ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Likas na yaman at kultura ng Isabela, tampok sa 'Biyahe ni Drew'


Sa Biyernes, bibisitahin ni Drew Arellano ang tinaguriang Rice and Corn Granery of Luzon, ang Isabela!

Aabutin ng halos labing-isang oras ang land travel mula Maynila hanggang Isabela. Mahaba man, maaliw ka naman sa magandang tanawin ng Sierra Madre at Cordillera.

Pupuntahan ni Drew ang isa sa pinakamalalaking dam sa buong Pilipinas, ang Magat Dam. Isa rin ito sa pinakamahahalagang istruktura sa Isabela dahil sa patubig na ibinibigay nito sa mga magsasaka, at sa kuryenteng nakukuha mula rito ng mga mamamayan.  Dagdag-kabuhayan rin para sa mga lokal ang panghuhuli ng isda sa dam. Siyempre, hindi mawawala ang oportunidad para sa turismo. Pwede rin kasing mag-boating sa water reservoir na ito for 200-300 pesos.

Tone-toneladang bigas at mais ang inaani ng mga Isabeleños kada taon. Kaya naman pati sa pagkain, main ingredient ang mga ito.  Titikman ni Drew ang carbonara na gawa sa corn flour ang pasta. Nariyan din ang tacos at kape! Pero hindi daw dapat umalis ng Isabela nang hindi natitikman ang Panci Cabagan. Tradisyunal man ang luto, kakaiba naman ang toppings nito:  mga itlog ng pugo at lechon kawali! At bilang panghimagas o merienda, siguraduhing tumikim ng inatata, ang Isabeleño version ng sumang latik.

Makasaysayan din ang Isabela dahil naging base ito ng mga Hapon noong World War II. Sa halagang trenta pesos, pwede ka nang sumama sa isang walking tour at mag-time travel sa panahon ng Japanese occupation! Kung may lakas ka pa, pwede kang pumunta sa Victoria Caves- ang network ng mga kuweba na ginawang pugad ng mga Hapon noon.

At para may nakakaaliw na ending sa biyahe, rekomendado ni Drew na pumunta sa bayan ng Ilagan para makita ang pinakamalaking butaca o rocking chair na record holder sa Guiness Book noong 2003. At 11 feet tall and 10 feet wide, kasyang-kasya raw ang dalawampung tao rito.

Sama na sa Biyahe ni Drew sa Biyernes, 8PM sa GMA News TV.

Tags: biyahenidrew