating ang tulong. Noong Mayo, naging talamak din ang balita tungkol sa “shooting spree” sa Fairview, Quezon City. Lima ang patay sa serye ng pamamaril na ito. Kumalat din ang tungkol sa drayber ng SUV na nanutok ng baril sa nakaalitang taxi driver noong Hulyo.

Kung maipit man sa ganitong sitwasyon, narito ang ilang mga tip kung ano ang dapat gawin sakaling maging target ng pamamaril, sadya man o hindi. Mahalaga pa ring tantyahin ang sarili at ang sitwasyon bago gumalaw. Isipin kung makabubuti o mas makasasama ang paglaban sa gunman.

Ilayo ang baril sa sarili
Ang sentido o “temple” ay ang parte ng ulo sa likod ng mata sa itaas ng pisngi. Delikado ang matamaan sa kahit anong parte ng ulo, kaya’t importanteng agad na iiwas ito sa baril. Puwedeng hawakan ang baril at ilayo ito sa sarili. Binigyang-diin ni Jerry Carual, presidente ng Search and Rescue Unit Foundation, na isa lamang ang maaaring labasan ng bala. Kung makaiwas na ang target at mailayo nito ang armas, malaki ang tsansang ligtas na ito.


Piliting ma-disable ang gunman
Kung sa tagiliran naman itutok ng gunman ang baril, maaari ring gawin ang nakasaad sa unang tip. Agad na hawakan ang baril at ilayo ito sa katawan. Kapag ito ay ginawa, maaaring mapilipit ang braso ng gunman at may tsansang mabalian ito ng buto. Ayon ay Carual, importanteng ma-disable ang gunman. Magagawa lamang ito kung mabilis rumespunde ang target na biktima. Kailangang maitulak pababa sa sahig ang gunman kasama ang baril bago ito tuluyang umatake.

Tumakbo nang pa-zigzag o gewang-gewang
Kung dibdib naman ang nais patamaan ng gunman, agad na tumagilid at tumakbo nang mabilis papalayo. Kailangang pa-zigzag o gewang-gewang ang pagtakbo para iwasan ang bala.

Maging manipis
Hindi 100% ang nakaliligtas kapag tinutukan ng baril sa mukha. Hindi man sigurado ang kaligtasan, mas mainam pa ring subukang makawala sa katakot-takot na sitwasyon. Giit ni Carual na kailangang maging manipis ng katawan sa pamamagitan ng pagtagilid. Delikadong manatiling malapad o nakaharap sa gunman.

Dagdagan ng presyon ang tinamaan ng bala
Umaabot ng 60 ml ang nawawalang dugo kada hininga ng isang taong nabiktima ng pamamaril. Importanteng agad na dagdagan ng presyon ang tama para di tumagas ang mas maraming dugo. Maaaring itali ang dalang panyo o sinturon para pigilan ang pagtagas ng dugo.

Importanteng alalahanin ang mga tip na ito sakaling maharap sa nakasisindak na sitwasyon. Para naman sa mga nagmamay-ari ng baril, siguraduhing may lisensiya ito at iwasang abusuhin ang paggamit nito. –– Elise Maog/BM, GMA News

Sabay-sabay tayong matutong umiwas sa mga aksidente at kawatan! Mapapanood ang “Alisto” tuwing Lunes, 4 PM sa GMA-7.