ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Problema sa traffic sa Metro Manila, susuriin sa 'Brigada'


WALKERS

Matagal nang problema ang prostitusyon. Para makaiwas sa galamay ng mga awtoridad, patuloy na umiisip ng iba't ibang paraan ang mga sindikato sa likod nito para maisakatuparan pa rin ang ilegal nilang trabaho. Gaya na lang ng walkers o 'yung mga babaeng inilalako ang kanilang serbisyo sa pamamagitan ng Facebook.

Sa isang raid ng National Bureau of Investigation na sinamahan ni John Consulta, natimbog nila ang isang safehouse ng mga babaeng walkers na pawang mga menor de edad pa man din.

 


POKÉMON NO

Patok sa buong mundo ngayon ang Pokémon Go, isang augmented-reality game sa smartphones kung saan ang manlalaro, kinakailangan maglakad mismo para makahuli ng Pokémon characters. Bagamat kinaaadikan ito ngayon ng karamihan... may ilan namang umaalma rito. Panukala kasing ipagbawal ang paglalaro nito sa mga eskwelahan at simbahan dahil maaaring maging sanhi raw ito ng mga aksidente at kawalan ng gana sa pag-aaral ng mga kabataan. Inalam ni Steve Dailisan kung paano nga ba mae-enjoy ang paglalaro ng Pokémon Go na hindi naisasaalang-alang ang sarili sa peligro.

 


TRAFFIC HORROR

Tila palala ng palala ang lagay ng trapiko sa Metro Manila. Sari-saring solusyon na ang ipinatupad ng gobyerno para sana maayos ito gaya ng number coding at paghatak sa mga sasakyang nakabalandra sa mga kalsadang puwede sanang alternatibong ruta, subalit tila hindi ito epektibo. Kaya naman ang mga commuter at motorista, patuloy pa ring nagdurusa sa kalbaryo sa lansangan. Ang tinitingnan ngayong paraan ng gobyerno, ang pagbibigay ng emergency powers sa pangulo para mas matutukan ang sakit sa ulong problemang ito. Pinulsuhan  ni Victoria Tulad ang saloobin ng mga mananakay kung sa tingin nila'y ito na nga ba talaga ang sagot sa tila impyernong traffic sa Metro Manila.