Biyaheng Totoo sa Cavite: Hindi nauupos na pag-asa ng mga self-employed

Sa labas ng National Capital Region (NCR), sa CALABARZON mayroong pinakamataas na bilang ng mga taong self-employed, o mga indibidwal na kumikita sa pamamagitan ng sariling pagsisikap at walang pinapasukang kumpanya.

Sa Biyaheng Totoo sa Cavite, nakilala ni Mark Zambrano si Ronnie, isang self-employed na may pamilyang binubuhay sa pamamagitan ng pag-uuling.
Kung mailap na ang regular na trabaho para sa mga nakatungtong ng kolehiyo, lalu na sa mga gaya ni Ronnie na hindi man lang nakatungtong ng kinder.
Sa kasalukuyan, sa pag-uuling binibuhay ni Ronnie ang apat niyang anak, habang ang kalusugan niya ay sinasabing parang nauupos na baga.
Nahihirapan na rin minsan si Ronnie sa ginagawang pag-uuling. "Minsan po, kapag taglamig, parang ang katawan ko [ay] hindi na maigalaw dahil sa init po ng uling, at malakas ‘yung ubo ko," inilarawan niya.
Ang mga seguridad at benepisyong maibibigay sana ng isang regular na trabaho tulad ng SSS, PAG-IBIG, at Philhealth, malaking bagay sa mga tulad ni Ronnie.
Kada buwan, nasa P400 lang ang kinikita ni Ronnie - wala pa sa kalahati ng minimum requirement para maging miyembro ng SSS na P1,000 suweldo kada buwan.
Sanga-sanga man ang problema ng self-employed na si Ronnie, naibsan ang kanyang pangamba nang makakita ng ballot box na dala ng Biyaheng Totoo - isang simbolo ng inaasam-asam na pagbabago.
Para kay Ronnie, ang mga sumusunod ang kanyang nais makuha:
"Benepisyong pangkalusugan, SSS para sa akin pong mga anak, lupa ditong sarili, at tsaka magkaroon kami ng pensyon."
Sa kabila ng malabong kinabukasan, may liwanag pa rin daw na natatanaw si Ronnie.
— Ria Landingin/CM, GMA News
Biyaheng Totoo 2013 is a thematic special report series of GMA News and Public Affairs, featuring the provinces with the worst conditions for the nine poorest sectors identified by the National Statistical Coordination Board (NSCB).