Batutay maker, bibigyan ng bonggang 'Day Off'

Sa Nueva Ecija matitikman ang isa sa mga pinakamasarap daw na longganisa sa bansa, ang longganisang Cabanatuan o Batutay. Siksik at malinamnam ito dahil sa pinaghalong giniling na karneng baka at tinadtad na bawang.
Pero hindi lang batutay ang pakay nina Ken Chan at Dasuri Choi sa pagdayo nila sa Cabanatuan, sasadyain din nila ang lugar na ito para makilala ang ating katangi-tanging Day Off winner ngayong Sabado --- ang batutay maker na si Evelyn Oracame o mas kilala bilang Tita A!
Dalawang dekada nang batutay maker si Tita A. At dahil sa sobrang kasipagan, nagkukulang naman daw siya sa pahinga at oras para sa pamilya. Hindi pa nga raw niya nagagawang malibot ang sariling probinsya!
Kaya naman ang sagot sa kanyang pagod --- isang munting day off kasama si Janine Gutierrez. Lalayo pa ba sila ng paglalamyerda kung sa Nueva Ecija pa lang, “it's more fun” na? Ano kayang mararamdaman ni Tita A kapag ipinasyal siya ni Janine sa Minalungao National Park. Malula kaya si Tita A. sa hanging bridge na 40 feet ang taas? Sa isa namang farm resort, may bitbit si Janine na mga taong makakasama ni Tita A sa unlimited fruit picking! Sino kaya ang mga ito?
Samantala, sina Ken at Dasuri ay magkakasubukan naman ng galing sa paggawa ng batutay. Mula sa paggiling ng karne, paghahalo ng mga rekado, pagsisilid sa isaw at pagtatali nito para maging longganisa ay gagawin nila! Magkakaalaman din kung sino sa kanila ang pinakama-diskarte sa pagbebenta ng batutay sa loob ng palengke.
Tiyak na ma-re-relax na naman kayo sa episode na ito ng award-winning reality show na Day Off! Tutok na ngayong Sabado, 6:15 PM sa GMA News TV!