ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

'No Homework Policy,' nakabubuti nga ba?


BAWAL ANG PASAWAY KAY MARENG WINNIE
No homework policy
September 24, 2019

“There’s a deeper problem na itong mga mambabatas should look at. They have to look at the quality of education.” Ito ang isa sa mga naging pahayag sa diskusyon ni Mareng Winnie kasama sina DEPED Bureau of Learning Delivery Director Leila Areola, Alliance of Concerned Teachers Chairperson Joselyn Martinez at Central Visayan Institute Foundation graduate Mary Pearl Sajulga kaugnay ng inihaing dalawang panukalang batas na nagsusulong ng ‘No homework policy’ para sa mga estudyante mula kindergarten hanggang grade 12.

 

Layon ng inihaing dalawang panukalang batas na maging daan para sa holistic development ng kabataan ang hindi pagbibigay ng takdang aralin mula Lunes hanggang Biyernes pati na Sabado’t Linggo. Bagaman suportado ito ng DEPED, pabor sila sa pagbibigay lang ng purposive o makatwiran at makabuluhang homework. Lalo na’t may ilang magulang na hindi sang-ayon sa pagsasabatas ng naturang polisiya. Sa karanasan ng isang nanay na nakapanayam ng Bawal ang Pasaway team, natuturuan daw maging disiplinado ang mga bata kung nabibigyan ng assignment.

Naibahagi naman ng Central Visayan Institute Foundation graduate na si Mary Pearl Sajulga ang pagkakaiba ng pagpapatupad ng dynamic learning program sa pangkaraniwang sistema ng edukasyon sa bansa. Sa ganitong programa raw, walang ibinibigay na homework at sa eskwelahan na ginagawa lahat ng mga aralin. Para kay Mary Pearl, mas nabigyan daw sila ng pagkakataong mas mahasa ang ibang kasanayan at makatulong pa sa mga magulang sa bahay.

Napag-usapan din ang estado ng edukasyon sa Pilipinas at naikumpara pa sa mga bansang nagpapatupad na ng ‘No homework policy’. Kasama ang Thailand, India at Indonesia sa mga bansang nagpapatupad ng naturang polisiya. Pero malayo raw ang kalidad ng edukasyon ng developing o emerging countries na ito kung ikukumpara sa Singapore na nangunguna sa pagkakaroon ng pinakamaayos na educational system sa buong mundo ayon sa Organization for Economic Cooperation and Development. Ito’y kahit nagbibigay pa ng takdang aralin ang mga eskwelahan sa Singapore.

Magiging epektibo nga kaya sa kasalukuyang estado ng edukasyon sa Pilipinas ang pagpapatupad ng ‘No homework policy’? Panoorin ang kabuuan ng diskusyon sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie ngayong September 24, 7:15 pm sa GMA News TV.