Iskrambol vendor, mabibigyan ng 'Day Off!'

Mula noon, hanggang ngayon, hindi pa rin mawawala ang masarap na summer pampalamig na kinagigiliwan ng iba't ibang henerasyong Pinoy - ang iskrambol!
Sakto ang request ng Day Off letter sender na si Danica dahil ang gusto niyang bigyan ng pahinga ay ang amang si Angelito "Totong" Badillo na nagtitinda ng iskrambol sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Bukod sa Bulacan ay dumarayo rin sa Cagayan tuwing buwan ng Marso si Totong para maglako ng iskrambol. August 2017 pa raw sumulat si Danica sa Day Off at sa wakas ay magkakaroon na ng katuparan ang hinihiling niyang pahinga para sa amang halos siyam na buwan na niyang hindi nakakasama dahil sa pagtatrabaho nito sa malayong lugar. Sina Janine Gutierrez at Dasuri Choi ang magbibigay ng break kay Totong mula sa pagtitinda ng sikat na pampalamig. Ma-achieve kaya nila ang timpla ng iskrambol ni Totong? Manu-mano rin nilang gagadgarin ang yelo gamit ang klasik na pangkaskas. Para masubukan kung tama ang lapot ng iskrambol, kailangan pa nilang itaob ang lalagyanan at siguraduhing hindi tatapon ang mixture. May matatapunan kaya ng iskrambol sa kanilang dalawa?
Mapapalaban din sa paglalako ng iskrambol sina Janine at Dasuri. Panic mode ang dalawa kaya't nakalimutan nilang maningil sa mga bumibili. Paano pa kaya sila makababawi sa kita?
Kaabang-abang ang rewards na matatanggap ni Totong dahil ang kaniyang iskrambol kariton ay mabibigyan ng isang ultimate makeover. Ano kaya ang bagong disenyo nito? May paandar din na regalo ang Day Off na siguradong ma-ro-roadtest niya papuntang Cagayan.
Kasama si Maey Bautista, patitikimin din sina Totong and family ng iba't ibang shaved ice desserts. Matalbugan kaya nito ang iskrambol ng ating Day Off Winner? Mamamasyal din sila sa isang amusement park sa Pasay. Abot sa tuktok ng ferris wheel ang kaligayahan ni Totong dahil first time itong mararanasan ng buong pamilya.
Chillax at magpalamig sa mga umaapaw na sorpresa ngayong Sabado sa Day Off, 6:15PM sa GMA News TV!