Isyu sa Benham Rise at mga minahan sa Pilipinas, muling tatalakayin sa 'Bawal ang Pasaway'
BAWAL ANG PASAWAY KAY MARENG WINNIE
LUNES, APRIL 24, 2017
10:15 SA GMA NEWS TV
Nag-uumapaw ang likas na yaman ng Pilipinas. Subalit, may mga nagtatangka umano na agawin at sirain ang mga ito.

Isa sa mga isyu kamakailan ay ang pagpasok ng Tsina sa Benham Rise. Sino nga ba ang may karapatan dito - ang Pilipinas o ang Tsina? Sa one-on-one interview ni Mareng Winnie kay Prof. Jay Batongbacal, ang kasalukuyang Director ng Institute of Maritime Law sa Unibersidad ng Pilipinas, ipinaliwanag niya na idineklara ng United Nations Commission on the Limits of the Continental Shelf ang Benham Rise bilang bahagi ng Philippines’ continental shelf. Sa ilalim ng UNCLOS o UN Convention on the Law of the Sea, ang Benham Rise ay nasa 200 nautical miles mula sa state baseline or edge ng Pilipinas kaya maituturing na may ekslusibong karapatan tayo rito.
Malaki raw ang magiging pakinabang sa Benham Rise ayon sa mga eksperto dahil sa mga mineral na matatagpuan dito. Bagay na sinang-ayunan ni Rovella Savella, Vice President ng UPSTREAM Operations ng Philippine National Oil Company. Ayon kay Savella, malaki raw ang potensiyal nito sa gas hydrates o methane.
Sa nakaraang press conference ng Pangulong Duterte, sinabi niya na balak niyang baguhin ang pangalan ng Benham Rise sa Philippine Ridge para maipakita na may karapatan ang Pilipinas dito. Sinimulan na rin ang pagpapatrolya ng Philippine Coast Guard sa lugar. Sinabi rin ni Acting Executive Director Maria Lourdes Montero ng Department of Foreign Affairs na tinanggihan na ng Pilipinas ang mga request ng Tsina na magsagawa ng pag-aaral sa Benham Rise. Ayaw raw kasi ng Tsina na aprubahan ang hiling ng Pilipinas na dapat may kasamang Pilipinong scientist sa kanilang exploration.

Isa pang mainit na isyu sa kalikasan ay ang pagmimina sa Pilipinas. Balikan natin ang naging one-on-one interview kay DENR Secretary Gina Lopez. Magpahanggang sa ngayon, kontrobersyal pa rin ang pagpapasara ni Sec. Lopez sa mga minahan.
Noong March 13, 2017, nagsampa sa Office of the Ombudsman ang Chamber of Mines of the Philippines o COMP ng reklamong paglabag sa Anti- Graft and Corruption Practices Act at Code of Conduct & Ethical Standards for Public Officials laban kay Secretary Lopez. Kinukuwestyon ng COMP ang ginawang pag-aaudit ng grupo ni Lopez.
Kaliwa’t kanan man ang mga batikos kay Sec. Lopez, nagpahayag pa rin si Pangulong Duterte ng kaniyang suporta sa kalihim. Sa kasalukuyan, nakabinbin pa rin ang confirmation ng appointment ni Lopez mula sa Commission on Appointments. Ganunpaman, muli siyang itinalaga ng president sa DENR.
Pagtuunan natin ng pansin ang ating kalikasan ngayong Lunes sa "Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie."