ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
PUBLIC AFFAIRS WEBEXCLUSIVE

Climate Change para kay Juan


Ipininta ng ilang Filipino climate change activist ang mukha ni Maine Mendoza bilang "Mother Earth" sa Italy. Photo courtesy: Naderev "Yeb" Saño

 

Kusa bang lumilipad ang isip mo kapag climate change na ang usapan at mas gusto mo na lang isipin ang crush mo? "Nosebleed" ba para sa'yo ang isyu ng climate change?


Huwag kang mag-alala, sa “2015 Annual Science Immersion Workshop for Journalists” na isinagawa ng Metcalf Institute for Marine and Environmental Reporting sa Amerika, ang mga siyentipiko mismo, aminadong nahihirapan talaga silang iparating ng malinaw sa publiko ang kanilang mga pag-aaral tungkol sa climate change kahit pa sa palagay nila, ito ang pinakaimportanteng isyu sa daigdig ngayon. Katunayan, nagkaroon ng pagpupulong sa Paris, France kung saan pinagdesisyunan ng mga lider ng bansa ang magiging kapalaran ng ating daigdig. Yes, para silang Avengers. Grabe, ang heavy, ‘di ba?

Ano ba talaga kasi ang climate change?

Marahil hindi mo lang napapansin, pero apektado at pinapalala mo pa ang climate change araw-araw. Sa teorya ng climate change, maraming siyentipiko ang sumasang-ayon na ang daigdig natin ngayon ay dumaranas ng matindi at mabilis na pag-init dahil sa kagagawan ng tao. Ayon sa report ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) na pinagtulungan ng libo-libong siyentipiko sa mundo, mula pa noong 1950s, ang pag-init daw ng mundo ngayon ay mas matindi pa kesa sa nakaraang mga milenyo.

Panoorin dito ang pag-init ng mundo hanggang taong 2100 base sa isang climate model:

Kasalanan ko ba ang climate change? Medyo.

Gumagamit tayo ng enerhiya para mapanood natin sa telebisyon ang paborito nating telenovela. Lumilikha din ng enerhiya ang gasolinang inilagay natin para umandar ang kinuha nating brand new car. Ang bago nating cellphone na 12 months to pay at iba pa nating gamit, ginawa din ng mga pabrika at industriya gamit ang enerhiya.

Ang problema, karamihan sa enerhiyang ginagamit natin ay mula sa pagsusunog ng langis, coal o natural gas (fossil fuels) na naglalabas ng greenhouse gas sa himpapawid.


Ang mga greenhouse gas, nagta-trap ng init mula sa araw. Kaya imbes na makalabas ang init sa kalawakan, parang ikaw ang mga greenhouse gas na ayaw pa rin bitawan ang dapat ay pakawalan na. Hindi rin sila maka-move on kaya uminit ng uminit ang daigdig. Ayon sa IPCC report, pinakamataas na daw ang dami ng greenhouse gas  na nasa himpapawid ngayon kumpara sa nakaraang 800,000 taon.


So what kung mainit?

Ang climate change ay parang pagtawid sa maling tawiran, nakamamatay.

Dahil abnormal at hindi natural ang pag-init na nararanasan ng daigdig, abnormal ang mga epekto nito.

Ayon sa IPCC, ang climate change ay maghahatid ng “extreme weather events” kung saan mas dadalas at lalakas pa ang mga nararanasang sama ng panahon.

 

NOAA satellite image ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 6, 2013, bago ito pumasok sa Pilipinas.
 
Ayon kay Claudia Tebaldi, isang scientist mula sa National Center for Atmospheric Research na nagsalita sa Metcalf workshop, asahan daw natin na ang mga lugar sa mundo na madalas ulanin ay mas uulanin pa, at ang mga lugar na madalas makaranas ng tagtuyot ay mas magiging tuyot pa.
 
Aerial photo ng Guiuan, Eastern Samar matapos itong daanan ng bagyong Yolanda noong 2013.

 

Isa pang epekto ng climate change ay ang global sea level rise, o ang pagtaas ng tubig-dagat sa mundo ng tatlong milimetro kada taon. Mas palalain pa nito ang nararanasang subsidence o unti-unting paglubog ng maraming lungsod sa mundo dahil sa sobra-sobrang paghigop ng tubig sa ilalim ng lupa. Halimbawa na nito ang mga lugar ng Bataan, Pampanga, Bulacan at CAMANAVA na sa pag-aaral ay lumulubog ng 20- 90 milimetro kada taon. Dahil dito, maraming bahagi ng mundo ang babahain at may bantang tuluyang maglaho.


Ayon sa IPCC, isa pang matinding epekto ng nagbabagong klima ay ang banta ng sakit, dahil may mga pathogen at parasite na mas mabilis na dumarami sa mainit na kapaligiran. Nakukuha rin ang mga sakit dahil sa pagdalas ng exposure natin sa kontaminadong pagbaha.

Sa presentasyon sa Metcalf workshop ni Dr. Geoffrey Scott, chairman ng Department of Environment Health Sciences sa University of South Carolina, tinatayang 310 milyong tao raw sa mundo ang magkakaroon ng sakit na konektado sa climate change bago dumating ang taong 2030. Siyam sa sampung tao na ito ay magmumula sa mga developing country tulad ng Pilipinas. Haggard, ‘di ba?!

COP21

Ika nga ni Heneral Artikulo Uno sa pelikulang Heneral Luna, “May mas malaki tayong kalaban---ang ating mga sarili.”


Ang mga bansa, nagpulong ngayong Disyembre sa "2015 United Nations Climate Change Conference o COP21" para pagdesisyunan ang mga hakbang at sakripisyong dapat gawin para matigil o kahit mabawasan man lang ang pagdami ng greenhouse o carbon emission sa himpapawid. Kung hindi ito gagawin, naniniwala ang mga siyentipikong tuluyang masisira ang mundo. Ayaw naman siguro nating tumira sa ibang planeta, hindi pa sure kung inhabitable talaga ang planetang Mars.

Hihiram ulit ako ng linya kay Heneral Luna, “Wala na tayong panahon para sa mga bagay na hindi natin kayang panindigan.”

Ito ang katotohanang masakit pa sa breakup n’yo ni ex. Kung aksayado ka sa paggamit ng enerhiya, at wiling-wili ka sa pagbili ng mga bagong gamit kahit hindi mo naman talaga kailangan, kasama ka sa humuhukay sa libingan ng susunod na henerasyon. -- BMS, GMA Public Affairs

Si Annalyn Ardona ay segment producer sa programang Born to be Wild at isa sa mga fellow na dumalo sa “2015 Metcalf Annual Science Immersion Workshop for Journalists” na ginaganap sa University of Rhode Island sa Amerika noong Hunyo.