ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Brigada

Isang bata na bigla umanong sinaniban, itatampok sa Brigada!


 


SANIB?
Sa mismong araw ng anibersaryo ng pananalanta ng Bagyong Yolanda sa lungsod ng Tacloban, bigla na lang daw sinaniban ang batang si "Rona" ng di-umano’y kaluluwa ng isa sa mga namatay sa sakuna. Ang nais daw nito, mahanap ang mga labi ng kanyang kapatid na isa rin sa mga nasalanta at binawian din ng buhay. Tatantanan nga ba ng kaluluwa si "Rona" kapag naisakatuparan nito ang nais nitong gawing misyon? Inalam ni Kara David ang kasagutan.

 


PAROL KAYO DIYAN!
Bukod sa malamig na simoy ng hangin, tanda rin ng papalapit na Pasko ang kumukuti-kutitap na ilaw ng mga parol. Sa Pila, Laguna, isang pamilya ang nagtutulong-tulong sa paggawa ng mga parol na hindi mo aakalaing gawa pala mula sa recycled materials. Ang mga nakukuha nilang kalakal tulad ng lumang gulong, karton, at plastic bottles ay nagagawa nilang mga nagniningning na obra, na siya naman nilang ibinebenta para makatulong sa pag-aaral ng magkakapatid na sina Lean, Josh, Sachi, at Leandro na kinakailangang maghiraman sa iisang lumang laptop para lang makasabay sa mga klaseng ginaganap pa rin ngayon online dahil sa pandemya. Tinuruan ng Pamilya Ambrosio si Darlene Cay kung paano gumawa ng maganda at environment-friendly na mga parol.

 


PINOY SA AFRICA
Limang taon nang nagtatrabaho bilang data analyst sa Equatorial Guinea ang OFW na si Rowell. Bukod sa matagumpay na karera, sa maliit na bansang ito sa Africa rin hindi inaasahan ni Rowell na makakatagpo siya ng mga lokal na residenteng itinuturing na niya ngayong pangalawang pamilya. At ang ikinatutuwa pa niya, tinanggap din nila ang kulturang Pinoy, at ngayo'y bahagi na ng pang-araw-araw nilang buhay ang itinuro niyang pagmamano, paglalaro ng patintero, at pagluluto ng adobo! Ang lahat ng ito, ibinabahagi ni Rowell sa buong mundo sa pamamagitan ng kanyang vlog na siya namang pinupusuan ng libu-libo niyang subscribers. Nakilala ni Lala Roque ang nasa likod ng vlog na Pinoy in Equatorial Guinea.

 


Samahan ang premyadong mamamahayag at laking-Brigada Siete na si Kara David sa pagtutok sa mga bagong kwento’t bagong karanasan at sa patuloy na pagbabantay sa mga isyu ng bayan kasama ang bagong henerasyon ng mga mamamahayag ngayong Sabado, 9:50 ng gabi, sa iisang Brigada sa GTV.

Tags: brigada