ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Sikreto ng Binondo, aalamin sa 'Brigada'



Ngayong Sabado ipagdiriwang ng mga kababayan nating Tsinoy ang Chinese New Year… hudyat ng pagpasok ng year of the fire rooster. Kaya naman ngayon pa lang… sari-saring mga ritwal at tradisyon ang isinasagawa hindi lang ng mga Tsino kundi pati maging ng mga Pinoy para mas lumapit ang swerte.

Isa sa mga bida sa selebrasyon ng Chinese New Year ang mga pagkaing Tsino tulad na lang ng pansit at mga putaheng may sangkap na mamahaling isda’t lamang dagat na pinaniniwalaang may angking pampabwenas. Para sa mga nais makatikim ng authentic Chinese cuisine na masarap na, maswerte pa… dinarayo ang sinasabing pinakamatandang Chinatown sa buong mundo… ang Binondo sa Maynila. Dumayo rito si Mav Gonzales para matikman ang iba’t ibang pagkaing Tsino na hitik sa sarap at sa kasaysayan.

Bukod sa pagkain, marami pang ibang paniniwala ang mga Tsino para mas mapalapit sa swerte. Maliban sa karaniwan nang paghahanda ng mga bilog na prutas sa hapag at pagsusuot ng kulay pula tuwing Chinese New Year… nakaugalian na rin ng mga Tsinoy na magsunog ng tai suy o wishing paper para pangtaboy ng malas sa pagsalubong sa bagong taon. Inalam ni Vonne Aquino ang iba pang mga tradisyong sinusunod ng mga Tsino sa tuwing sumasapit ang Chinese New Year.

Kilala rin ang Binondo bilang sentro sa bansa ng Traditional Chinese Medicine o TCM… sinaunang pamamaraan ng mga Tsino para malunasan ang iba’t ibang klase ng karamdaman. Kaiba sa western medicine na ating nakasanayan, dito gumagamit sila ng mga tradisyunal na konsepto sa panggagamot tulad ng acupuncture pati na ang paggamit ng mga gamot at tsaang ibinebenta sa mga Chinese drug store sa Binondo. Nasaksihan ni Katrina Son kung paanong dagsain ang mga TCM practitioners ng mga pasyenteng may mga karamdaman.