ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Mga dapat malaman tungkol sa "enhanced community quarantine", alamin sa 'Brigada!


March 17, 2020
7:15 pm sa GMA News TV

QUARANTINED!

Dahil sa patuloy na paglala ng problema sa labis na nakahahawang sakit na COVID-19, isinailalim na ang buong Luzon sa enhanced community quarantine. Layon nitong panatilihin lang ang mga mamamayan sa kani-kanilang mga tahanan para maiwasang kumalat ang sakit, kaya naman sinuspinde muna ang lahat ng uri ng pampublikong transportasyon. Daing naman ng mga arawang manggagawang apektado ng problema, gutom ang kanilang aabutin kung mawawalan sila ng suweldo at pipigilan silang makapasok sa trabaho. Nilibot ni Jamie Santos ang ilang lugar na apektado ng ipinatutupad ngayong enhanced community quarantine.

FOF: FACTS YOU NEED TO KNOW ABOUT THE ENHANCED COMMUNITY QUARANTINE

Seryosong banta ang dala ng COVID-19 sa mga Pilipino. Matapos magpositibo sa sakit ang mahigit isandaang Pilipino, kabilang na si Senador Juan Miguel Zubiri, malinaw na walang pinipili ang mabagsik na virus. Ang naisip na solusyon ng gobyerno, isailalim ang buong Luzon sa enhanced community quarantine. Subalit kasunod ng naging pahayag ng Pangulo, maraming mga katanungan ang naglutangan, kabilang na ang kung paano ang magiging galawan ng mga apektadong residente sa loob ng isang buwan. Nilinaw ni Joseph Morong ang mga panuntunang kailangang sundin kaugnay ng Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.

LIKHANG MANIDE

Minsang tinawag na "kabihug" ang ilan sa mga katutubo sa Jose Panganiban, Camarines Norte. Subalit dahil sa pang-aalipustang dinanas nila dahil sa kahulugan daw ng salitang ito na ang ibig sabihin ay "alipin", tinatawag na nila ngayon ang kanilang sarili bilang mga "manide".  Nais nilang makilala sa kanilang mga natatanging likhang kamay, malayo sa pagkaalipin. Sa katunayan, sa pagbisita sa kanila ni Kara David sa kanilang komunidad sa Brgy. Osmeña, ibinida nila ang kanilang mga painting na pawang mga katutubo rin ang may likha. Kasabay ng kanilang bagong tuklas na kakayanan, idine-develop din nila ang kanilang komunidad para magkaroon ng mga atraksyong tiyak daw na babalik-balikan ng mga turista.

Samahan ang premyadong mamamahayag at laking-Brigada Siete na si Kara David sa pagtutok sa mga bagong kwento't bagong karanasan at sa patuloy na pagbabantay sa mga isyu ng bayan kasama ang bagong henerasyon ng mga mamamahayag ngayong Martes, alas-7:15 ng gabi sa iisang Brigada.