ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs

Mga itim na pagkain, buwaya sa Balabac, at halloween stars, tampok sa 'Brigada' ngayong Sabado!


BRIGADA
October 31, 2020
9:15 PM sa GMA News TV

BLACK IS DELICIOUS
Mav Gonzales


Sa tuwing papalapit ang undas, madalas iugnay ang kulay itim bilang kulay ng kababalaghan at kamatayan pero hindi lahat ng kulay itim, dapat katakutan, dahil ang iba, nakatatakam. Kung pasta-lover ka, dapat subukan ang seafood mushroom black pasta ng isang food tray business  sa Quezon City. Dahil sa  tinta ng pusit kaya nagiging itim ang kanilang pasta. Para kay Ka-Brigadang Mav Gonzales, hindi man appetizing ang color pero ang dish na ito ay siguradong, black is delicious! Sa isang restaurant din sa Quezon City binabalikbalikan ng kanilang customers ang kanilang kakaibang ramen, ang tawag dito, Black Tonkatsu ramen. Ang maitim na kulay ay mula naman sa sinunog na bawang. Sa Paete,  Laguna  matatagpuan ang kakaibang pizza ni Jhonny Tatac. May online business si Jhonny, at ang kaniyang best seller, ang kaniyang black pizza na gawa sa dinuguan.



BUWAYA NG BALABAC
Kara David


Napasugod sa clinic  sa Balabac, Palawan, si Jomarie, isang mangingisda. Idinadaing niya ang mga sugat sa kaniyang binti. Ayon sa kaniya, sinakmal  siya ng buwaya. Alam daw ni Jomarie na may mga buwayang nakatira sa paligid ng kanilang bahay. Pero iyon raw ang una nilang engkuwentro. Ang nangyari kay Joemarie, ay pangatlong naitalang crocodile attack ngayong taon sa Balabac. Samantalang, tuluyan nang nawalan ng paningin sa kaliwang mata si Janilon Amalong. Ang ibabaw na bahagi ng ulo ni Janilon ang unang kinagat ng buwaya na sinundan ng kagat sa likod. At panghuli, sa kaliwa niyang mata. Inalam ni Kara David  kung salarin nga bang maituturing ang mga buwaya sa Balabac.

 


HALLOWEEN STARS
Oscar Oida


Sino ang hindi kikilabutan sa mahusay na pagganap ni Rhed Bustamante sa mga horror film bilang nagmumultong manika, masamang ispiritu o kampon ng kasamaan? Bata pa lang daw mahilig nang umarte ang thirteen years old na si Rhed. Bukod sa mga nakakapanindig-balahibong roles niya sa mga pelikula, may real-life horror na kinatakutan si Rhed, iyon ang pagkawala ng kaniyang lola. Ilang nakahihindik na role na rin ang nagampanan ni Lola Angie, 82 years old. Sa kaniyang mga mata pa lang at tawa,tiyak matatakot ka na. Nag-umpisa sa teatro si Lola Angie at dahil sa tulong ng national artist for film na si Lino Brocka kaya niya napasok ang mundo ng pelikula. Kalaunan naging madalas na rin si Lola Angie sa mga teleserye ng GMA. Naging parte si Lola Angie ng primetime series na Amaya na pinagbibidahan ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera. Gumanap siya rito bilang si Uray Hilway ang punong babaylan ng kanilang komunidad. Nakapanayam sila ng ating Ka-Brigadang si Oscar Oida at nalaman niyang dahil sa trabahong ito, natulungan ni Lola Angie ang kaniyang pamilya. Samantalang si Rhed naman ay natustusan niya ang kaniyang pag-aaral.

 



Samahan ang premyadong mamamahayag at laking-Brigada Siete na si Kara David at ang mga bagong henerasyon ng mamamahayag sa Halloween special ng Brigada ngayong Sabado.