ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Elemento: ano ang hiwaga sa ilalim ng Ilog Wawa?
Tampok sa ikatlong pagtatanghal ng Halloween special ng GMA na “Elemento” ang kuwento ni Pandora, ang diwata ng Ilog Wawa. Hindi naiiba si Pandora sa karaniwang paglalarawan nating mga Pilipino sa mga diwata—kaakit-akit ang kaniyang hitsura, mahaba ang buhok at karaniwang nakasuot ng puting damit. Ngunit bakit nga ba sa kabila ng kaniyang alindog, kinatatakutan pa rin siya?
Si Pandora ang itinuturong dahilan sa pagkamatay ng mga panganay na lalaki sa kanilang lugar. Totoo ito, pero hindi alam ng mga tao ang tunay na dahilan kung bakit ito ginagawa ng diwata.
Noong bata pa si Pandora, umibig siya sa isang mortal. Bawal ito sa batas ng mga diwata, kaya bilang parusa, isinumpa si Pandora. Tuwing lalapastanganin ng mga tao ang Ilog Wawa, papangit ang kaniyang hitsura. Babalik lang ang kaniyang kagandahan sa tuwing kikitil siya ng buhay ng isang lalaking panganay sa pamilya. Mawawala lang daw nang tuluyan ang sumpa kapag dumating ang panahong mayroong isang lalaking tunay na magmamahal sa kaniya.
Pero sa paglipas ng panahon, mas naging mapang-abuso ang mga tao. Bilang isang sikat na atraksyon ng mga turista ang Ilog Wawa, maraming naliligo rito. Patuloy ang pagtatapon ng mga tao ng basura at kemikal sa ilog, kaya naman patuloy ding pumapatay si Pandora.
Hindi nagtagal, nakilala ni Pandora ang tour guide na si Ramil. Noong una, natakot din si Ramil nang makilala niya ang tunay na katauhan ni Pandora. Pero hindi man niya iniibig ang diwata, ang kaniyang busilak na pagmamalasakit at pangangalaga sa Ilog Wawa ang tuluyang tumalo sa sumpa.
May aral at puso
Katulad ng sikreto sa likod ng pagkitil ng buhay ni Pandora, may nakakubling aral din ang handog sa atin ng programang “Elemento.” Dito ipinakita na kung minsan, tayong mga tao rin ang gumagawa ng mga bagay na ating ikapapahamak.
“Elementos or entities of the dark have long been perceived as evil doers, heartless, and merciless villains who outwit their unwilling victims, the humans,” ani program creator Ivy Magparangalan. “‘Elemento’ shows creatures of the dark encountering their own struggles as they fall in love, rear their children, and protect the legacy of their own kind.”
Sa pamamagitan ng katauhan ni Pandora at ang paglaho ng mga panganay na lalaki sa bayan, ipinapaalala sa atin ng programa ang mga maaaring kahinatnan ng ating pagpapabaya sa kalikasan.
Higit pa sa kababalaghan ang nais ihandog ng “Elemento” sa mga manonood ngayong Undas dahil sa tema nitong tiyak na kapupulutan ng aral lalo na ng mga kabataan.
“Since I want kids to learn something from the show, I also made sure to inject good Filipino values for them to emulate,” dagdag pa ni Ivy.
Para matiyak na ma-eengganyo ang mga kabataan sa panonood, kinuhanan din ang mga eksena gamit ang Canon C300s kaya naman nagmistula itong pelikula.
Kasama rin sa mga bumubuo ng programa ang batikang horror director na si Topel Lee at Urian awardee na manunulat na si Zig Dulay.
Huwag palampasin ang huling episode ng “Elemento” ngayong October 31, Biyernes, pagkatapos ng 24 Oras. Abangan ang pagganap ng ating Kapusong si Mike “Pekto” Nacua bilang Bambolito, ang duwendeng itim na may kapangyarihang apoy. –Yuji Gonzales/BMS/ARP
Sundan ang Official Facebook page ng GMA Public Affairs para sa updates at exclusive web content ng programa.
More Videos
Most Popular