Pag-amyenda sa RA 9344, tatalakayin sa ‘Bawal ang Pasaway’

MGA BATANG PASAWAY, DAPAT NGA BANG IPAKULONG?
Lunes, October 1, 2018
10:15 pm sa GMA News TV
Sunod sunod ang kinasangkutan na krimen ng mga menor de edad kamakailan. Viral sa social media ang video ng mga bata na kinukuyog at ninakawan ang isang matanda sa pampasaherong jeep. Sa isang hiwalay na insidente, may nanggulo naman na grupo ng mga kabataan at sinaktan pa ang isang pasahero noong hindi sila nilimusan. Sa pagresponde ng mga pulis sa mga insidente, may mga nahuli ngunit walang nakulong sa mga kabataan. Ibinigay sila sa DSWD para isailalim sa counseling dahil sila’y Children in Conflict with the Law o CICL.
Dahil sa mga pangyayari, muling nabuhay ang isyu nang pag-amyenda sa RA 9344 o Child and Welfare Act of 2006. Noong Lunes, naghain ng Senate Bill si Senador Vicente “Tito” Sotto na babaan sa edad na 13 ang minimum age of criminal responsibility (MACR) ng bansa. Lima ang pending na House Bills sa Kongreso na may katulad ding layunin. Isa na rito ang House Bill ni Capiz District Representative Fredenil Castro noong 2016. Sa lahat ng naipasang batas na nagpapababa ng MACR, pinakamababa ang isinusulong ng kongresista. Layunin ni Castro na ibaba sa siyam na taong gulang ang MACR.
Nakausap ni Mareng Winnie ang kongresista, kasama si DSWD Undersecretary for Protective Operations and Programs Group Mae Fe Ancheta-Templa ukol sa pag aamyenda ng batas.
Ayon sa kongresista, dapat ipatupad ang nakasaad sa Revised Penal Code 1930 ng bansa kung saan siyam na taong gulang ang pinakamababang edad na pwedeng makulong kung walang pagsisisi at pag-amin ng nagawa. Dinepensahan naman ni Undersecretary Templa ang batas. Ayon sa DSWD, hindi edad ang problema. Ang nararapat ay palakasin ang implementasyon ng batas.
Ano nga ba dapat ang nararapat sa mga Children in Conflict with the Law - kulong o kalinga? Panoorin ang makabuluhang diskusyon sa Lunes, ika-1 ng Oktubre, 10:15 ng gabi sa GMA News TV.