ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Problema sa tubig, tatalakayin sa 'Bawal ang Pasaway'


BAWAL ANG PASAWAY KAY MARENG WINNIE


25 March 2019 Episode

Hindi raw natuloy ang mga dam na proyekto ng Manila Water kaya hindi nito napalawak ang supply ng tubig na kailangan ng dumaraming customer nito.

Ito ang pahayag ni Ferdinand dela Cruz, pangulo at CEO ng Manila Water.  Ayon kay dela Cruz, 2012 pa lang ay nagpasa na sila ng business plan sa dating administrasyon ng Manila Water and Sewerage System o MWSS para magkaroon sila ng panibagong water source. Hindi kaagad naaprubahan ang kanilang ipinasang business plan.

Kinumpirma ni MWSS Aministrator Reynaldo Velasco na hindi sana nagkakaroon ng problema sa tubig ang Manila Water kung natapos kaagad ang Cardona Water Treatment Plant na gustong maitayo ng Manila Water noong 2012. Nagkaroon daw ng problema sa pagtatayo ng treatment plant na di nila inaasahan.

Ayon naman kay Archie Asuncion, head ng Legal Unit ng National Water Resources Board, may kaukulang dami ng tubig lang ang maaari nilang ibigay sa Manila Water. Hindi rin nila pinapayagan na gamitin ang mga deep wells dahil may epekto ito sa pundasyon ng lupa sa Metro Manila.

Sa ngayon ay pinayagan ng NWRB ang Manila Water na gumamit ng deep wells nito pero limitado ito dahil surface water ang dapat na gamitin lang ng ahensiya. Bago rin daw sila makapag-release ng tubig, kailangan pa nilang konsultahin ang ibang ahensya na umaasa ng tubig sa Angat Dam.

Ayon din kay dela Cruz, pinag-aaralan nila ngayon kung bibigyan nila ng refund ang mga consumers ng Manila Water. Hindi naman daw bingi ang Manila Water sa hinaing ng mga tao pero masusi pa raw itong pinag-aaralan. May mga umiikot namang mga water tanker na magbibigay ng tubig sa mga residente na walang tubig.

Dagdag pa ni Velasco, dapat na talagang gumawa ng panibagong dam na mapagkukunan ng tubig dahil hindi na talaga sasapat ang tubig mula sa Angat. Kukulangin na raw ang tubig na maisu-supply lalo na sa Metro Manila.

Abangan ang kabuuan ng panayam ni Mareng Winnie sa Lunes, March 25, sa GMA News TV.

Tags: bap